Ginuho Mo Ang Binuo Mo
By: QueenSandok / Via Aiv
Date posted: July 29, 2018, 10:54 amNagmahal ako ng construction worker.
Totoo. Walang halong biro.
Alam mo ba ang mas nakakabilib?
Siya lang ang bukod tanging nakagawa mag-isa
Ang taas ng itinayo niya, ang taas-taas kaya't inakala ng lahat na matibay ang pagkakagawa
Pininturahan niya pa ng magagandang kulay, nakakamangha
Ang saya ng lahat nang matapos ang pagkakagawa dahil ang dating abandonado ngayon ay gumanda na parang bago
Ang dating wasak ay napuno ng galak
Ang dating madilim ay naging maliwanag
Ang dating nasira ay nabuo
Ang dating kami at naging tayo
Ikaw ang bumuo ng panibago nating pundasyon
Ikaw ang naghalo ng buhangin at semento para sa atin na aabutin ng henerasyon
Hindi mo tinipid ang mga materyales ng pagmamahal para masiguro ang katibayan
Pinili mong maigi ang mga disensyong hindi makakasakit ng puso ko
Hindi ka marahas magpupok ng pako
Dahan-dahan ang paglapag ng graba at paglapat ng simento
Binuo mo ako nang dahan-dahan
Habang lumalago ang pagmamahal ko sayo sa bawat araw na nagdaan
Mahal, sa lahat ng tao sa paligid ko
Ikaw ang kaisa-isang bumuo sa pagkatao ko
Pinunan mo ang pagkukulang sa'kin ng mundo
Ibinalik mo ang dating kurba ng mga labi ko
Nagkabuhay ang mga mata ko na makapagsasabing masaya ako sa'yo
Binawi ko ang hiling kong lamunin nalang ako ng lupa
Dahil nais kong manatili nang mas mahaba para makasama ka
Natuto akong muling mahalin ang sarili ko
At pati ikaw dahil nasa iyo ang puso ko
Pero ginulat mo ako nang biglaan
Hindi ko inaasahang mawawala ka nang hindi nagpapaalam
Nilisan mo ang kagagawa mo lang na proyekto
Bigla ka nalang nawala sa paligid ko
Hindi ka na ba masaya?
Napagod ka na ba?
May nagawa ba akong masama?
May nasabi ba akong 'di kaaya-aya?
Nagtalo ba tayo? Kailan?
May problema ba? Sabihin mo naman.
Hindi yung iiwan mo ako nang biglaan kasi nanginginig ako't kinakabahan
Umaagos ang mga luha't walang masandalan
Inaantay kong bumalik ka manlang
Pero wala, mahal. Hindi mo na ako binalikan
Ginulat mo naman ako nang sobra
Para akong bumalik sa simula
Gumuho yung binuo mo, sinta
At hindi ko alam kung paano ako tatayong mag-isa
Pinaranas mo lang sa akin ang kagandahan at sarap ng pakiramdam kapag nasa itaas
Pero agad ka ring lumisan kaya't bumagsak ako't nagkalas-kalas
Mahal, kung nasaan ka man
Salamat sa pagpaparanas ng nais kong maramdaman... kahit panandalian
![](https://img.wattpad.com/cover/120690673-288-k705763.jpg)
BINABASA MO ANG
Tears Per Lines [Poetries]
Poetry"Ako'y may sasahin Ayaw kong diretsohin Nais kong iparating sa iyo Sa pamamagitan ng mga tula ko..." A collection of poetries: Unspoken poetries, poems about friends, love and family, poems about some great Wattpad stories and local movies, free ver...