TYRONIA'S POV
Bumangon ako mula sa pagkakahiga sa kama at napabuntong-hininga. Maaga sana akong papasok para kuhanin ang registration form pero tinanghali na naman ako ng gising. Agaran akong kumilos para makahabol sa panghapon na klase.
Kinabukasan ko pa makukuha ang uniporme ko kaya naka-muscle tees at ripped jeans ako ngayon. Humarap ako sa salamin at inayos ang sarili. Hindi ako babaeng-babae kung manamit, nahihirapan kasi akong gumalaw ng maayos kapag ganoon ang sinusuot ko. Mas gusto kong magsuot ng maluluwag na damit kaysa sa hapit.
Hindi rin ako mahilig maglagay ng anumang kolorete sa mukha. Maputi naman ako kaya hindi ko na kailangan ng ganon, tanging petroleum jelly lang ang ginagamit ko para maiwasan ang pagbabalat ng labi ko. Hindi ko na rin tinali ang mahaba at itim kong buhok dahil hindi ko mahanap ang tali ko. Nang matapos ay sinuot ko na ang jacket ko at kinuha ang gamit bago bumaba.
Nahinto pa sa paglalakad si Sebastian nang makita ako, "Aalis ka na?"
Ang pamilya niya ang nag-aasikaso sa akin simula nang manirahan ako rito sa Pilipinas. Tumango ako at ginawaran siya ng matamis na ngiti. "Ikaw na muna ang bahala sa mga alaga ko."
"Gusto mo bang ipatawag ko si Felix?"
Umiling ako bago tumugon, "Hindi na... kaya ko na."
Si Felix ang family driver namin at dito rin nakatira sa mansyon. Dumiretso ako sa garahe at tinanggal ang cover ng motor. Pinainit ko na rin muna ang makina bago tuluyang umalis. Wala pang kinse minuto ay nasa parking lot na ako ng Monarch International University (MIU). Naghanap pa ako ng slot at doon ko na lang piniling pumarada sa gitna ng magagarang sasakyan. May nakapinta pa na VIP sa semento pero nagkibit-balikat na lang ako at pinarada na roon ang motor ko.
Hinubad ko ang helmet at ipinatong iyon sa tanke ng motor. Inayos ko pa ang buhok ko at kinuha ang salamin na nakasabit sa damit ko para suotin.
Hindi ko alam kung saan ako papasok sa dami ng building na nandito. Tatlong malalaking building ang makikita rito kaya nagpasya na lang akong pumunta sa pangatlong building dahil mas malapit iyon.
Nang makapasok ako sa loob ay ramdam ko kaagad ang lamig. Para pa akong nasa malaking museum dahil sa dami ng painting na nakasabit dito. Malinis at nagkikintaban ang sahig, mayroon pang mga bulaklak sa paligid at may malaking rebulto sa gitna ng lobby.
Naglakad lang ako at nilibot ang paningin. Naagaw ng atensyon ko ang mga speaker na nakalagay sa bawat kanto dahil bigla silang tumugtog. Sakto namang nahagip ng paningin ko ang admission kaya pumunta ako roon.
Pagkapasok ko ay tinanong kaagad ako ng staff kung ano ang kailangan ko. Nang sabihin ko sa kanila ay kinuha nila ang buo kong pangalan at pinaupo muna sa sofa dahil ipiprint pa raw nila iyon. Binigyan pa ako ng juice ng isang staff at biscuits na galing pang Ukraine. Habang naghihintay ay nilibot ko ang paningin. Pinagmasdan ko ang mga painting na nakalagay sa gitnang bahagi ng opisina pati na rin ang mga palamuti. May nakalagay din na speaker sa bawat kanto at kung ano ang pinapatugtog kanina sa hallway ay ganon din ang naririnig dito.
Pagkalipas ng sampung minuto ay inabot na nila sa akin ang student handbook at iba pang papeles ko. Sinabi rin nila sa akin kung saan ang building ng junior kaya alam ko na kung saan ako pupunta. Habang naglalakad palabas ay tiningnan ko ang schedule ko at napangiti dahil mayroon kaming subject na music.
Nang marating ko ang isang building ay naisipan kong maglibot muna dahil may kalahating minuto pa ako bago magsimula ang klase. Wala ring pinagkaiba ang loob ng building na ito sa una kong napuntahan at ganoon din ang tugtog na naririnig ko rito.
Naglakad-lakad lang ako hanggang makarating sa dulo ng building. Canteen na ang nakikita rito at ang malawak na hardin na may naglalakihang mga puno. Puro glass wall ang nakapalibot dito at may mga blinds na nakababa. Malamig din dito dahil sa dami ng aircon. Naglakad ako palabas ng canteen at tinanaw ang hardin. Mukhang pwede ring manigarilyo rito dahil may nakikita akong mga ashtray bin sa tabi ng mga bench.
BINABASA MO ANG
Chasing Trilogy Book I: Chasing Him
Acción[Completed] There is a saying that people fall in love with the most unexpected person at the most unexpected time. Tyronia is the new Leader of Japan's biggest organization. She's been broken ever since Zachary died, but everything has changed ever...