CHAPTER EIGHTY- EIGHT

306 32 41
                                    

TYRONIA'S POV

Isang buwan din ang lumipas simula nang maging kami ni Barney. Nagkaayos na rin sila ni Blaze at nagiging madalas na ang pagkikita namin ni Barney. Naging abala rin kami nitong nakaraang linggo dahil sa exam.

Napag-usapan na rin namin ni Barney na tuwing linggo kami mag-eensayo ni Aevan. Naglaan din kami ng araw na para sa amin at tuwing sabado iyon. Nag-eensayo rin sina Barney tuwing linggo pero hindi nila kami sinasamahan dahil araw nila iyong magto-tropa. Salitan din kami ni Naomi sa pagtuturo dahil tuwing sabado ay siya ang nagtuturo kay Aevan mag-motor.

Marami na rin akong natuturo kay Aevan at pahirap na nang pahirap ang tinuturo ko sa kaniya. Hindi alam ni Barney na tinuturuan ko na si Aevan na makipaglaban habang minamaneho niya ang motor.

Wala silang race track sa HQ nila kaya dinadala ko si Aevan sa village kung saan makikita ang HQ namin. Gustuhin ko mang turuan si Aevan na gumamit ng armas pero hindi pwede dahil ayaw kong maghinala sila.

Kapag walang pasok sa School ay nilalaan nina Barney ang oras nila para turuan kaming gumamit ng armas. Hindi nila alam na bihasa kami ni Naomi sa paggamit ng mga armas kaya nagpapanggap kami na walang alam.

Sabado ngayon at nagyaya sina Bolt na gumala. Sinabi pa nilang kami na ang mag-isip kung saan namin gustong pumunta. Napagdesisyunan namin ni Naomi na sa Enchanted Kingdom na lang magpunta dahil matagal na kaming hindi nakakapunta roon.

Pagkatapos kong mag-ayos ay kinuha ko na ang mga gamit ko at nagtungo sa kwarto ni Naomi.

"Bilisan mo na," utos ko nang makapasok ako sa kwarto niya.

Parehas kaming naka-muscle tees at naka-army boots din siya, ngayon lang siya nagsuot ng ganoon dahil gusto raw niyang parehas kami. Nakaitim nga lang siyang shorts habang ako ay nakaitim na cargo pants.

"Eto na, psh! Bakit kasi nagmamadali ka... wala pa naman sila ah!" Inis niyang sabi.

Napangiwi ako sa sinabi niya, "Susunduin ko si Barney."

Napabuga siya nang hangin bago umayos ng tayo at nakapamaywang na tumingin sa akin. "Bakit ikaw ang magsusundo? Ang usapan... dito magkikita-kita at si Barney mo ang magsusundo sa iyo!"

Nagpakawala ako ng hangin bago siya sagutin. "Wala na siyang magagawa kapag nandoon na tayo. Si Tiger ang gagamitin ko... kay Bolt ka naman sasakay mamaya 'di ba?"

"Malamang! Kahit ayaw kong sumabay sa kaniya ay napipilitan ako. Uulitin ko, NAPIPILITAN ako pero wala akong magawa kasi sa akin mo siya inatas at kailangan ko siyang bantayan, psh!" Singhal niya. Kung ano-ano pa ang nilalagay niya sa bag.

"Bakit ang dami mong sinusuksok sa bag mo?" sita ko.

"Pangtaboy ito nang masamang espiritu mamaya kaya marami akong dinala, psh! Alam mo naman ang bibig ni Bolt, masyadong makasalanan," agad niyang tugon. Padabog niya pang nilagay ang alcohol sa bag.

"Tss... mauna na ako sa baba," tugon ko bago siya iwan.

Nagtungo ako sa kusina at nilagay sa paper bag ang tsokolate na ginawa ko kagabi. Pagkatapos ay ngingiti-ngiti akong naglakad papunta sa garahe. Binuksan ko ang kotse at nilagay ang paper bag sa backseat. Pinabanguhan ko pa ang kotse bago ko painitin ang makina.

Alas nueve pa naman ang usapan namin pero inagahan ko dahil maagang naalis sina Barney. Hindi na kasi ako nakakapagmaneho ng sasakyan dahil palagi niya akong hinahatid-sundo kaya gusto kong ako naman ngayon.

Inilabas ko na rin ang sasakyan at hinintay si Naomi. Nang mailabas ko ay sakto namang dating niya. Kumunot pa ang noo niya nang makapasok siya sa loob. "Langya... pinabanguhan pa."

Chasing Trilogy Book I: Chasing HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon