Si Jules, Si Cairo
Dahil sa tagpong iyon ay kaagad na sumingit si Lance sa aming pagitan.
"Pre tama na yan" suway niya dito at kaagad na tinanggal ang mahigpit na pagkakakapit ni Piero sa akin.
Nagtagumpay si Lance na maihiwalay ito sa akin. Kaagad akong napayuko at napahawak sa braso kong halos malamog dahil sa higpit ng pagkakahawak niya.
"Ano bang nangyayari dito?" Naguguluhang tanong ni Lance sa amin.
Hindi ako sumagot nanatiling nakayuko. "Iiwan ko yan dito, kayo na ang bahala sa kanya. Ayoko na siyang makita" galit na sabi ni Piero kaya naman napanguso ako. Parang may kung anong kumirot sa dibdib ko dahil sa kanyang sinabi.
"Paano yung mga gamit k..." hindi ko na naituloy ang tanong ko ng muli nanaman itong sumigaw.
"The hell i care" asik niya.
Kaagad siyang nilapitan ni Lance, hinawakan sa braso at kinausap ng malumanay para pakalmahin. Nakinig siya sa sinasabi ni Lance pero hindi pa din maiwasan ang matalim na pagsulyap niya sa akin.
Pasimple akong kumuha ng tikoy habang naguusap silang dalawa, paborito ko talaga iyon at ang gawa ni Sarah ay sobrang nakakatakam. Kagat labi akong kumuha ng isa, dahan dahan para hindi niya ako mahalata. Susubo na sana ako ng kaagad akong mapatingin kay Piero na nakanganga ngayon habang nakatingin sa akin. Napanguso ako, labag sa loob kong binitawan iyon. Nakakainis.
Magana akong kumain ng tanghalian, masarap magluto si Sarah kaya naman siguradong mapaparami ang kain ko. "Anong ginagawa mo sa Hongkong, Amaryllis?" Tanong ni Lance sa akin, parang hindi pa nga ito sigurado na tawagin akong Amaryllis.
Napainom ako ng juice para malunok ng mabilis ang pagkain sa aking bibig. "Madami, maid, waitress, online seller" nakangiting sagot ko dito.
Namangha si Sarah at Lance dahil sa sinabi ko. Palihim akong sumulyap kay Piero pero nakatuon lamang ang kanyang buo ng atensyon sa kanyang pagkain.
"Masipag ka pala" puri ni Lance sa akin.
Napatawa ako. "Kailangan eh" sagot ko na lamang.
Matapos kumain ay nagpahinga lamang kami sandali. Nakaupo ako sa may sala habang kumakain ng tikoy na ginawa kong panghimagas. Kanina pa talaga ako takam na takam duon kaya naman ng iabot sa akin ni Sarah ang isang box ay hindi na ako tumanggi pa. Nakapatong iyon sa aking binti, ngunguya nguya ako habang nakatitig duon, pinagiisipang mabuti kung paano ko iyon kakainin lahat.
"Aalis na ako" anunsyo ni Piero na ikinagulat ko.
Kaagad akong napatayo dala dala ang isang box ng tikoy. "Aalis na tayo?" Tanong ko pa sa kanya.
Tamad akong tiningnan nito. "Ako lang, maiwan ka na dito" tamad na sagot niya sa akin. Napanguso ako, kaagad na nalungkot. Umasa ako na hindi niya siseryosohin ang sinabi niya kanina, na baka nadala lamang siya ng kanyang emosyon.
"Pero Piero..." pagpigil ko sana sa kanya pero inirapan niya na lamang ako.
Natingin siya kay Lance kaya naman kaagad na lumapit si Lance sa akin. "Wag kang mag alala Amaryllis, kami ang bahala sayo dito. Gagawa si Sarah ng maraming tikoy para sayo" pagaalo pa niya sa akin.
Malungkot akong napatingin kay Piero, bagsak na ang aking balikat. "Sama ako..." parang batang sabi ko sa kanya.
Kita ko ang pagkuyom ng kanyang kamao. "Kayo na ang bahala, aalis na ako" pinal na sabi niya at tsaka siya dirediretsong lumabas duon.