Bagong buhay
Halos mabali ang leeg ko dahil sa paglingon. Hindi ko kayang iwanan si Piero sa ganuong sitwasyon. Muli akong nagpumiglas sa pagkakahawak ni Rajiv sa akin pero mas lalo lamang niyang hinihigpitan ang hawak.
"Parang awa mo na, hindi ko kayang iwanan si Piero" pakiusap ko pa din sa kanya pero masyado nang sarado ang isip ni Rajiv.
"Stop it Amary. Wala ka ng magagawa" galit na utas niya sa akin at tsaka ako patuloy na hinila pasakay sa van. Naikuyom ko ang aking kamao. Imbes na magpumiglas ay nilapitan ko pa siya at tsaka pinagpapalo.
"Ang sama mo, napakasama mo!" Hiyaw ko habang hinahataw siya ng mga palo at suntok. Nagulat si Rajiv dahil duon pero kaagad din siyang nakailag.
"Amary" madiing tawag niya sa akin bago niya ako binuhat mula sa aking bewang.
Mas lalo akong nagpumiglas. "Bitawan mo ako, ibaba mo ako!" Sigaw ko at pinagpapalo uli ang likod niya.
"Baka mahulog ka" galit na suway niya sa akin. Mas lalo akong nanghina ng maipasok niya na ako nang tuluyan sa van. Nawalan na ako ng pagasang makabalik pa kay Piero ng kaagad na sumakay si Rajiv at sinara ang pintuan.
"Let's get out of here" matigas na utos niya sa driver.
Matalim ang titig niya dito. Kita ko din ang bakas ng kuko ko sa kanyang mukha. Nakalmot ko siya nang nagpumiglas ako kanina. "Rajiv, kung mahal mo ako hayaan mo na ako kay Piero. Siya ang mahal ko..." umiiyak na pakiusap ko sa kanya.
"Si Piero ang nagpapasaya sa akin, si Piero ang gusto kong makasama" patuloy ko pa din. Habang sinasabi ko iyon ay mas lalo lamang tumatalim ang kanyang tingin, kita ko din ang kanyang pagtitiim bagang.
Nahigit ko ang aking hininga ng lingonin niya ako. "Isang banggit mo sa pangalan ng lalaking iyon Amary. Hindi ako magdadalawang isip na balikan siya ngayon ay ubusin ang bala ko sa buong katawan niya" matigas na pagbabanta niya sa akin.
Napahagulgol na lamang ako. "Patayin mo na lang ako Rajiv...patayin mo na lang ako" umiiyak na pakiusap ko sa kanya.
Ang kaninang matigas niyang mukha ay unti unting nanlambot. Umusog siya papalapit sa akin kaya naman umatras din ako. Nabato ako sa aking kinauupuan nang haplusin niya ang aking pisngi. "Wag mong sabihin yan Amary. Alam mo kung gaano kita kamahal...ayokong masaktan ka" malambing na pagaalo niya sa akin.
Marahas akong umiling. "Hindi kita mahal Rajiv" diretsahang sabi ko sa kanya kaya naman ang malambing niyang pagkakahaplos sa aking mukha ay lumipat sa akong baba, madiin niya akong hinawakan duon.
"Matututunan mo din akong mahalin" galit na giit niya bago niya ako binitawan.
Hindi na ako umimik pa. Sa may bintana ako humarap habang patuloy na umiiyak. Palabas na ang Van sa may kanto, ayokong harapin si Rajiv, nasusuklam ako sa kanya. Galit na galit ako sa ginawa nila kay Piero. Papaliko na ang van palabas ng kanto nang kaagad na lumaki ang aking mga mata. Nagkaroon ng pagasa ang aking dibdib nang makita ko ang pagdaan ng sasakyan ni Lance. Hindi ako pwedeng magkamali si Lance iyon! Matutulungan niya si Piero.
Sinundan ko ang sasakyan ni Lance kahit pa nakalagpas na ito sa amin. "Anong tinitingnan mo?" Tanong ni Rajiv sa akin at lumingon din siya sa likod para tumingin. Kaagad akong umayos ng upo at tsaka umiling.
Tahimik kong pinagsiklop ang aking mga daliri. Muling tumulo ang masasaganang luha mula sa aking mga mata. Mataimtim akong nagdasal para sa kaligtasan ni Piero. Alam kong mabubuhay siya, lalaban siya.