Kinikilig ako
Mabigat ang naging tingin ni Lance sa akin. Pagod ko din siyang tiningnan, naguguluhan na din ako. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa nalaman.
"Anong pwede kong gawin?" Umiiyak na tanong ko sa kanya.
Bumagsak ang mga mata ni Lance sa sahig. Napabuntong hininga siya. "Hindi ko din alam Amaryllis, pero isa lang ang sigurado ako. Wag mong iwanan si Piero, hindi na niya kakayanin" pagpapaintindi niya sa akin.
Muling bumuhos ang aking luha habang marahang tinanguan ang sinabi sa akin ni Lance. Ayoko din namang iwanan si Piero, hindi ko kayang iwanan si Piero lalo na't ganito ang kanyang sitwasyon.
Iniwan ako ni Lance pagkatapos nuon. Nanatili ako sa tabi nang natutulog na si Piero. Ang sabi ni Lance sa akin paguwi nito kahapon galing sa Agrupación ay ganyan na ang lagay niya. Buong araw siyang tulog, kung gigising man ay sandali lang.
"Kain ka muna...kailangan mo ng lakas para alagaan si Piero" nagaalalang sabi ni Sarah sa akin. Pumasok siya sa kwarto na may dala dalang tray ng pagkain. Tipid ko siyang nginitian.
"Sasabay akong kumain kay Piero" pumiyok pang sabi ko sa kanya dahil sa muling pagbabadya ng luha.
Naramdaman ko ang paghawak ni Sarah sa akin. "Kumain ka na muna, pagkatapos pag gising ni Piero kumain ka ulit" suwestyon pa niya sa akin kaya naman wala na akong nagawa pa kundi ang mapayakap na lamang kay Sarah.
"Hindi ko na alam ang gagawin ko, naguguluhan na ako" pagsusumbong ko sa kanya. Naramdaman ko ang paghaplos nito sa aking likuran, pilit niya akong pinapatahan.
Dahil sa aking sitwasyon ay nanatili si Sarah sa aking tabi. "Nalagay din ako sa ganyang sitwasyon" paguumpisa niya ng kwento sa akin.
Tumahimik ako at kaagad na nakinig sa kanya. "Kailangan ko ding pumili nuon, kung gusto ko bang makasama pa si Lance o hahayaan ko na lang siyang mamuhay ng marangya kasama ang pamilya niya" patuloy niya. Kita ko sa mukha ni Sarah ang lungkot habang binabalikan ang mga pangyayaring iyon.
"Anong pinili mo?" Marahang tanong ko sa kanya. Napayuko si Sarah at tipid na ngumiti, ramdam ko sa kanyang mga ngiti ang pait.
"Pinakawalan ko si Lance, kasi mahal ko siya. Kung saan siya magiging kumportable yun ang uunahin ko" sagot niya sa akin kaya naman muling bumigat ang dibdib ko. Isipin kong ganuon din ang mangyayari sa amin ni Piero ay hindi ko namataim.
Nagulat ako ng hawakan ni Sarah ang aking kamay. "Nagkamali ako sa parte na iyon. Hindi ko hiningi ang opinyon ni Lance tungkol duon kaya naman pareho kaming nasaktan na pwede naman palang hindi" giit niya sa akin. Kumunot ang aking noo.
"Pagusapan niyo ni Piero. Lumaban kayo ng magkasama, hindi ba sabi nga niya mas nagiging malakas siya pagkasama ka niya" pagpapaintindi pa niya sa akin na tinanguan ko lang.
Napayuko ako. "Nagiging malakas si Piero dahil sa akin, pero ako din ang dahilan kung bakit nanghihina siya. Pakiramdam ko ang toxic ko para sa kanya..." umiiyak na sabi ko kay Sarah. Unti unting nawala ang ngiti sa kanyang labi.
"Anong ibig mong sabihin?" Naguguluhang tanong niya sa akin,.
Bayolente akong napalunok. "Dumidipende na si Piero sa presencya ko. Hindi maganda iyon Sarah, hindi habang buhay nasa tabi niya ako" pagpapaliwanag ko pa kaya naman nanlaki ang kanyang mga mata.
"Amaryllis..." nagaalalang tawag niya sa akin.
Napailing ako. Hindi ko pa kayang sabihin sa kanya ang totoo. Hind ko pa kayang sabihin sa kanila na kakailanganin ko ding umalis.