Darren and Afrit
Patuloy pa din ang tahimik kong pagiyak habang pinapanuod ang mabilis na pagkilos ni Piero habang inaayos ang kanyang mga gamit. Nakatayo lamang ako sa may gilid, hindi pa din halos nagsisink in sa akin ang kanyang plano. Magtatanan kami, aalis kami at magpapakalayo layo. Tatakasan namin ang lahat.
Kumunot ang noo nito ng makitang umiiyak pa din ako habang nakatingin sa kanya. Sandali niyang sinara ang kanyang duffle bag bago siya lumapit sa akin. Mabilis niyang ikinulong ang aking pisngi ng kanyang maiinit na palad.
"Hey...bakit ka uumiyak?" Malambing na tanong niya sa akin. Bumagsak ang aking mga mata sa sahig at tsaka marahang umiling.
Naramdaman ko ang paghalik ni Piero sa aking ulo. "Tahan na" malambing na sabi niya ulit sa akin. "Para namang hindi na tanan ang gagawin natin niya. Para namang kikidnapin kita" nakangising sabi niya kaya naman napanguso ako at kaagad na napakagat sa aking ibabang labi para pigilan ang pagngiti.
Narinig ko ang malalim na paghugot nito ng hininga. Dahan dahan niyang inangat ang tingin ko sa kanya. Ang kanyang hintuturo ay nasa aking baba ngayon. Napako ang aking mga mata sa kanyang mga nangungusap na titig.
Pagod siyang ngumiti. "Ayaw mo bang makipagtanan sa akin?" Ramdam kong nasasaktan niyang tanong sa akin.
Bayolente akong napalunok. "Gusto ko...sasama ako sayo kahit saan" medyo paos pang sagot ko sa kanya dahil sa aking pagiyak.
Marahang tumango si Piero bago niya ako sandaling tinaniman ng halik ang aking mga labi. Sandali niya akong iniwan para muling ayusin ang kanyang mga gamit. Marahan kong pinunasan ang aking pisngi para ayusin ang aking sarili.
"Let's go" yaya niya sa akin at kaagad akong hinawakan sa aking palapulsuhan. Hinila na niya ako pababa sa kanilang engrandeng hagdan.
Nakita ko ang pagtigil ni Kuya Cairo ng makita kaming pababa. "Saan kayo pupunta?" Nagtatakang tanong niya sa amin.
"Magtatanan kami" tamad na sagot ni Piero sa kanya at hindi na nagabala pang huminto nagtuloy tuloy lamang kami sa paglabas ng kanilang bahay. Narinig ko pa ang ilang pagmura ni Kuya Cairo mula sa loob ng kanilang bahay pero hindi iyon pinansin ni Piero.
Sakay ng kanyang itim na civic ay tuluyan kaming umalis sa kanilang mansyon. "Saan ba talaga tayo pupunta Piero?" Tanong ko sa kanya habang nasa byahe kami. Nanatili ang kanyang mga mata sa kalsada.
"Malalaman mo din" seryosong sagot niya sa akin kaya naman muli akong napanguso at nanahimik na lamang. Kumunot ang noo ko ng makitang pumasok kami sa gate 2 ng kaparehong village.
Huminto ang kanyang sasakyan sa isa ding magarang bahay. Sa labas pa lamang ay kita mo ng kagaya ng bahay nila Piero ay may pagkaspanish din ang tema ng bahay. "Ipapakilala kita sa Tito Axus ko" sabi niya sa akin at kaagad akong hinila papasok duon.
Binati pa kami ng ilan sa mga kasambahay ng mga ito. "Piero, what brought you here?" Tanong ng isang lalaking kamukha ni Sir Alec. Ito siguro yung sinasabi nilang kakambal niya.
Kita ko din ang pagkabigla niya ng dumapo ang tingin niya sa akin. "Siya ba yung sinasabi ng Daddy mo na kamukha ni Sachi...Sachi's twin" tanong pa niya kay Piero na tinanguan lamang nito.
Tipid akong ngumiti sa kanya kaya naman nginitian niya din ako pabalik. Ang pagkakaalam ko ay sikat na car racer ito nung kabataan niya. Kagaya ni Sir Alec ay gwapo din ito, malakas ang dating kahit na may edad na.
"We need your help Tito" seryosong sabi ni Piero kaya naman kaagad na marahang tumango ang kanyang Tito Axus.
Inaya kami nito sa kanilang Sala. Halos mapaawang din ang bibig ko sa ganda ng interior ng kanilang bahay. Maging yung sofa na nila ay engrande din.