Bumalik na ako
Pagkauwi namin sa condi ni Piero ay kaagad akong dumiretso sa aking kwarto. Kahit wala akong kama duon hindi katulad ng kwarto ko sa bahay nila Lance sa bulacan ay ayos lang sa akin. Hindi ko alam kung bakit, pero parang mas kumportable ako dito lalo na at malapit ako kay Piero. Marahil ay dahil tumatak sa aking isip ang sinabi ni Papa, ligtas ako kay Piero.
Mahimbing ang tulog ko ng gabing iyon, kahit walang kama at malinis na kwarto, kampante ako. Kaya naman maganda ang naging gising ko kinaumagahan.
"Good Morning po Master..." nakangiting bati ko kay Piero pagkalabas niya ng kanyang kwarto.
Inirapan lamang ako nito kaya naman ipinagpatuloy ko na lamang ang aking ginagawang pagwawalis. Dumiretso siya sa may kusina at tsaka ginawa ang karaniwan niyang ginagawa tuwing gigising siya, gagawa ng kape sa coffee maker, pupunta sa ref at kukuha ng mansanas.
"Ayos na ba yang balikat mo?" Tamad na tanong niya sa akin puna sa aking pagwawalis.
"Wag kang magalala, ayos na ako. Kaya ko ng..." hindi na niya hinintay pang matapos ang sasabihin ko ng kaagad nanaman siyang napairap.
"Magpapaliwanag pa amputa, hindi ako nagaalala sayo. Baka mamaya ay mas grabe pa yang abutin ng pilay mo dagdag gastos nanaman" inis na sabi pa niya sa akin at tsaka ako tinalikuran para kuhanin ang kape niya.
Kaagad ko siyang sinamaan ng tingin, itinaas ko ang walis at umaktong papaluin siya. "Sungit" inis na bulong ko.
Matapos kumain ni Piero ng kanyang almusal ay muli itong pumasok sa kanyang kwarto. Matagal siya bago lumabas ulit, at paglabas nito ay nakabihis na siya.
"Tandaan mo, wala kang papapasukin na kahit sino" muli pa niyang pagpapaalala sa akin.
Napatango tango na lamang ako. Nagulat ako ng ibinigay nito sa akin ang key card ng kanyang condo na may kasamang pera. "Marami akong trabaho, ikaw na ang mag grocery para dito ng may silbi ka man lang" tamad na sabi pa niya sa akin na para bang nakahilata lang ako buong araw dito.
Itinaas niya ang kanyang hintuturo sa harap ng aking mukha kaya naman halos maduling ako sa pagtingin duon. "Bumalik ka kaagad naiintindihan mo? Wala ka ng pupuntahang iba" paalala pa niya sa akin na may kasamang pagbabanta.
Napatango tango na lamang ako. Itinuro din sa akin nito kung paano ako makakapunta sa pinakamalapit na grocery. Walking distance lamang iyon mula sa tower ng condo ni Piero. Hindi naman ako nagalala dahil magaling ako sa mga directions.
Tiningnan pa muna ako nito mula ulo hanggang paa bago siya tuluyang lumabas ng condo. Kung makatingin ito ay parang nagaalinlangan pa siya sa desisyon niyang palabasin ako. Matapos kong magawa ang lahat ng gawaing bahay ay kaagad akong naligo at nagbihis para lumabas at mag grocery.
Grabe yung tibok ng puso ko at excitement dahil sa wakas ay makakalabas na din ako. Binati ako ng guard pagkalabas ko ng building. Napatingin ako sa langit, ang ganda ng panahon ngayon. Ngiting ngiti akong naglakad sa kahabaan ng East Wood. Paglabas ko pa lamang ay pinalibutan na kaagad ako ng mga nagtataasang building at malls.
Sinunod ko ang instructions ni Piero sa akin kung saan ako makakapaggrocery. Hindi naman ako nahirapang mahanap iyon. Pero kaagad akong napatakbo ng makakita ako ng payphone sa loob ng isang convinient store. Kaagad kong idinial ang phone number nina Papa sa may noodles house. Nagriring pa lang ang telepono ay naiiyak na ako.
Hindi nagtagal ay sumagot ito. "Papa!" Pagburst out ko. Nakuha ko tuloy ang atensyon ng ibang mga costumers maging yung ate na nasa may counter. Hindi ko na lamang sila pinansin lalo ng marinig ko din ang pagiyak ni Papa sa kabilang linya.