Gusto kong mabuhay ka
Amaryllis Pov
Hindi ako mapakali habang hinihintay ang paglabas ni Piero mula sa aming kwarto. Pinaghalong takot at kaba ang nararamdaman ko habang iniisip ang mga pwedeng mangyari sa oras na makausap ni Piero si Ma'm Maria. Kaagad na uminit ang gilid ng aking mga mata at tsaka nagumpisang manlabo ang aking paningin dahil sa luha.
"Aalis na ako" anunsyo ni Piero na ikinagulat ko. Kalalabas lamang nito sa kwarto, bihis na bihis na siya at handa ng umalis.
Para akong naestatwa sa aking kinatatayuan ng muli ko siyang makita. Hindi ko na napigilan pa ang pagtulo ng masasaganang luha mula sa aking mga mata. Nanghihina ako, nanlalambot ang aking mga tuhod. Kumunot ang noo ni Piero sa pagtataka kaya naman kaagad siyang lumapit sa akin, nagaalala.
"Anong problema?" Tanong niya sa akin. Parang biglang nanlambot ito, ang kaninang matigas na ekspresyon ng kanyang mukha ay biglang nanlambot.
Hindi ako nakasagot at mas lalo lamang naiyak dahil sa sobrang lambing ng kanyang boses. Ramdam na ramdam ko ang pagaalala ni Piero. Kahit gaano siya katigas, nagiging malambot siya pagdating sa mga taong importante at mahal niya.
Kaagad niya akong hinatak papalapit sa kanya at niyakap. "Putang...babalik din naman ako kaagad" matigas na suway niya sa akin pilit akong pinapatahan.
Halos malukot ang kanyang suot na damit dahil sa pagkakakapit ko duon. "Natatakot ako" umiiyak na sumbong ko sa kanya. Halos pumiyok na ako dahil sa pagiyak.
"Saan?" Nagaalalang tanong nito sa akin, naguguluhan na din siya.
Bahagya akong kumawala sa kanyang yakap para harapin siya. Tiningnan ko siya diretso sa kanyang mga mata, duon ay muli kong nakita ang pagaalala ni Piero sa akin. Mas lalo akong nasaktan na isiping baka iyon na ang huling beses na titingnan niya ako ng ganuon.
"Baka hindi na ikaw si Piero pag uwi mo, baka magiba na ang trato mo sa akin" halos maging ang sarili kong boses ay hindi ko na makilala.
Kumunot ang kanyang noo. "Saan naman nanggaling iyan? Hindi magbabago ang trato ko sayo Sachi, ano bang nangyayari?" Paninigurado niya sa akin habang patuloy pa ding naguguluhan sa aking mga pinagsasabi.
Hindi ako nakasagot. Mas lalong bumigat ang dibdib ko. Narinig ko ang kanyang pagbuntong hininga. "Hindi na lang ako aalis" pagsuko niya.
Napakagat ako sa aking pangibabang labi. Dahan dahan kong ikinalma ang aking sarili. "Hindi na ako aalis, wag ka ng umiyak" paguulit pa niya habang marahang pinupunasan ang aking mga luha sa pisngi.
Nagkaroon ng pagasa ang puso ko. Pero naisip kong walang sikreto na hindi mabubunyag. Sobrang buti ni Piero, karapatan niyang malaman ang totoo. Mahal ko siya at kung ito ang nararapat na mangyari ay wala na akong magagawa pa. Kung hindi man niya malaman ngayon, malalaman niya din iyon. Walang magiging pagkakaiba, ayoko na ding patagalin pa ang panloloko ko sa kanya.
"Umuwi ka na" pagtulak ko sa kanya. Kaagad kong naramdaman ang kirot sa aking dibdib. Mga salitang pumapatay din sa aking sarili.
Mariin siyang napapikit. "Sachi..." problemadong suway niya sa akin.
Muli ko siyang niyakap ng mahigpit. Sandali akong hindi umimik bago ako muling nagsalita. "Mahal kita Piero, nuon pa man..." emosyonal na sabi ko sa kanya.
Mas lalong humigpit ang yakap ko. "Bago mo pa man ako mahalin, nauna na kitang minahal" paninigurado ko sa kanya habang pigil na pigil ko ang nagbabadyang pagpiyok.