Papa
"A-Alyssa?"
"Huwag, huwag kang lalapit! Diyan ka lang!" Umiiling at nanginginig na sambit ni Alyssa saka dinuro ito. Hindi niya malaman kung paanong nangyari ito. Bakit nasa bahay nila Kiefer ang lalaking ito.
Gusto niyang makaalis agad sa lugar na iyon. Hindi niya masikmurang makita ang pagmumukha nito. Dadamputin na sana niya ang kanyang bag nang nagsidatingan sa sala sina Kiefer.
"Mahal..? O Pa, andito na pala kayo." Si Kiefer at nilapitan ito para magmano sa ama. "Pa, si Alyssa po girlfriend ko." Pagpapakilala niya rito.
Nanlumo si Alyssa sa narinig pero wala na siyang panahon para ipakita pa ang reaksiyon. Mabilis niyang kinuha ang bag niya at walang sabi-sabi'y umalis sa tahanan ng mga Ravena.
Nanlaki naman ang mga mata ni Dani sa nasaksihan. Habang gulong-gulo naman si Thirdy kung anong nangyayari.
"Ano yun? Bakit biglang umalis si Alyssa ng walang paalam? Magkakilala ba kayo Pa?" Buong pagtatakang tanong ni Mozzy sa asawa.
Hindi na hinintay ni Kiefer ang magiging sagot ng ama, wala na siyang panahon para makinig pa. Mabilis siyang tumakbo para habulin ang kasintahan. Hindi niya maunawaang lubos kung bakit biglang ganoon ang inasal ni Alyssa. Dahil ba iyon sa text o tawag na natanggap o dahil sa pagpapakilala niya kay Bong sa kanya. Pero bakit naman, ang alam niya'y ngayon pa lang nagkakilala ang dalawa.
Walang direksyon ang lakad ni Alyssa. Ang alam niya lang ay kailangan niyang makaalis doon. Nanlalabo man ang mata dahil sa nagbabadyang mga luha, ayaw niyang tumigil sa paggalaw. Palinga-linga rin siya kung may naliligaw bang taxi sa gawing iyon. Ngunit ni isa ay wala siyang matanaw.
"Mahal! Teka lang naman!" Tawag ni Kiefer sa likuran niya pero pinili niyang ignorahin yun at nagpatuloy sa paglakad.
Narinig niya ang mas mabilis na yabag ni Kiefer. Gustuhin man niyang mas bilisan pa para tuluyang makalayo ay unti-unti na niyang nararamdaman ang pagod ng katawan. Pati pagod ng damdamin at isip ay kanya ring iniinda.
"Mahal, wait lang naman." Pigil ni Kiefer sa kanya nang sa wakas ay naabutan siya nito.
Mabilis na iwinaksi ni Alyssa ang hawak sa kanya. "Huwag ngayon, Kief, please." Walang ganang bigkas niya.
"Ano ba ang nangyayari sa'yo Mahal? Nag-alala lang ako kaya kita hinabol dito." Napabuntong hininga si Alyssa. "Gusto ko ng umuwi. Hayaan mo na muna ako." Sagot niya at ibinaling ang tingin sa kalsada.
"Hindi na kita kukulitin pero hayaan mo lang akong ihatid ka hanggang sa bahay niyo. Pangako, didistansiya ako para kumportable ka." Mungkahi nito.
Pinara ni Kiefer ang dumaang taxi at pinagbuksan nito si Alyssa. Parehas silang tahimik sa byahe, malaki ang espasyong namamagitan sa kanila. Minsanan niyang sinusulyapan ang kasintahan at nanlulumo siyang makita itong tahimik na humihikbi. Kung ano man ang dahilan nun, ay kailangan niyang agaran na alamin.
Tahimik na bumaba si Alyssa nang tumigil ang sasakyan sa tapat ng bahay nila. Ni hindi na niya nilingon pa si Kiefer. Kinakapa niya ang susi sa bag nang maramdaman ang pagyakap ni Kiefer mula sa kanyang likuran.
Gusto niya itong yakapin pabalik. Gusto niyang piliin na maging mahina at bumigay sa puntong yun. Ngunit taliwas ang sinasabi ng kanyang isip. Marahan niyang tinanggal ang mga braso ni Kiefer ngunit nanatili pa rin sa kinatatayuan.
"Mahal, hindi ko alam kung ako ba ang dahilan na nasasaktan ka ng ganyan. Kung may nagawa o nasabi ba ako na di mo gusto. Ayoko sanang umuwi at maghiwalay tayo ngayong gabi na may sama ka ng loob. Pero.. hindi kita pipilitin dahil ramdam kong hindi ka pa handa. Maghihintay lang ako... Uhm.. Sige pasok ka na. Itetext kita pag nakauwi na ako kahit hindi ka magreply, maiintindan ko naman."
Abot abot ang pagpigil ni Kiefer na hawakan si Alyssa. Nang makitang tuluyan na itong pumasok sa bakuran nila ay tumalikod na rin siya at nagpasyang umuwi na.
Humugot ng hininga si Alyssa, yumuko at naging maingat sa paghakbang papasok ng bahay. Laking pasasalamat niya na wala siyang nakasalubong.
Agad siyang sumalampak sa kama nang maabot ang silid saka ibinuhos ang kanina pang namuong luha. Umaasang makabawas man lang ito sa bigat ng kanyang dinadala.
Isang mahinang katok ang narinig ngunit pinili niya itong hindi pansinin.
"Ate...?" May pag-aalinlangan na sabi ni Kian at muling kumatok.
Agad siyang niyakap ng kapatid nang pagbuksan niya ito. Nang bumitaw ay magkatabi silang naupo sa kama.
"Ate Ly, alam ko mas makakatulong sa'yo kung babae ang makakausap mo. Gusto mo ba papuntahin ko rito si Ate Ella?" Agad namang nanlaki ang mata ni Alyssa sa narinig. "Ha?" Tanging nasabi niya.
"I mean, uhm, eh.. girl talk? Hehe. Wala ako alam dyan ate so mas magandang si Ate Ella kausapin mo sa LQ niyo ni Kuya Kief." Nahihiyang sabi niya sa kapatid.
Napangiti tuloy si Alyssa. Ramdam niya ang concern nito sa kanya. Sana nga ganoon lang kagaan ang problema niya. Mahina niyang tinulak si Kian. "Hind naman kasi to lovelife."
"Ate, alam kong dadalawa na lang tayo pero pamilya pa rin tayo. Makikinig ako kung gusto mo yan i-share. Kung hindi —" Bigla namang nagmalabis ang mga luha niya kaya napatigil si Kian at muli ay niyakap lang siya.
"Kian, na-nakita ko siya ulit. Bumabalik na naman sa akin yung mga nangyari noon." Hagulhol nito. Mahinang hinagod ni Kian ang likod ng kapatid. Hindi malaman kung ano ang nararapat na sabihin. Nanatili sila sa ganoong posisyon hanggang sa nakaramdan ng pagod si Alyssa sabay ng pagbigat ng mga talukap niya.
Tahimik siyang pinagmasdan ni Kian. Nag-iisip kung ano ang susunod na gagawing hakbang. Ayaw na niyang makita muli ang kapatid sa sitwasyon na kinaglayan dati.
++
Hinihingal si Kiefer na pumasok sa bahay nila. Nadatnan niyang lahat sila ay nasa sala. Si Thirdy at Dani ay nakamasid sa ama nilang nakayauko habang si Mozzy ay pabalik balik na naglalakad, nag-iisip at balisa.
Napa angat sila ng tingin sa pagdating ni Kiefer. Tumaas naman ang kilay nito, naghihintay kung sino ang mangangahas na magsalita.
Naghintay siya pero wala ni isang salita ang narinig. Kaya minabuti niyang basagin ang katahimikan.
"Ano yun Pa? Anong nangyari? Bakit nagkaganun si Alyssa?" Sunod sunod na tanong niya. At lahat sila ay sabay sabay na nakatingin sa haligi ng tahanan.
"So-sorry. Sorry talaga, ma-malaki ang naging kasalanan ko kay A-alyssa. Pati na rin sa inyong lahat. Patawad..." Nanginginig na tugon nito.
Nandilim ang mukha ni Kiefer at napakuyom ang kamao sa narinig.
xx
YOU ARE READING
Meet Me Halfway [KiefLy]
FanfictionMeet me halfway, I can't be the only one fighting.
![Meet Me Halfway [KiefLy]](https://img.wattpad.com/cover/225225088-64-k233177.jpg)