Chapter 5

1.2K 51 8
                                    

Eunice

Agad na napatakip ng bunganga si Ella at yumuko. "Sorry, Kief." Usal niya. Mabilis namang inabot ni Alyssa ang kamay ni Kiefer. "Mahal, pwede ka mag pass di ba? Ayos lang naman kung hindi ka pa handang sagutin o ikwento eh."

Hinaplos haplos ni Kiefer ang kamay ni Alyssa. "Hmm, pipiliin kong sagutin ang tanong ni Ella. Panahon na siguro na malaman ninyo ang kwento ko." Walang may nagsalita sa kanila. Bawat isa ay nag aabang sa susunod na maririnig.

"Third year high school ako nun, nag outing kaming pamilya kasama ang ilan sa mga kamag-anak namin. Bilang ako yung nakatatanda sa magpipinsan, sa akin binilin ang dalawa kong kapatid at mga pinsan ko." Panimulang kwento ni Kiefer habang pinag lalaruan ang mga daliri nito.

"..Pagkatapos naming mananghalian nagkayayaan ang mga mas bata na bumaba sa dalampasigan. Kanya-kanya sila nun ng dala, si Dani, si Jalea at si, si, Eu-eunice, may mga laruang timba at pala sila. Maglalaro daw ng buhangin. Nung una andoon din kaming apat na boys, ako, si Thirdy at dalawa pang lalaking pinsan. Hindi nagtagal naburyo yung dalawa, niyaya kami ni Thirdy na maglakad lakad, paramihan daw ng mapupulot na magagandang shells. Kung sinong mananalo eh aalipinin yung tatlong talunan."

Napapikit si Kiefer, pilit na nilalabanan ang pag garagal ng boses. "Bago kami nag simula, sinabihan ko yung tatlong babae na huwag na muna magbasa sa dagat dahil nga busog pa rin naman sila. Sinagot pa nila ako nun na oo raw at maglalaro lang sila ng buhangin. Naging abala ako nun pagkatapos dahil sa shells, nagkakantiyawan kami nun kung sino na ang may maraming nakuha."

"..Nakayuko ako nun at abala sa paghahanap nang bigla kong narinig ang sigaw ni Dani. Ta-tapos bigla akong napako sa kinatatayuan ko, hindi ko mahakbang ang mga paa ko. Nabigla na lang ako ulit nung, nung narinig kong sumisigaw si Eunice ng kuya Kief, kuya Kief tulong. Ka-kaya napatakbo ako agad sa dagat.." Bigla namag nasuntok ni Kiefer ang ulo ng paulit ulit, mabuti na lang at agad din siyang napatigil ni Alyssa.

Hindi na napigilan ni Kiefer ang mga luha na kumawala sa mga mata. "Kasalanan ko! Kasalanan ko na namatay si Eunice. Ang walong taong gulang na pinsan ko. Inanod ang laruang pala niya kaya hinabol niya sa tubig. Kung sana hindi ako umalis sa tabi nila, nabantayan ko sana sila ng maigi. Wala akong kwenta, wa-wala!" Nagsisigaw na hinagpis ni Kiefer. Mabilis namang lumapit ang tatlo pang kaibigan para aluin siya.

Nagpupumiglas naman si Kiefer at muli ay sinuntok ang ulo. "Kasalanan kong na-nawala ang buhay ng isang inosente, pinsan ko pa. Napaka si-simple na nga lang ng pinapagawa sa akin, pu-pumalya pa ako. Habang buhay, habang buhay ko pagbabayaran ang ka-kasalanan ko." Utal-utal na pagpatuloy niya.

"Kief, hindi mo naman kontrolado ang nangyari. Huwag mo ibunton lahat ng sisi sa sarili mo." Alo ni Pao sa kaibigan.

Umiling si Kiefer. "Ka-kahit pa nga siguro andoon lang ako hindi ko pa rin siya masasagip kasi unang-una di naman ako marunong lumangoy." Pagak siyang natawa. "Napaka walang kwenta talaga."

"Pero Kief, limang taon na ang lumipas. Okay lang naman siguro kung patawarin mo na ang sarili mo." Sabi ni Ella habang nakayakap kay Alyssa.

Malumanay na hinimas ni Alyssa ang likod ni Kiefer. "Oo nga naman, Mahal. Panigurado akong nung humingi ka ng tawad sa pinsan mo, napatawad ka na rin niya."

Umiling-iling si Kiefer. "Sa bawat bugbog na natanggap ko mula sa tatay ni Eunice ay siyang pagbitaw niya ng mga salita sa akin. Na hinding hindi ako matatahimik. Na hinding hindi niya ako mapapatawad. Tatlong taon bago ko nakaya ulit na makaapak man lang malapit sa dagat o sa pool. Kanina, tinantiya ko ang paglubog ng mga paa ko.
Inisip kong kaya ko na, may parte sa puso ko na masaya eh, dahil sa iyo, Ly." Biglang tingin niya dito.

"Kaso, bigo naman ako nung may narinig akong batang babae na sumigaw kanina. Kala ko kaya na, kaya ko na."

"Naglolokohan lang kanina yung mga nasa pool, Kief. Nagtutulakan kaya napatili yung babae. Nagulat na lang din kami na tinakpan mo ang mga tenga mo at napa sigaw ka." Pagkuwento ni Luigi.

Napasinghot si Kiefer. "Narinig ko na naman ang boses ni Eunice kanina. Binigo ko siya. I'm a mess, mga chong, I'm a mess." Paulit ulit na sisi ni Kiefer sa sarili.

Bigla itong tumayo at lumipat sa kama niya. Nagkatinginan ang magkakaibigan. Tumango sila kay Alyssa at sumenyas na siya na ang bahala dito. Mabilis namang humakbang si Alyssa at lumapit kay Kiefer. Nakaunan ang dalawang braso nito habang nakatingala sa kisame, tulala sa sariling mga iniisip. Naupo si Alyssa sa may uluhan ni Kiefer at masuyong hinaplos ang buhok nito. Paulit ulit hanggang sa napansin niyang pantay na ang paghinga ng lalaki.

Maingat namang tumayo si Alyssa, takot na makagawa ng ingay at baka magising bigla ito. Pupunta na rin sana siya sa kama niya pero mabilis siyang naharang ni Ella at hinila ito palabas ng kwarto.

Yakap-yakap ni Alyssa ang sarili dahil sa lamig ng hangin habang sinusundan ng lakad si Ella. Bigla naman itong naupo sa isa sa mga sun lounger. "Bigat pala ng pinagdadaanan ni Kief, besh nu?" Wika ni Ella hahang nakamasid sa pool. Hindi naman siya sinagot ni Alyssa kaya napatingin siya sa gawi nito na nanatiling nakatayo, naka krus ang mga braso sa dibdib.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan nito. "Ang hirap hirap, besh." Wala sa sariling sabi nito.

"Mahirap talaga besh lalo na't si Kiefer mismo hindi pa napapatawad ang sarili niya." Sagot ni Ella at tinabihang nakatayo si Alyssa.

"I mean, ang hirap na iiwan ko si Kiefer sa ganung kalagayan."

Agad naman siyang nilingon ni Ella. "Iiwan? Bakit? Aalis ka? O makikipagbreak? Teka nga Ly." Naguguluhang sabi niya.

xx

Meet Me Halfway [KiefLy]Where stories live. Discover now