Tayo
Nagulat man pero mabilis na nasalo ni Kiefer si Alyssa at walang pag-atubiling binuhat niya ito sa kanyang mga braso, mabuti na lang ay nakasunod siya sa magkapatid kanina.
"Kailangan ba natin siyang dalhin sa ospital?" Nag-aalalang tanong ni Mozzy. "Hindi na po siguro. Kuya Kief, pakidala na lang po si Ate sa kwarto niya. Tatawagan ko lang yung family doctor namin." Pakiusap ni Kian.
Maingat na inihiga ni Kiefer si Alyssa sa kama nito. Isa-isa naman niyang tinanggal ang suot nitong sapatos. Masuyo niyang tiningnan ang mukha ng kasintahan. Halata ang pagod sa mukha nito pati ang pamumugto ng mga mata sa sobrang pag-iyak ay hindi maipagkakaila. Inabutan siya ni Dani ng palanggana na may maligamgan na tubig at face towel.
Dahan-dahan na pinunasan ni Kiefer ang mukha nito. Natigil lang siya nang maramdamang may tumapik sa balikat niya.
"Ang daming mabibigat na dinaanan ng batang to. Sana talaga maayos na agad lahat at managot ang mga may sala. Kief, anak, habaan mo na lang ang pasensya mo kay Alyssa. At kung pwede bigyan natin ng pagkakataon ang Papa niyo." Payo ng ina nito. Tumango si Kiefer at masuyong hinaplos ang buhok ni Alyssa.
Nanatili sila sa ganoong posisyon hanggang sa nakarinig ng katok sa pinto. Iniluwa noon si Kian at may kasamang babaeng may katandaan na. "Kuya Kief, si Doctor Cases, ichecheck niya muna si Ate." Hinalikan ni Kiefer ang noo ni Alyssa na mahimbing pa rin ang tulog bago ito lumabas ng silid kasabay ni Kian.
Biglang nagising si Alyssa nang makaramdam ng malamig na bagay sa may dibdib. Agad siyang napaupo sa gulat at napaisip kung paano siya nakarating sa kanyang silid. "Ay, pasensya na Ly nagulat kita. Pero maigi na rin at nagising ka. Tinawagan ako ni Kian, nawalan ka raw ng malay kanina? Kumusta pakiramdam mo?" May pag-alalang tanong ng doctor ng matanggal ang stethoscope sa tainga niya.
Sinuri ni Alyssa ang sarili at napansing iba na rin ang suot niya kaya mas lalo siyang naguluhan. "Ah, eh, pasensya na rin po Doc, nagulat ako kanina. Medyo mabigat lang po ulo ko at parang nahihilo. Bukod dun wala naman na po akong ibang nararamdaman."
Tumango ang doctor saka pinaupo siya ng tuwid upang ma-icheck siya ng maayos. Kinuhanan rin siya ng blood sample. Nang matapos ay may inabot itong kung ano kay Alyssa. Nanlaki naman ang mata niya ng matanto kung ano iyon. "Kailangan po ba to Doc?" Nahihiyang tanong niya. Nginitian siya ng doktor. "Gusto ko lang makasiguro Ly. Isa pa wala rin namang mawawala." Tipid na tango lang ang kanyang tugon saka tumayo.
"Bakit parang ang tagal naman icheck si Alyssa?" Tanong ni Kiefer. Nasa labas lang silang lahat ng kwarto ni Alyssa at naghihintay ng balita.
"Relax Kief. Tingin ko naman napagod lang si Alyssa kaya ganoon ang nangyari kanina." Si Mozzy. Nilapitan niya naman si Kian na abala sa cellphone. "Iho, ano pala ang plano mo?"
"Ipapahanap ko po si Manang Letty para pormal ng makasuhan si Auntie Delly. Hindi ako titigil na hindi niya mabayaran ang mga kasalanan niya." Sagot niya na halatang nabuhay muli ang galit sa puso.
Lumapit si Bong nang marinig niya ang sinabi nito. "Kian, alam kong hindi madali pero sana dumating ang araw na mapatawad niyo ako ng ate mo. Kung ano ang kailangan para sa kaso, makakaasa kang tutulong ako sa abot ng makakaya ko. Pati na rin si Rommel."
Tiningnan ni Kian si Bong ng blankong ekspresyon. "Hindi madali para sa akin ang lahat ng nangyari. Ano pa kaya kay Ate? Nasaksihan ko lahat ng paghihirap niya. Ilang araw siya nung tulala lang pagkatapos ng gabing yun. Ni ayaw niyang kumain man lang. Takot rin siyang ipikit ang mga mata niya, dahil baka ano na naman ang mangyari kapag wala siyang malay. Nakakatulog lang siya nun kapag pagod na siyang umiyak. Nakakaawa pero wala akong magawa nun para sa kanya... Matagal bago siya tuluyang bumalik sa dating siya. Tapos nun nilagyan niya ng maraming lock ang kwarto niya, parang naging paranoid siya, nahirapan siyang magtiwala sa mga tao." Malayo ang tingin ni Kian bago siya nagpatuloy. "Tapos, isang araw nahuli niya akong umiiyak, pagod ako nun tapos hindi pa maayos ang trato sa amin nila Auntie. Nung araw na din na yun, sabi ni Ate sa akin na hindi siya pwedeng makita nila Auntie na mahina siya kaya pinilit niya ang sarili niya na maging malakas at matapang."
Nahabag si Kiefer sa mga narinig. Subalit mas nakaramdam pa siya lalo ng paghanga para rito.
Naputol ang pag-iisip ni Kiefer nang lumabas na ng silid ang doktor. "Kian, itatawag ko na lang mamaya sa'yo ang resulta ng dugo at ihi. Sa ngayon pag pahingain mo lang muna ang Ate mo at pakainin sa tamang oras. Mauna na ako." Paalam ng doktor.
Akmang susundan ni Kiefer si Kian sa pagpasok sa kwarto ng kalabitin siya ng ina nito. "Kief, antayin mo na to." Turo niya sa inaayos na pagkain sa isang tray. Nang maiabot ito kay Kiefer ay nagpaalam na rin silang mauuna ng umuwi.
"Ate? Okay ka na ba?" Pangungumusta ni Kian nang makapasok ito. "Pinag-alala mo ako.."
Ginulo ni Alyssa ang buhok nito na himala ay hindi inilagan ni Kian. Napangiti tuloy siya. "Sorry nag worry ka. Pagod lang to, babawiin ko lang to ng tulog tapos okay na." Nabaling ang tingin niya sa pinto nang bumukas iyon at nagulat siyang makita kung sino ito.
"Kian, sino pala nagbihis sa akin?" Pag-iwas niya sa tingin ni Kiefer. "Si Tita Mozzy, Ate." Sagot nito sa kanya kaya nakahinga siya ng maluwang. "Sabi nga pala ni Doc itatawag niya na lang sa akin ang lab results mo at magpahinga ka daw Ate. Huwag matigas ang ulo."
"Yes, sir." Biro niyang sagot at nagulat na tumayo ang kapatid upang bigyang daan si Kiefer.
"Mahal, kain ka na muna." Aya ni Kiefer sa kanya at inilahad ang tray ng pagkain. Nang hindi gumalaw si Alyssa ay siya na ang kumuha ng kutsara saka nag sandok ng sabaw.
"A-ako na, Kief." Sabi nito saka inagaw ang kutsara kay Kiefer.
"Kain ka ng marami. Ang gaan gaan mo eh. Hindi man lang ako nahira—"
"Ikaw ang bumuhat sa akin kanina?!" Gulat na tanong niya. Tumango si Kiefer saka ngumiti. Agad na nagbaba ng tingin si Alyssa at tinuon ang mata sa pagkain. "Thanks." Nahihiyang sabi niya.
Naghari ang katahimikan sa kanila hanggang sa natapos siyang kumain at itinabi na ni Kiefer ang tray. Hindi niya alam ang gagawin kaya nahiga na lang siya ulit nang biglang tumunog ang cellphone ng kapatid.
"Ate, sagutin ko lang muna to ha?" Paalam ni Kian at nagulat si Alyssa dahil lumabas pa talaga ito ng kwarto.
Hindi malaman ni Alyssa kung paano patutunguhan si Kiefer kaya pinikit na lang niya ang mga mata at nagpanggap na matutulog.
Hindi nagtagal ay naramdaman niyang hinahaplos ni Kiefer ang buhok niya saka nagsalita. "Mahal, tayo pa rin naman di ba? Ayos tayo di ba?"
xx
YOU ARE READING
Meet Me Halfway [KiefLy]
Hayran KurguMeet me halfway, I can't be the only one fighting.