Susi
Gulantang man at nanghihina sa narinig, pinilit ni Mozzy na ipunin ang natitirang lakas para pakinggan ang panig ng asawa.
Tahimik ang lahat habang naghihintay na magsalita si Bong, nainip at mas lalong nanggigil si Kiefer. Alam niyang ama niya itong kaharap niya ngunit hindi din mawaglit sa isip niya ang sakit na nakita kay Alyssa. Alam niyang may malalim itong pinanghuhugutan.
"Alam kong sobra na kung hihilingin ko sa inyo na huwag niyo muna akong husgahan." Panimula ni Bong na hindi makatingin ng direcho kanino man. "Pero mas gusto ko sanang isiwalat ang lahat na nasa harap din natin si Alyssa. Alam kong marami rin siyang katanungan kaya mas mabuting isahan na lang."
"Eh di tara at puntahan natin si Alyssa sa kanila." Sabat ni Kiefer na nagpaangat ng tingin sa lahat. Kikilos na rin sana ang mag-iina ng nagsalita muli si Bong.
Tumikhim ito. "Hindi sa pinapatagal ko ito, pero mas makabubuti siguro kung ipagpabukas na lang natin." Napailing ng marahas si Kiefer. Dismayado sa narinig. "Hayaan na muna nating humupa ang galit niya at makapagpahinga."
Napatango si Mozzy at pinagmasdan ang asawa. Hindi rin mawari kung ano ang maririnig at kung makakaya ba nitong matanggap ang lahat.
Tumungo sa kusina si Kiefer para makainom ng tubig at kahit papaano'y mahimasmasan. Napa iling-iling na lang siya sa mga natirang pagkain sa la mesa. Kani-kanina lang ay puno ang silid ng tawanan at kwentuhan habang nagsasalo ng masarap na hapunan. Hindi niya lubos akalain na sa ganoong paraan matatapos ang araw na ito.
Ilang beses niya pang itinext si Alyssa at tulad ng inaasahan, ni isang reply ay wala siyang natanggap.
++
Pakiramdam ni Alyssa ang tagal ng naging tulog niya kaya marahan itong nagmulat ng mata. Inabot niya ang cellphone niya upang macheck ang oras kaso nakita niya itong nakapatay.
Dahan-dahan siyang bumangon, kinapa ang sarili at ganoon pa rin kabigat ang ramdam niya. Ayaw na niyang bumalik sa dati hangga't maaari. Ayaw na niyang mahirapan pati na rin ang kapatid na si Kian.
Mabilis niyang nilisan ang silid para hanapin ang kapatid, kaso wala ito sa kwarto nito.
"Bakit ka nandito?" Tanong ni Alyssa at tinaas ang isang kilay. Ang pinaka ayaw niya sa lahat ay ang pumapasok sa kwarto niya ng walang paalam.
Prenteng nakaupo sa kama ang pinsan at hilaw na ngumiti. "Couz, pahiram sana akong pera." Biglang narindi si Alyssa sa narinig. Ang kapal talaga.
"Wala akong pera. Alis na." Sagot niya at nilakihan ng bukas ang pinto. "Ang damot mo. Pahiram na lang sapatos.." Maarte itong nagtakip ng bibig na kunwari ay nagulat, "Oops, wala ka palang branded na gamit. Kung hindi sa department store, sa tiangge lang ata nabibili."
Agad siyang nilapitan ni Alyssa at akmang hihilahin siya nito sa pulsuhan nang mabilis siyang tumayo patungong pinto. "Bye weirdo! Palagay-lagay ka pa ng tatlong lock dito, as if naman may makukuha sa gamit mo. Diyan ka na nga." Angil ni Trey at maarteng naglakad palabas ng kwarto.
Mabilis na tumayo si Alyssa at inilock iyon. Pilit na kinakalma ang sarili. Walang alam ang pinsan niya sa nangyari noon kaya't wala rin itong alam kung bakit siya naglagay ng mga lock sa kwarto niya. Ito rin ang mismong silid kung saan may madilim siyang alaala ngunit hindi rin niya magawang lumipat ng ibang kwarto, marami siyang masasayang alaala rito kasama ang mga magulang.
Ipinahinga niya ang isip. Ayaw na niyang alalahanin pa ang nakaraan. Kinuha niya ang cellphone niya, iniwasan ang magbasa ng messages mula kay Kiefer. Kaya pinagod niya ang mata sa paglalaro ng kung ano-anong games. Hanggang sa tuluyan na siyang naidlip.
Ngunit ganoon din siyang kabilis na napabangon, nagising siyang pawis na pawis at takot na takot. Naririnig na naman niya ang tunog ng pagsusi sa pinto ng kwarto niya at unti-unting pagpihit ng doorknob. Agad siyang umusal ng maikling dasal. Ayaw na niyang magpatalo sa takot.
Naisipan niyang itext si Kian at niyayang lalabas silang dalawa. Nais niyang malihis sa ibang bagay ang isip.
Hindi niya namalayan na nakatulog siya ulit kakaantay ng reply ng kapatid. Kung hindi pa kumalam ang sikmura ay hindi pa ata siya magigising. Mataas pa ang sikat ng araw sa labas. May kung anong ingay siyang naririnig sa unang palapag ng bahay nila ngunit pinili niya itong dedmahin.
Masyado siyang nag-enjoy sa pagbabad kung hindi lang muli nagprotesta ang tiyan niya. Pinili niya ang itim na track shorts at pinarisan ng racerback na kulay abo sabay nag suot ng kanyang running shoes. Tatakbo muna siya saglit saka kakain pagkauwi.
++
Kararating lang ni Kian mula sa gym. Nakipag sparring kasi ito sa kasamahan niya sa mixed martial arts. Mula noong muntik ng mapahamak ang ate niya, ipinangako niya sa sarili na mag-aaral siya ng MMA.
Kakasara lang niya ng gate nang biglang may nag doorbell. "O Kuya Kief!" Bati nito. Tumango naman si Kiefer. Kahit pekeng ngiti ay hindi niya kayang magawa.
Imumwestra na sana ni Kian na pumasok si Kiefer nang biglang may nahagip ang mga mata niya. Hindi siya maaaring magkamali. Tandang-tanda niya ang itsura ng taong iyon.
Napansin ni Kiefer ang takot sa mukha ni Kian kaya agad niyang pinakilala ang mga kasama niya. Napakunot naman ang noo nito nang may makitang kasama na dalawang lalaki ang ama niya. Malabong kilala niya ang mga iyon.
"Ah, Kian... Papa ko pala. Gusto sana namin makausap ang ate—" Salubong ang kilay ni Kian, pilit na hinahalukay sa isip ang mga mukhang nasa harap niya.
"I-ikaw ikaw ang may hawak ng susi noon! Ikaw yun!" Duro nito kay Bong. "At ikaw!" Duro niya sa isa pang lalaking nasa tabi ni Bong. "Ka-kayo yung mga nagpahamak sa A-ate ko!" Susugurin na sana nito ng suntok ang dalawang lalaki nang biglang pumagitna sina Kiefer at Thirdy.
Patuloy na nagpupumiglas si Kian, nanlilisik ang mga mata sa galit. Nataranta na rin si Mozzy, kitang kita niya ang galit para sa asawa nito.
"Please, please, nagmamakaawa ako. Pwede naman siguro natin tong idaan sa maayos na paraan." Pagmamakaawa ni Mozzy sa kanila.
Napayakap si Kiefer sa galit na galit pa rin na si Kian saka may binulong rito. Marahan naman siyang kumalma at kumawala sa yakap.
Labag man sa loob kalooban ni Kian na papasukin ang mga ito sa bahay nila, kinapitan niya ang sinabi sa kanya ni Kiefer.
Bakas ang pangamba sa mukha ng Auntie Delly niya nang makasalubong sila nito sa sala. "Paalisin mo nga yang mga yan Kian. Naalibadbaran ako sa kanila." Matapang na sabi nito.
"Auntie, bahay namin to ni Ate at bisita ko ho sila. Tatawagin ko lang si Ate." Sasagot pa sana ang tiyahin nang makitang pababa ng hagdan si Alyssa. Sabay namang napayuko si Bong at ang isa nitong kasama. Habang hindi naman mapakali si Delly.
"Ki-kian?" Nanginginig na sabi nito sa kapatid. Bakas ang pag-aalala, takot at pagtatanong sa mukha at boses nito.
xx