Ang Kidnapper kong Gwapo
by: sha_sha0808 Ash Simon
CHAPTER 24
Unedited...
"May tortang talong pa riyan. Kung ayaw
mo, lumabas ka na lang at bumili, may pera
ka naman. Kung kulang ang kanin, magsaing
ka," bilin ni Zero. Dalawang linggo nang
nag-umpisa ang paggawa nila ng cottage na
may ilang metro lang ang layo mula sa
tinutuluyan nila. Hindi pa sila nagkatabing
dalawa sa pagtulog dahil sa sahig natutulog
si Zero dahil noong first night nila, saka
naman dumating ang buwanang daloy niya.
"Pasyal ako mamaya sa inyo," sabi ni Anndy.
"Huwag na. Dito ka lang," sagot ni Zero.
Hindi pa alam ng mga kasamahan niyang
panday na kasama niya si Anndy sa cottage
na ito dahil minsan lang ito lumalabas at
hindi pa tumutungo sa pinagtatrabahuhan
nila.
"Hatiran kita ng ulam mamaya, magluluto
ako," sabi ni Anndy. May sitaw at kalabasa
na binigay si Aleng Rosa kaya lulutuin niya
ito. Bibili siya ng sigarilyas at balat ng
baboy para gawing pinakbit.
"Huwag ka nang mag-abala pa," ani Zero.
Ayaw lang niyang magkaroon ng maraming
isyu at makakita kay Anndy. Kahit paano,
nag-iingat pa rin siya kahit na wala namang
kaalam-alam ang mga kasama sa pagkatao
nito. Iba na ang nag-iingat 'ika nga.
"Basta hatiran kita ng pagkain," giit ni
Anndy.
"May pagkain kami. Libre ang tanghalian
namin," sabi ni Zero. Bago mag-alas dose ay
may rasyon sila mula kay Mayor na ama ni
Ligaya.
"Basta, hatiran kita ng pinakbit," giit ni
Anndy kaya hindi na nakipagtalo pa si Zero.
Pagkaalis ni Zero, agad na pinuntahan niya si
Bhabz sa kulungan nito.
"Magandang araw, Princess," bati ni Aleng
Marimar sa dalaga.
"Magandang umaga rin po. Pasensiya na
kung maingay si Bhabz," paumanhin ni
Anndy at binigyan ng pagkain ang baboy.
Kinuha niya ang walis tingting at pumasok sa
kulungan ng alaga saka nilinis ito. May hose
naman ng tubig kaya hindi siya nahihirapan.
"Nandoon na ba ang asawa mo?" tanong ni
Aleng Marimar.
"Opo," sagot ni Anndy.
"Ang guwapo ni Zero. Noong unang sinama
siya rito ni Ligaya, medyo payatot pa siya,"
nakangiting sabi ni Aleng Marimar.
"Palagi ba siyang napupunta rito?" tanong ni
Anndy na uminit na naman ang tainga nang
marinig ang pangalan ni Ligaya.
"Noon, oo. Pero buhat nang sa Maynila na
siya namalagi, hindi na," sagot ng matanda.
Mukhang alam ng nasa paligid ang nakaraan
ng dalawa.
"Aleng Marimar? Mahal ba talaga ni Zero si
Ligaya?" usisa ni Anndy.
"Oo, palagi 'yang nandito si Zero. Ang saya
nga nilal noon. Akala nga namin, sila na--"
natigilan ito at napatingin kay Anndy, "pero
ganoon naman talaga ang buhay, hindi natin
mapigilan ang tadhana," wika niya.
Nakalimutan niyang ito na pala ang asawa ni
Zero.
"Ah, baka mahal nga talaga niya nang sobra
si Ligaya," sabi ni Anndy at ipinagpatuloy
ang paglilinis. Pakiramdam niya, siya ang
kontrabida sa istorya nina Zero at Ligaya.
Kung wala siya, baka sila pa rin. O baka
iiwan naman talaga siya ni Zero para
pakasalan si Ligaya. Hindi malabong
mangyari iyon lalo na't kinidnap lang naman
siya.
"Sige, maiwan muna kita. Mamalengke pa
ako," paalam ni Aleng Marimar kaya naiwang
mag-isa si Anndy.
"Hindi naman maganda si Ligaya!" bulong ni
Anndy at naupo sa gilid ng kulungan.
Matapos linisin ang kulungan ng alaga ay
umuwi siya para magluto. Dadalhan pa rin
iya si Zero ng pagkain. Bored na rin siya
kaya gusto niyang mamasyal.
Matapos niyang ihanda ang pagkain sa
baunan, binalikan muna niya ang alagang biik
at binigyan ng pagkain nito.
Pagbalik niya, inilagay niya sa maliit na
basket ang pagkain at naglakad patungo kay
Zero.
Malapit na siya nang mapansing halos lahat
ng trabahador ay nakatingin sa kaniya.
"Magandang tanghali po," magalang na bati
niya sa mga itong naghahalo ng graba at
buhangin.
"Magandang umaga naman. May hinahanap
ka?" tanong ng lalaking kaedad lang niya.
"Si Zero po?" magalang na tanong niya kaya
nagkatitigan sila.
"Kaano-ano mo ba siya?" tanong ng lalaking
nasa kuwarenta ang edad.
"Asawa po," magalang na sagot ni Anndy
kaya napakunot ang noo ng mga ito.
"Doon sa cottage, kumakain," sagot ng
kaedad lang ni Anndy. Second batch sina
Zero sa pagkain kaya mag-aalas dose na
silang kumain.
"Salamat po," nakangiting sagot ni Anndy at
binilisan ang paglakad patungo sa cottage
na walang dingding.
"Zero!" tawag niya sa binatang nakatalikod
sa kaniya. Kilala niya ang pangangatawan
nito kaya sigurado siya.
"Zero!" tawag ulit niya kaya napalingon ang
mga ito sa kaniya.
Napasimangot siya nang makitang si Ligaya
ang naninilbihan sa kanila. Lumapit siya kay
Zero na binalewala ang mga mata ng
kasamahan nito.
"Kumakain ka na pala. May dala akong
pagkain sa 'yo," sabi niya at inilapag ang
basket sa harapan ng binata.
"Marami naman silang pagkain, bakit nag-
abala ka pa?" tanong ni Ligaya.
"Iba pa rin kapag luto ng asawa,"
nakangiting sagot ni Anndy at naupo sa tabi
ni Zero na bahagyang nakabukas ang
butones ng damit kaya nakabalandra ang
abs nito na sigurado siyang kanina pa
pinapapak ng mga mata ni Ligaya.
"Baby Z? Kain ka na ng niluto ko, masarap
ito," malambing na sabi ni Anndy at
ipinulupot ang mga kamay sa kanang braso
ni Zero at pasimpleng inayos ang damit para
itago ang abs ng binata, "Baka lamigin ka,"
bulong niya sabay haplos sa pang-itaas na
abs ni Zero para inisin si Ligaya.
"Tapos na akong kumain," sagot ni Zero na
ubos na ang pagkain sa plato.
"See? Tapos na raw siya kaya hindi na niya
'yan kakainin!" nakangising sabi ni Ligaya.
Hinarap ni Anndy si Zero, "Kung hindi mo 'to
kakainin, ibibigay ko 'to kay Jason!" sabi ni
Anndy. Anim silang trabahador at alam ni
Anndy na palipat-lipat ang mga mata ng
mga ito sa kanila ni Ligaya. Hinihintay ni
Anndy ang sagot ni Zero na para bang
nakasalalay rito ang kahihiyan niya.
"Bahala ka," walang ganang sagot ni Zero.
"Sige, kainin mo ang dala kong ulam, Jason,
masarap 'to!" sabi ni Anndy at tinanggal ang
nakapulupot na kamay sa braso ni Zero saka
inabot ang dala niyang pagkain.
"Salamat, Princess," nakangiting pasalamat
ni Jason at kinain ang ulam at kanin.
"Bigyan mo ang iba mo pang kasama,
marami 'yan," sabi ni Anndy.
"Mauna na ako sa inyo, tapos na akong
kumain," paalam ni Zero at tumayo na kaya
nagpaiwan si Anndy. Ang mga kasama nito
ay tapos na rin kaya sumunod na rin kay
Zero.
Sina Ligaya, Anndy at Jason ang naiwan
dahil hindi pa tapos kumain ang binata.
"Sawa na siguro si Zero sa luto mo kaya
hindi na niya kinain," Nakakalokong ngiti ang
ibinigay sa kaniya ni Ligaya.
"Naumay na siya sa ipinakain mo kanina kaya
nagsawa na siyang kumain," sagot ni Anndy.
Binagalan ni Jason ang pagsubo para
marinig ang sagutan ng dalawa. Mukhang
matinding sabong 'to.
"Pero hindi mo maikailang ang luto ko pa rin
ang paborito niya. Kita mo, luto ko ang
palagi niyang kinakain," pagmamalaki ni
Ligaya kaya napahigpit ang pagkahawak ni
Anndy sa palda. Kaya pala ayaw siyang
papuntahin dito ni Zero dahil palaging
nandito si Ligaya? Ang kapal ng mukha nila.
"Okay lang," sagot ni Anndy at nginitian si
Ligaya, "mas masarap pa rin naman daw ako
kaysa sa luto mo."
Si Ligaya naman ang natigilan at biglang
namula ang buong mukha.
"Mang-aagaw!" mahinang wika niya.
"Wala akong inagaw dahil nang magkakilala
kami, wala na kayo!" taas noong sabi ni
Anndy.
"Ikaw ang kasama niya pero ako ang mahal
ni Zero! Ako pa rin ang mahal niya!"
nanginginig ang katawang sabi ni Ligaya.
Masaya naman sila noon ni Zero kahit na
minsan lang sila nagkikita. Mahal siya ng
binata at sigurado siya roon, "Sa mata ng
tagarito, ako pa rin ang mahal ni Zero!"
Tumaas ang kanang kilay ni Anndy, "Ikaw
ang mahal niya pero ako ang kinakasama
niya! Ikaw ang mahal niya pero ako ang
pinakasalan niya! Kung mahal ka ni Zero,
bakit sa kama ko siya umuuwi? Simple lang,
Ligaya, kasi hindi ka na niya mahal at ako na
ang makapagpapaLIGAYA sa kaniya!" giit ni
Anndy. Labas sa ilong ang mga pinagsasabi
niya at alam niya sa sariling walang
katotohanan ang lahat pero hindi siya
magpapatalo. Para ano?
"Asawa ka lang pero balang araw, iiwan ka
niya dahil wala kang alam! Wala kang pinag-
aralan at wala kang yaman! Hindi ka niya
kayang maipagmalaki kahit kanino." pang-
iinsulto ni Ligaya.
Uminom ng tubig si Jason dahil siya ang
nauuhaw para sa dalawa. Nakatayo si Ligaya
habang si Anndy ay kampanteng nakaupo.
Para siyang nanonood ng pelikula pero hindi
niya matukoy kung sino ang bida at kung
sino ang kontrabida.
"May pinag-aralan ka, may yaman ka pero
hindi iyon basehan para masabing mahal ka
pa rin niya! Kita mo, kahit wala akong
trabaho at wala akong pinag-aralan, ako pa
rin ang pinili ni Zero? Isa lang ang ibig
sabihin niyan, Ligaya, ikaw ang mahal pero
ako ang sineseryoso niya!"
"Iiwan ka rin niya! Magsasawa rin sa 'yo si
Zero!" singhal ni Ligaya nang hindi na
nakapagtimpi.
"Sa ngayon, ikaw muna ang iniwan at ako
ang ini-enjoy, Ligaya. Matangkad ka lang,
kaya ka lumamang. Pero pagdating kay
Zero, sa akin na siya! Akin na ang lalaking
kinababaliwan mo!" Isang malakas na tawa
ang pinakawalan ni Anndy para mas
mainsulto ang kaharap.
Kinuha niya kay Jason ang lagayan ng
pagkain at ibinalik sa basket.
"Aagawin ko siya sa 'yo! Babawiin ko ang
akin!" pagbabanta ni Ligaya kaya hinarap
siya ni Anndy.
"Kawawa ka naman, Ligaya. Propesyunal ka
pero mang-aagaw ka lang ng asawa ng may
asawa? Guro ka pa naman! Kung iyan ang
ituturo mo sa mga estudyante mo,
nakakahiya ka na, nakakaawa ka pa!" pang-
iinsulto ni Anndy at tinalikuran ito pero
nakailang hakbang na siya ay tumigil at
muling humarap kay Ligaya.
"Oops, bago ko makalimutan, wala pa akong
ginagawa, nasa akin na si Zero. Paano pa
kaya kapag kumilos na ako? Paano ka na
lang? Move on move on na lang 'pag may
time, para hindi ka malungkot, Ligaya."
Tinalikuran na niya ito. Napadaan siya kina
Zero.
"Princess," tawag ni Zero at nilapitan siya,
"bakit ka nagpunta rito?"
"Gusto kitang pakainin ng niluto ko pero
luto na ni Ligaya ang kinain mo!" mahinang
sagot ni Anndy para hindi marinig ng mga
kasama nito.
"Hindi ba't sabi ko, sa cottage ka lang?"
naiinis na sabi ng binata.
"Para ano? Para malaya kang makipaglandian
kay Ligaya mo?"
"Anndy naman, sumunod ka naman sa akin,"
mahina pero galit na sabi ni Zero.
"Hindi ko hahayaang babuyin mo ako sa
harap ng mga tao rito, Zero. Asawa ang
pagpakilala mo sa akin, puwes, panindigan
mo!" taas noong sagot ni Anndy.
"Bahala ka," mahinang sabi ni Zero at
tinalikuran si Anndy para bumalik sa trabaho
kaya padabog na umuwi si Anndy.
BINABASA MO ANG
Ang Kidnapper Kong Gwapo
AcciónKinidnap niya ang prinsesa ng mga Lacson pero paano niya masosolusyunan ang problema kung ayaw na nitong umuwi sa kanila? Paano nya bubuhayin ang maarte at mayamang babae kung isa lamang siyang kidnapper nito?