KABANATA IV

165 29 1
                                    

KABANATA 4

MARAHANG napamulat si Ruan buhat sa pagkakatulog nang maramdaman ang pag-vibrate ng cell phone niya sa bulsa. Hindi pa man niya iyon nakakapa ay inihit siya bigla ng ubo. Bahagya pa siyang napahagod sa sentido nang makaramdam ng pagkahilo.

Inilibot niya ang paningin sa kabuoan ng lugar na kinaroroonan. Saka lang tumimo sa isip niya na nasa kotse pa pala siya, kasama si Eva. Komportableng nakahilig ito sa kaniyang dibdib. Nag-sink in na rin sa kaniyang isipan ang dahilan kung bakit naroon siya sa back seat at kayakap ang amo.

Bahagya siyang napahinga nang malalim nang maramdaman ang bahagyang paggalaw ng dalaga. Animo ay may mga boltahe ng kuryente ang pumanhik sa kaniyang katawan nang mas lalong humigpit ang pagkakayapos sa kaniya ng huli.

Naghahati ang isip niya kung gigisingin ba niya ito o hindi. Napakahimbing kasi ng pagkakatulog nito. Para bang hindi nito batid na basa nang kaunti ang sinasandalan nitong dibdib. Nais mang gisingin ni Ruan ang Señorita subalit pinangungunahan siya ng kaniyang puso. Matagal na kasi niyang minimithing maganap ang ganoong tagpo. Tutol ang diwa niya ngunit namamayani ang pagnanasa sa puso niya.

Hindi alam ng binata sa kung paano siya nakatulog sa ganoong lagay. As far as he remember, pinagmamasdan lang niya kanina sa pagtulog ang dalaga. Marahil nakaidlip siya nang hindi niya namamalayan dahil sa kakatitig sa marikit na mukha ng Señorita... at dahil na rin sa pangambang nadarama sa dibdib.

Ang amo ng mukha nito kapag natutulog. Ngayon lang niya nasilayan nang maigi at malapitan ang hitsura ng nito; puro kasi irap ang ginagawa nito sa kaniya magmula noong umaga pa. Masasabi ni Ruan na mas naging kahali-halina ang pigura ni Eva ngayong dalaga na ito.

Nakaguhit ang ngiti nito sa labi habang nakayapos sa kaniya. Matulin ang pagtahip ng dibdib ni Ruan nang mga sandaling iyon, pakiramdam niya ay nauulinigan iyon ng dalaga kahit wala itong malay-tao. Kumurba ang sulok ng mga labi niya nang makita niya ang sariling hinahawi at isinasabit na niya ang medyo basa pa ring buhok ni Eva sa tainga nito.

Nawiwili man siya sa pagtitig sa marilag na mukha ng Señorita ay ginugunita pa rin ang isip niya ng nangyari kanina. Balot siya ng takot nang sundan niya ang Señorita sa gitna ng malakas na ulan. Bagaman nahihintakutan ay nagawa pa rin niyang sumunod sa dalaga. In fact, kaninang inaayos niya ang tire ng sasakyan ay binabalot na siya ng takot. Hindi na siya mapakali. Pinilit niyang ipalikod sa diwa ang damdaming iyon at nagpatuloy sa ginagawa.

Takot siya sa ulan. Hindi alam ni Ruan ang eksaktong dahilan niyon. Basta na lang siyang nilulukob ng takot kapag bumabagsak ang likidong iyon mula sa itaas.

Ayaw na ayaw niya ang mabasa ng ulan dahil sumasakit ang ulo niya kapag nababasa nito. Hindi lang iyon simpleng kirot, masidhi talaga na parang binibiyak na ang kaniyang ulo. Isama pa ang kapanabay na pagpanhik ng mga waring makatotohanang tagpo sa kaniyang isipan, ngunit alam niya sa sariling hindi iyon naganap sa totoong buhay.

Nagtataka siyang hindi nangyari iyon sa kaniya kanina nang habulin niya ang Señorita sa gitna ng kinakatakutan. Wala ni anumang kirot ng ulo siyang nadama kaninang nagpapaulan, wala ring tagpong lumagapak sa kaniyang isipan. Bagaman, masasabi niyang ngayon ay masakit na ang kaniyang ulo.

Napukaw lang siya sa pag-iisip nang muling mag-vibrate ang cell phone niya sa bulsa. Kinapa niya iyon at siniyasat. Ang dose-dosenang miss calls kaagad ni Luan ang bumungad sa kaniya. Kataka-takang hindi man lang siya nagising sa dami niyon. Binasa niya ang mga ipinadalang mensahe nito;

"Kuya, nasa'n na kayo? Hinahanap kayo ng don at donya."

"Kuya, nag-aalala na kami sa inyo? Hindi ka sumasagot sa mga tawag ko. Ano'ng nangyari sa inyo, ayos lang ba kayo?"

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon