KABANATA 49
"NASAAN sina nanay at tatay, Luan?" tanong ni Ricket. Katabi niya sa bench na naroroon sa silid si Eva, nakakandong ang kambal sa magkabilang hita niya at nakahilig sa dibdib niya. Parehong nakatulog na ang mga anak nila sa kakaiyak magmula pa kanina. Hindi siya makapaniwalang yakap-yakap na niya ang mga ito, hindi siya makapaniwalang nagbunga ang pagmamahalan at kapusukan nila ni Eva sa Hacienda Velaya.
"Luan? Ang Nanay Mina at Tatay Larry, kumusta?" Kasabikan pa rin ang mahihimigan sa timbre ng tinig ni Ricket sa pag-uulit niya sa katanungan niya. Nasasabik na siyang makita ang nanay at tatay nila, ilang taon na rin niyang hindi nakakasama ang tumayong mga ito. May mga bagay rin siyang gustong itanong na tiyak niyang tanging ang mga ito lang ang makakasagot.
Buhat nang bumalik ang salamisim niya, umukilkil ang isipin sa kung bakit nagawang ilihim ng nanay at tatay nila ang lahat hinggil sa tunay na pagkatao niya. Walang ano mang gahiblang galit sa puso niya-siguro tampo lang ang nakasilid doon, pero mas naghahari ang pagnanais niyang malaman ang dahilan ng mga ito; kung bakit ganoon ang nangyari, ang ginawa ng mga ito.
"B-bakit?" tanong niya sa mga ito, kumunot ang noo ni Ricket sa pagkalito. Napagsisiya sa hitsura ng lahat ang pagkapatda at kawalan ng maitutugon sa paghahanap niya sa magulang.
Naroon na rin sa loob ng silid ang buong pamilya niya; ang mga sumundo sa ina at abuela niya, maliban lang kina Wynter at Wade na sa pagkakaalam ay abala sa mga pinuntahan.
Tiningnan niya si Adrion na tiyak siyang mabibigyan siya nito ng kasagutan, pero yumuko lang ang huli nang magtama ang kanilang paningin. Parang may kung ano ang tumusok sa puso ni Ricket sa pagpanhik ng mga sapantaha sa isip niya. Pinilit niyang ipalikod sa diwa ang kahambal-hambal na naiisip niya. Bagaman, hindi niya masawata ang kaba at pangambang lukubin ang buong sistema niya. Kinuha ni Eva sa kaniya ang tulog na tulog na kambal bago siya umupo sa gilid ng kama ni Luan.
Hinayon ni Ricket ang kapatid, nababanaag sa binata ang hindi pagkapalagay. Mas lalo siyang kinabahan. Muling nagkarerahan ang mga isipin sa isip niya. Hindi na rin siya mapalagay na palipat-lipat ang tingin sa mga taong naroroon. Ang emosyon ng lahat ay iisa ang ipinapahiwatig, napagsisiya sa mga ito ang hindi pagkapalagay. Ano ba ang dapat niyang malaman? Bakit ganito ang mga tao sa paligid niya? May nangyari bang hindi maganda sa magulang niya sa kasagsagan ng pagkawala ng memorya niya?
"M-may dapat ba akong malaman, L-Luan?" Namalisbis ang luha sa kaniyang pisngi niya nang makitang umiiyak ang kapatid. Inayos ni Ricket ang nakabendaheng binti ng kapatid bago niya ito ikinulong sa mga bisig. Hinigpitan pa niya iyon nang humalukipkip ang binata sa dibdib niya at halos manginig ang katawan nito nang humagulgol sa iyak.
Lumipat ang palad niya sa ulo ni Luan nang magsimula itong lumahaw. Malakas ang naging pag-iyak nito na para bang naipon nang ilang taon ang pighating inilalabas nito ngayon. Hindi pa man nasasaklaw ng kabatiran ni Ricket ang kalagayan ng nanay at tatay nila ay umigting na ang hinuha niya. Ayaw niyang paniwalaan ang nasa isipan, ngunit sa aksyong ipinapakita ni Luan ngayon sa kaniya-sa aksyong sa pagkamatay pa ni Ella at ang magiging anak pa sana ng mga ito huling beses niyang nakita.
Parang pinag-isa ang damdamin nila ni Luan. Isinubsob ng huli ang mukha sa leeg niya. Inalo niya ito, mas lalong ikinulong sa mga bisig. Gusto niyang ipadama sa kapatid na naroon na siya, na hindi na niya hahayaang mawalay sila sa isa't isa.
"Ricket." Nang kumalma at tumahan si Luan ay inagaw ni Eva ang atensyon ni Ricket. Napansin marahil ng huli na nanghihingi pa siya ng malinaw na kasagutan na hindi naman magawang tugunin ni Luan. Naiintindihan naman iyon ni Ricket.
Gising na ang mga anak nila at nakakandong ang mga ito rito. Iniumang ni Rohann ang kamay nito sa kaniya. Kumalas sa pagkakayakap niya si Luan at lumapit naman si Eva sa kaniya para maabot niya si Rohann. Walang imik siyang niyakap ng bata.
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
RomanceMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...