KABANATA XLI

69 9 2
                                    

KABANATA 41

PATAPOS nang kumain sina Ricket sa mahabang hapag-kainan sa mansyon ng mga Chang nang pumukaw ng atensyon nila ang kumusyong naririnig nila mula pa sa labas ng mansyon nila.

Patayo na noon ang Daddy niya nang may kasambahay na natatarantang nagtungo sa kinaroroonan nila. Hindi maipinta ang mukha, nag-aalala at napagsisiya rito ang pangamba.

“S-Sir, Sir, ang kapatid ni'yo po, si Sir Ricky, nagpupumilit pumasok sa mansyon,” sumbong nito na ikinagulantang ng lahat maliban kay Ricket na ang tanging ideya lang ay ang pangalan ng kapatid ng Papa niya; si Ricky na ama ni West at Wynter na pinsan niya.

Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya; dapat ba siyang matuwa kasi makikita na niya ang ama ng pinsan niya, gayong ang mga kasama niya ay hindi maipinta ang mukha? Wala kasi siyang ideya hinggil sa Tito niya, hindi naman kasi nagkukuwento ang mga ito. Kapag nagtatanong siya hinggil dito, ang sinasabi lang ng mga ito ay nasa ibang bansa si Ricky, nag-ma-manage ng sariling negosyo nito. Matapos iyon, iibahin at ilalayo na siya ng mga ito sa simunong iyon. Kaya magmula nang magkamalay siya, tanging pangalan lang ng lalaki ang nalalaman niya, ang lahat ay misteryoso na.

Nagsitayuan ang lahat. Hindi niya madepina kung naiinis, napopoot, o nangangamba ang emosyong inihahayag ng hitsura ng mga ito. Maging ang pinsan nitong West ay pinagtatakhan niya ang pagguhit ng poot sa mukha nito. Ano ba talaga ang nangyayari? Ano ba ang mayroon sa Tito niya at gayon na lang ang emosyong pumupuno sa gawi nila? Ngayon lang niya napagtanto, hindi kaya may nagawa ang Tito niya noon na hindi nagustuhan ng mga ito? Kaya hindi minsang nagpupunta ang lalaki roon? Kahit noong nasa Taiwan din sila, hindi sila minsang binisita ng lalaki. Abala ba talaga ito o may ikukubli ang lahat sa kaniya?

“Halika, Ricket.” Nagawa pa niyang pasadahan ang tingin ang hitsura lahat bago siya akayin ni Adrion na umakyat sa itaas. Tumutol siya, ilang sandaling hindi siya kumibo. Nakatitiyak siya, napopoot ang lahat ng naroroon, maliban kay Luro, Wynter, at Adrian na pinapatahan ang mga nanggagalaiting kasama nila.

Nakayakap si Adrian sa Daddy niya, pinipigilan itong magtungo sa labas at sugurin ang lalaki. Si Wynter ay pinapahupa ang tensyong nararamdaman ng kapatid nitong si West. Habang si Luro ay ikinulong sa bisig si Wade na halos maiyak na sa galit; nakakuyom ang kamao nito na para bang nagpipigil ng emosyon. Bagaman hindi nagpapahuli ang poot sa mukha ni West, nagawa pa rin nitong yapusin si Wade nang makawala ito sa bisig ni Luro at akmang lalabas. Nagsigawan ang lahat nang dahil doon. Napangibabawan ng emosyon ni Wade ang emosyon ng lahat ng naroroon.

Hindi na rin maipinta ang mukha niya, hindi na niya maintindihan ang mga kaganapan. Ano ba talaga ang mayroon? Ano ba ang nangyayari?

“Ricket, halika na,” sinserong ani Adrion, naghahari ang otoridad na pinukaw nito ang atensyon niya. “Please, halika na, Ricket.” Nangungusap ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya. Sa ganoong uri ng tingin, nagkaroon na siya ng hinuha kung ano ang nasa likod niyon. Bagaman napapantastikuhan at gustong makakuha ng sagot si Ricket sa mga katungan niya ay ipinalikod na lang niya iyon sa diwa at hinayaang igiya siya ni Adrion sa taas ng mansyon.

Nasa tapat ng silid na sila ni Adrion nang binitawan siya nito. Una siyang pumasok sa loob niyon, bago tumalikod at hinayon si Adrion matapos maisara ang pinto. Gusto niyang magtanong, pero hindi niya magawang ibuka ang bibig niya. Bumuntong-hininga na lang siya at nagtungo sa maliit na terrace sa silid. Hinawi niya ang mahabang kurtina na tumatakip sa malaking sliding door. Pumuwesto siya at kumapit sa barandilya ng terasa at pinagmasdan ang tanawing makikita mula roon. Sumunod sa kaniya si Adrion, tumayo ito sa gilid niya bago nagsindi ng isang stick ng sigarilyo.

Tama lang pala na hindi niya tinanong ang binata. Kapag kasi nagsindi ito ng sigarilyo, palatandaan na niya iyon na may malalim itong iniisip. Bahagya na lang siyang umatras saka yumukod at magkasalikop na ipinatong ang dalawang kamay sa railings.

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon