KABANATA XLVII

69 6 5
                                    

KABANATA 47

HINDI lubusang mabatid ni Adrion ang nararamdaman. Halo-halo ang emosyong umaalon sa kaniyang puso. Pero sa pagkakadepina niya roon ay masaya siya; masaya siya sa muling pagbabalik ng alaala ni Ruan, ang matalik na kaibigan niya—ni Ricket, ang pinsan niyang buo.

Hindi niya mapigilang kumawala ang mga luha sa mata habang tinitingnan ang magkapamilya. Matagal na panahon na ring nagdusa ang dalawa sa pagkawalay sa bisig ng isa't isa. Lampas apat na taon man ang nakalilipas ay mababanaag pa rin sa mga ito ang pagmamahal sa isa't isa.

Abot-tainga ang ngiti niyang nilapitan at inakbayan si Luan na umiiyak na rin sa nakikita. Tinapunan naman siya ng tingin ng huli at tumugon sa mga ngiti niya. Niyakap din siya nito dala ng tuwa.

Hindi magkandamayaw sa pag-iyak sina Ricket at Eva. Kitang-kita sa hitsura ng dalawa ang labis-labis na pangungulila sa isa't isa. Nagtagpo ang mga labi ng mga ito at ninamnam ang matagal na panahong hindi paghihinang ng mga iyon.

Napapantastikuhan man si Adrion, pero parang nagbalik siya sa nakaraan sa kaniyang nakikita. Nakikita niya ngayon ang karakter ni Ruan na matagal niyang hindi nakita sa katauhan ni Ricket. Hindi naman nagbago ang wangis at personalidad ng lalaki, pero may bumubuklod sa pagkatao ng Ruan na kilala niya. Sa pagkakaroon ng tanglaw sa nakalipas, hindi niya nasawata ang sariling tanglawin ang kaniyang sariling salamisim na nagkukulong ngayon sa hawlang hindi niya alam kung kailan at kung paano siya makakawala.

Pinilit niyang ipalikod iyon sa isipan kahit alam niya sa loob-loob niya na hindi niya iyon magagawa nang basta-basta. Sa apat na taong pakikibaka niya sa hidwaan sa pagitan ng pagnanais niyang kalimutan at kusang pagdagsa ng mga iyon sa isip niya ay hindi siya kailanman nagwagi.

Hindi masakop ng kabatiran niya ang dahilan sa likod niyon. Matagal na panahon na rin siyang nakakulong sa hawlang siya rin mismo ang gumawa. Kailan ba siya makakalaya? Kailan ba matatanggap ng puso niyang kaibigan lang ang tingin ni Inna sa kaniya?

Kung maaari lang diktahan ang puso niya, matagal na niyang binunot ang kampilang nakatarak doon. Ang puso niya ay parang may sariling mga mata na walang ibang nakikita kundi ang mahal niya. Hanggang kailan ba siya ikukulong ng pagmamahal niya sa dalaga?

Sa pagsasama ng nakikita at alaalang umuukilkil sa isip niya ay sumungaw ang inggit sa dibdib niya. Naiinggit siya; naiinggit siya sa pinsan niya. Nagtagpo at nagsama na ang dalawa, kailan din kaya ang sa kaniya? Kailan din kaya niya maiikukulong sa bisig niya si Innamorata?

Napahigpit na lang ang pagyakap niya kay Luan nang daluhungin siya ng reyalisasyong wala namang namamagitan sa kanila ni Inna. Mas lalong bumalong ang mga luha niya, nahalinhinan ang luhang dala ng kasiyahan ng luhang bunga ng pagkalumbay at kalungkutan.

Hinagod-hagod ni Luan ang likod, dahilan para ihilig niya ang ulo niya sa dibdib ng binata. Napansin marahil ng huli na iba na ang pinagmumulan ng pag-iyak niya. Hindi nagsasalita si Luan, pero ang paghagod nito ay nakatulong sa kaniya para mabawasan ang bigat ng nararamdaman niya.

Alam lahat ni Luan ang mga kaganapan, kaya hindi na niya pagtatakhan kung bakit ganoon ang inakto nito. Sino pa bang magkakaintindihan kundi sila-sila rin lang? Sino pa bang makakaunawa sa kaniya nang lubos? Ang pamilya niya.

“ADRION!”

Ang pagtawag na iyon ng kung sino kay Adrion ang pumutol sa naglalakbay na diwa niya habang nakatingin sa karimlan. Si Eva at Ricket na magkahawak-kamay ang nalingunan niya. Nakangiti ang dalawa sa kaniya. Ngumiti na lang din siya at nagpakawala ng malalim na hininga.

Tinapunan niya ng tingin ang wrist watch niya, alas onse pasado na pala, halos dalawang oras na pala siyang nasa roof top ng hospital. Tumahan na ang puso niya, bumalik na sa dati ang kamalayan niya.

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon