KABANATA XXXVII

149 25 6
                                    

KABANATA 37

     KAPANABAY ng pag-ihit ng ubo ni Linyi ay ang pagbulwak ng tubig mula sa lalamunan niya. Nagpumilit siyang bumangon, pero may isang bisig na umalalay sa kaniya at inalalayan lang siya nitong makaupo.

     May mga naririnig siyang mga tinig, kinukumusta siya at halata ang pag-aalala ng mga ito. Iminulat niya ang ang mga mata, isang malabong pigura ng lalaki ang sumambulat sa kaniya. Nagpatuloy ang pag-ubo niya, hindi siya lubos makahinga. Inaalalayan lang naman siya ng lalaki at sinisigurong nakakahinga na siya.

     Dumaan ang paghanga sa mga mata ni Linyi nang mahimasmasan at klarong makita ang hitsura ng lalaki. Hindi ito pamilyar sa kaniya, hindi niya ito nakikita sa bahay-hacienda na ilang araw pa lang magmula nang mag-apply siya ng trabaho rito. Sino itong lalaki na ito? Hindi malaman ni Linyi pero bigla na lang lumabo ang paningin niya at nawalan siya ng malay.

     Tahimik na paligid at maaliwalas na silid ang bumungad kay Linyi nang magmulat siya ng mga mata. Habang panaka-nakang pumapasok sa isip niya ang mga nangyari, inililibot niya rin ang paningin sa kinalalagyan niya. Hindi iyon ang silid na inukupa niya noon sa bahay-hacienda ng mga Floresca. Hinuha nga niya ay nasa ibang bahay siya, simple lang kasi ang disenyo ng silid kumpara sa dating inukupahan niya. Parehong puti ang kulay ng dingding, pero hindi kaluwangan ang bintana ng kinalalagyan niya ngayon. Malawak naman ang silid, pero kaunti lang ang makikitang gamit.

     Nasa gitna siya ng paghahalukay sa kaniyang isip sa mga nangyari sa kaniya nang bigla ay parang may nag-flash sa isip niya na isang kaganapan. Napaupo siya sa kinahihigaang kama. Matapos siyang iligtas ng isang lalaki sa talon, nawalan siya ng malay. Nang magkaroon naman siya ay madilim ang buong paligid, tanging ang aandap-andap na liwanag lang ng lampara ang nagbibigay tanglaw sa kinaroroonan niya. Pakiramdam din niya ay nilalagnat siya, at may isang lalaki na umaalalay sa kaniya, pinakain siya nito, pinainom ng gamot, wala na siyang matandaan sa mga sumunod nangyari, pero malinaw sa isip niyang may isang bisig ang yumapos sa kaniya nang makaramdam siya ng lamig sa katawan.

     Ang mabining paghampas ng sariwang hangin sa gilid ng mukha niya ang nagpabalik sa kaniya sa reyalidad at nagpabaling sa paningin niya sa labas ng bintana ng silid.

     Mula sa loob, natanaw niya ang isang lalaki sa lilim ng isang puno—ilang hakbang lang ang layo nito sa kinaroroonan niya. Nakasandal ang huli habang humihigop sa hawak nitong tasa ng kape. Wala itong damit pang-itaas at maikling sapin pambaba; boxer short na itim lang ang suot nito. Ang paningin nito ay nakatuon sa namamataang malayong bahagi ng palayan. Sa emosyong inihahayag ng hitsura nito, malalim ang iniisip nito.

     Bigla, naisip niya, ito kaya ang lalaking nagligtas sa kaniya sa muntikan niyang pagkalunod sa talon at nag-alaga sa kaniya kagabi? Pamilyar kasi ang lalaki sa kaniya.

     Hindi masawata ni Linyi ang sarili na hindi hangaan ang lalaki. Hindi naman lingid sa kabatiran niya ang seksuwal na oryentasyon niya, kaya hindi na niya pinagtakhan ang paghangang sumilid sa kaniyang dibdib. Kahanga-hanga naman talaga ang nakikita niya. Hindi man kalakihan ang pangangatawan nito; slim, pero nagagandahan siya sa pagkakahubog nito. Perpekto sa pananaw niya ang biceps ng lalaki. Maganda ang pagkakahulma ng anim na abs nito at dibdib nitong naaakit siyang yapusin. Masarap sigurong mahiga sa dibdib nito habang naririnig ang pagpintig ng puso nito.

     Para siyang sinilaban nang lumalim ang pagpapantasya niya. Lihim niya ring pinagalitan ang sarili sa kapilyuhang nasa isip. Parang hindi kasi iyon angkop, kahit pa nasa angkop na gulang na siya at may hormones na tinatawag. Bagaman, hindi talaga niya maitatanggi ang kakisigan at waring init na dating sa kaniya ng lalaki. Nakuha rin ng lalaki ang skin tone ng ideal man niya, moreno ang kulay nito na mas lalong nagpalakas ng appeal nito sa kaniya. Sino kaya ito? Nasaan ba siya?

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon