KABANATA L

63 7 1
                                    

KABANATA 50

"KUNG iyon ang desisyon mo, rerespetuhin namin iyon ni Eva." Tumango si Luan sa Kuya Ricket niya sa sinabi nito. Nakaupo silang tatlo sa living room, kaharap niya ang mga ito habang pinag-uusapan kung saan siya mananatili. Gusto kasi ni Ricket na manatili na muna siya sa bahay-hacienda, pero nagpumilit siyang sa bahay na lang nila siya mananatili at magpapagaling.

Nagdahilan siyang hindi siya makakatulog nang maayos kung sa bahay-hacienda. May katotohanan naman iyon, ilang beses na rin kasi siyang natulog sa silid ng kambal sa kahilingan ng mga ito, at ni isa ay wala siyang tulog na maayos. Bumabalik kasi sa isip niya ang mga kahapong nakalipas nila ni Rafaela; ang alaala niya sa babae. Lagi siya nitong ginugunita sa kaniyang panaginip kapag natutulog siya sa silid ng kambal na dating silid ng babae.

Naunawaan naman yata iyon ni Ricket at Eva nang sinabi niya. Bagaman, nakita niya sa emosyon ng kapatid na hindi ito kumbinsido sa sinabi niya.

"Pero kung maaari ay dapat may kasama ka sa bahay," mungkahi ni Ricket, tumugma sa hinuha niya. Hindi naman niya minasama, iniisip lang nito ang ikabubuti niya. "Especially now, may injury ka sa binti. Hindi ka makakakilos nang maayos sa bahay."

"Agree ako sa sinabi ng kuya mo. Kailangan mo talaga ng makakasama sa bahay ninyo," wikang sang-ayon naman ni Eva.

Hindi siya nakahuma. Wala siyang maapuhap na maaaring itugon sa isinuhestiyon ng kapatid niya. Gusto niyang sumalungat, pero tama naman kasi ito, hindi nga siya makakakilos nang maayos dahil sa tama niya; ni pagtayo nga ay nahihirapan pa rin siyang maka-adjust. Kailangan niya ng makakasama, kailangan niya ng makakatulong sa kaniya.

Nakatitig lang sa kaniya si Ricket habang hinihintay ang tugon niya. Ang emosyon nito ay nagpapahiwatig na mayroon pa itong bala na ipuputok sa kaniya kung sakaling umalma man siya sa tinuran nito. Nagpaligsahan sila nito sa titigan, bahagya siyang ngumuso at mahinang natawa, senyales na sumusuko na siya. Natawa rin ang dalawa.

"Sige na nga."

ALAS dos na nang hapon nang mananghalian ang buong pamilya nila. Mabuti at nagkasya sila sa mahabang hapag-kainan sa dining. Wala namang mahahalagang napag-usapan ang mga ito, nagkumustahan lang at nagkabibiruan sa hapag. Nagtanong-tanong din si Ricket kay Eva kung ano na ang lagay ng asyenda at kumpanya ng mga ito.

Nang matapos ay nagtungo na ang iba sa sari-sariling ginagawa ng mga ito. Ang kambal ay sumama sa Tito Luro at Tito West ng mga ito na namasyal sa asyenda. Ang Mommy Lara at Daddy Ricarte naman ng kapatid niya ay lumabas at may aasikasuhin lang daw saglit. Si Adrian ay sinamahan ang Lola Helena nila na magpahinga, inaantok na kasi ang matanda gawa ng pagod sa flight nito.

Naiwan uli silang tatlo sa hapag ng kapatid at ni Eva. Napapanguso na lang siya nang magharutan ang dalawa sa harapan niya. Nauunawaan naman niya at sa katunayan ay natutuwa nga siya, sa tagal ng mga itong nawalay sa isa't isa ay naroon pa rin ang love, sweetness, at spark sa pagitan ng mga ito. Napabalik-tanaw tuloy siya sa kapusukan ng dalawa noon.

"Kuya," tawag niya kay Ricket. Tumigil naman ang dalawa sa kaharutan at nakangiting tiningnan siya. "Gusto ko nang magpahinga. Uwi na muna ako sa bahay." Nagkatinginan ang magkasintahan. Nawala ang ngiti sa labi ni Ricket.

Sakto namang dumating si Linyi sa gawi nila. Nagawa pang makipagpalitan ng tingin ng binata sa kaniya bago ito lumapit kay Eva. Nakasuot ito ng kupas na asul na damit na pinutol ang manggas para maging sando. Hawak-hawak nito sa dibdib ang panaggang-araw o balanggot nito. Kitang-kita ang hulma ng biceps nito sa ganoong ayos. Hindi naman masyadong kalakihan ang katawan nito, halos parehas nga lang sila ng katawan. Sakto lang, moreno lag siya at mas matangkad lang siya nang ilang pulgada. Nagtataka man sa biglaang pagpuri niya sa katawan ng lalaki ay ipinalikod na lang niya iyon sa isip.

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon