KABANATA XLVI

70 7 1
                                    

KABANATA 46

HINDI na namalayan ni Ricket kung ilang oras na ang nakalipas dahil sa sidhi ng pagnanasa niyang makita ang kapatid niya nang makarating siya sa isang hospital sa Nueva Ecija.

Napapantastikuhan man dahil  kabisado pala niya ang lugar ay ipinalikod na lang niya iyon sa isip niya. He needs to see Luan as soon as possible. Hindi na niya kayang supilin pa ang pag-aalalang bumubulwak-bulwak sa dibdib niya.

Nang makarating siya sa reception desk, nagtanong kaagad siya kung ano ang room ni Luan. Nang masagot nito ang tanong niya, tinungo niya ang hagdan na magdadala sa kaniya sa private room kung nasaan ang huli.

Sa kaniyang pag-akyat ay hindi niya sinasadyang makabangga ang isang lalaking doktor. Muntikan silang nawalan ng balanse pareho, mabuti na lang at nakabawi sila at naibalik ang angkop na tindig. Isa itong doktor.

“Sorry, Doc!” usal niya, nanghihingi ng dispensa. Nakatingin lang ito sa kaniya na nagniningning ang pagkagitla sa mata. Aristokratiko at tila kagalang-galang kung titingnan ang lalaki.

Hindi na nakipagpaligsahan ang pagtatakang sumilid sa puso niya sa reaksyon ng lalaki sa pagnanasa at pag-aalalang nararamdaman niya. Kaya naman, agaran din niya itong nilisan at lakad-takbong umakyat sa hagdan papunta sa silid na sinabi ng nurse sa kaniya.

“S-sandali, Ricket,” tawag pa sa kaniya ng nakabangga niya na kilala pala siya, pero hindi na niya iyon ininda at nagdire-diretso sa hallway nang marating niya ang pangatlong palapag.

Hinahabol pa rin siya ng doktor. Hindi siya tumigil dahil pakiramdam niya ay pipigilan siya nito na makita ang kapatid niya. Lakad-takbo rin ang ginawa niya habang patingin-tingin sa mga number ng rooms.

Nang lumapat ang paningin niya sa number na sinabi ng doktor, dala ng kasabikan at pag-ukilkil ng iba't ibang damdamin sa puso niya, naging marahas at tila nagmamadali ang pagpihit niya sa seradura ng pinto.

Pagluwa sa kaniya ng pinto ay sumambulat sa kaniya ang ilang mga tao sa silid. Kaagad nag-dive ang mga mata niya sa taong pakay niya.

“Luan?” Pag-aalala ang mahihimigan sa tinig niya. Halos wala siyang naintindihan sa sabay-sabay na pagsasalita nila ng mga taong nasa loob. Bagaman, hindi na niya iyon inisip at dali-daling nilapitan si Luan na bakas ang pagkagulat sa hitsura. Bahagyang binigyan naman siya ng daan ng isang lalaki na nakatayo kanina sa gilid ng kapatid niya.

Namasyal ang mga mata niya sa pigura ng nakahigang kapatid. Mayroon ngang nakapulupot na bendahe sa binti nito, ito nga marahil ang tama nito buhat sa operation nito.

“K-Kumusta ka? Ano ang nangyari? May iba pa bang tinamaan sa iyo?” tanong niya, sunod-sunod dala ng pag-aalala niya rito. Lumalabas ang pagka-kuya niya sa kapatid. “May masakit pa ba sa 'yo?”

“B-bakit—p-paano ka nakapunta rito, kuya?” Ilang segundo ang nagdaan bago siya sinagot ni Luan ng isa ring katanungan. Mababanaag pa rin ang pagkabigla at pagtataka sa mukha ng binata. Nakakunot ang noo nitong matamang nakatingin lang sa kaniya.

“Hindi na 'yon mahalaga. Ang mahalaga, nakita kita.” Bumalong ang mga luha niya, dahilan para mapaiyak din si Luan. Bahagyang bumangon ang binata nang yakapin niya ito. Tinugon ng huli ang mga yakap niya, yumugyog ang balikat niya kapanabay ang pagsubsob ni Luan sa leeg niya.

Parang pinag-isa ang kanilang damdamin sa pinagsaluhan nilang yakap na iyon. Ang kaninang pusong hindi matigil sa matuling pagtahip gawa ng pag-aalala sa kapatid ay nahalinhinan ng kaginhawaan na pumunan sa isang puwang na bahagi ng kaniyang kaibuturan.

Walang mapagsidlan ang galak sa puso niya dahil nakita na niya ang kapatid niya, nalaman na niya ang lagay nito nang aktuwal. Napunan ang pangungulila niya rito nang ilang araw.

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon