KABANATA 51
SA KABILA ng pag-aalala at hindi pagkapalagay ni Ricket para sa kapatid niyang si Wade ay hindi niya mapigil ang sariling madarang sa init na sumasaklot sa sistema niya sa pagkakadikit ng katawan nila ni Eva. Sinalo kasi niya ang babae nang muntikan itong madapa sa pagkakatisod sa ugat ng mga punong-kahoy na nakaharang sa binabagtas nilang daan.
Itinali nila sa isang puno ang dalawang kabayong nagdala sa kanila sa lugar para pulutin ang isang balanggot na nasa lupa na sa pagkakaalam nila ay suot-suot ni Wade kanina. Mayroong palatandaan ang balanggot na iyon na bumubuklod sa lahat ng balanggot na ginamit nila sa pamamasyal. Mas light ang kulay nito kumpara sa lahat ng ginamit nila.
Nasa northside sila ng asyenda kung saan sila sumuot kanina nang inaya niyang mamasyal ang pamilya sa lugar. Nangulila kasi siya sa tanawing makikita sa loob ng asyenda. Sumama naman ang lahat at nang makabalik sila ay hindi nila inaasahang hindi pala nakabalik ang kapatid niyang si Wade. Ang buong akala kasi nila ay sumunod ito kanina kay West na unang bumalik sa bahay-hacienda. Pero nang makarating sila roon ay wala naman ang binata. Kung hindi nga nagtanong si West kung nasaan si Wade ay hindi nila malalaman na ang kabayo lang na ginamit nito ang bumalik.
Halos nalibot na nila ang lugar kung saan nila dinala ang mga ito kanina, pero wala pa rin silang Wade na nakikita. Sinubukan naman nila itong tawagan, nagbabaka-sakaling dala nito ang cell phone nito, pero out of reach naman ang binata.
Ipinatawag na ni Eva ang ilan sa mga tauhan ng asyenda para tulungan silang maghanap, pero ni isang bakas ng binata ay wala silang nakita. Maliban na lang sa kahahanap nilang balanggot na hinala nila ay pagmamay-ari ni Wade.
Inalalayan niyang makatayo ang kasintahan nang maayos at magkasabay na tinungo ang daan para pulutin ang balanggot. Doon nga nila nakumpirma na gamit-gamit iyon ni Wade kanina.
Pabuka pa lang ang bibig ni Ricket para magsalita nang pumailanlang ang huni ng cell phone niya sa bulsa. Bumagsak ang balikat niya sa sinabi ni Wynter sa kabilang linya, ang kabayo lang din na ginamit ni West ang bumalik sa bahay-hacienda. Si West kasi ang unang bumalik sa bahaging iyon ng asyenda nang pagkasabing-pagkasabi pa lang nila na hindi nila kasama si Wade. At ngayon, sa ipinamalitang iyon ni Wynter ay dalawang tao na ang kanilang hinahanap.
“Ano raw? Ano ang nangyari?” tanong sa kaniya ni Eva na palapit sa kaniya. Umalis kasi ito kanina nang tumawag si Wynter; nagpunta sa isang gawi at luminga-linga sa paligid para hanapin si Wade. “Is Wade okay? Nasa bahay-hacienda na ba siya?”
Umiling siya sa kasintahan. Nakita niya ang pagkunot ng noo ni Eva, marahil nahiwatigan na nito sa ekspresyon ng mukha niya na may hindi na naman magandang nangyari.
“B-bakit?” pag-uulit nga ng babae at lumapit sa kaniya, saka bahagyang ipinadaiti ang palad sa katawan niya, sa ibaba ng kaniyang dibdib.
“S-si West, hindi rin nakabalik ang pinsan ko. Ang kabayo lang din na ginamit niya sa paghahanap ang nakabalik sa bahay-hacienda.”
Alas cinco y media pa lang ng hapon, pero makulimlim na ang buong paligid. Kataka-takang ikinubli ng mga nangingitim na ulap ang araw na halos pumapaso sa kanila kanina
Nagpatuloy sila sa paghahanap. Nangangamba na sila para sa kalagayan ng dalawa. Naghiwalay silang dalawa para sundan ang mga bakas ng paa ng kabayo na nakita nila malapit sa kinaroroonan ng balanggot, pero nang makarating sila sa madamong bahagi ay hindi na nila malaman kung saan na ang susunod na hakbang nila.
“Wade?”
“West?” sigaw nilang dalawa, umaasang nasa paligid lang ang dalawa.
Maraming klase ng iba't ibang puno sa kinaroroonan nila, madilim na ang paligid, mas lalong gumagapang ang pangamba at kaba sa kanila para sa dalawa. Pakagat na ang dilim, subalit wala pa ring Wade at West na nagpapakita.
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
RomansaMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...