KABANATA 20
PAGKALABAS na pagkalabas pa lang ni Ruan sa silid niya ay naririnig na niya ang tawanan ng buong pamilya niya mula sa kusina.
Kasalukuyang nakatatak pa rin sa diwa niya ang buong pangyayari sa panaginip niya. Sandaling isinantabi na muna niya iyon, hindi siya nakakakilos nang maayos hangga't patuloy niya iyong naiisip. Alam niyang hindi niya iyon makakalimutan. Nakaukit na iyon sa utak niya, maging ang mga pinangyarihan ng senaryo at mga naganap. Tila ba iyon ay mala-sining na ipininta ng isang pintor sa diwa niya.
Sinipat niya ang pamilya, gumuhit ang perpektong ngiti sa kaniyang labi. Muli niyang nasilayan ang ngiti ng kapatid niya, ang matamis na ngiti ni Luan. Magmula nang mawala si Ella, laging mababanaag kaseryosohan sa mukha nito at mahihimigan ang lungkot sa tinig. Maging sa mga mata nito ay mababasa mo ang lumbay.
Gumapang ang ligaya sa kaibuturan ng puso niya. Nagbalik na ang kapatid niya, ang palangiti at masayahing si Luan. Labis ang pasasalamat niya, dahil simula noong nakita niyang magtatangkang maglaslas ito ay hindi na nito ginawa ulit iyon. Kapansin-pansin pa na bumabalik na rin ang pagkamalambing nito. Napangiti siya sa kaniyang nakikita, nasisiyahan siya.
Tumuon ang mga mata niya sa naka-frame nilang letrato na nakasabit sa dingding. Kumunot ang noo niya nang masiyasat nang mabuti ang letrato, bahagya pa siyang lumapit para mapagmasdan itong mabuti.
Sinipat niya ang kulay ng kutis niya, pagkuwa'y bumaling ang tingin sa mga magulang at kapatid niya na animo ay hindi pa rin batid ang presensya niya. Tuloy pa rin sa pagtawa ang mga ito sa hapag-kainan.
Muli niyang tinapunan ng tingin ang letrato. Magkaiba ang kulay ng kutis niya sa kutis ng nanay at tatay niya, maging sa kulay ng kapatid niya. Ang balat lang niya ang kakaiba. Litaw na litaw ang puti nito at kinis, habang ang pamilya naman niya ay hindi naman ganoon pigura ng mga ito.
Binigyang pansin din niya ang ibang letratong nakasabit sa mga dingding. Ang picture naman niya noong bata pa siya ang siniyasat niya. Ngayon lang niya nakitang may nakasulat pang pangalan niya sa letrato.
Muli niyang sinariwa sa isip ang panaginip niya. Siyang-siya talaga ang nakita niya sa panaginip. Kamukhang-kamukha niya ang batang anak ng lalaking si Ricarte sa panaginip niya, kamukha niya ang batang nagngangalang Ricket.
Bahagyang kumirot ang ulo niya sa iniisip. Napahawak siya sa kaniyang sentido.
Sino nga ba talaga siya? Anong ipinapahiwatig ng mga panaginip niya sa reyalidad? Anong koneksyon niyon sa totoong buhay niya?
"Anak." Umagaw ng atensyon niya ang pagtawag ni Mina sa kanya. Napalingon siya sa gawi nila. Pagtataka at pag-aalala ang nabanaag niya sa mukha ng kapatid at magulang niyang ngayon ay nakatitig na sa kaniya. "Ayos ka lang ba?" bahagyang nautal na dugtong ng babaw, nilapitan na siya nito.
"A-ayos lang ako, Nay," pagsisinungaling niya, kahit ang totoo ay 'di na niya mawari ang kirot ng sentido niya. Panaka-naka iyon subalit matindi ang sakit na dinudulot niyon sa kaniya. Napapapikit pa siya ng mga mata para pigilin ang napipintong mga luha.
"Sigurado ka ba, Anak?" Hinawakan siya sa balikat ng ina. Wala sa loob niya itong tinanguan.
"O-oh, sige anak, halika na at kumain ka na." Akmang igigiya na siya nito papunta sa hapag-kainan pero hindi niya nagawang ihakbang ang kaniyang mga paa, na siyang ipinagtaka ng nanay niya. "Bakit anak?"
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
RomantikMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...