KABANATA LX

88 2 0
                                    

KABANATA 60

     NAKABABA na si Ricky at Ricket sa sasakyan. Kaharap na nila ngayon ang maluwang na tarangkahan ng mansyon sa Hacienda Estrella. Hindi alam ni Ricky, subalit biglaan siyang dinaluhong ng salamisim nilang buong pamilya sa pagkakabukas ng tarangkahan at makita ang mansyon.

     Nagbalik sa isip niya ang lahat ng masasayang alaala niya kasama ang mga ito. Hindi rin siya nakaligtas sa bangungot ng kahapon; dinagsa rin siya ng konsensya sa mga nagawa niyang kasalanan sa pamilya niya.

     Tama! Tama ngang bumalik na siya rito sa asyenda. Kailangan na niyang itama ang lahat ng pagkakamaling nagawa niya. Unang-una na ang paggamit niya sa pamangkin niya para sa pansariling kagustuhan niya; para mapansin ng ina at ama, pero naging bunga lang niyon ng ikinapahamak ng bata.

     Para niya itong itinulak sa bangin nang planuhing ipa-kidnap at gagawin niya ang sariling bida sa pagliligtas dito. Pero nauwi lang iyon sa matinding bangungot na pinilit niyang nilimot. Trinaydor siya ng mga kinuha niyang tao, nasilaw ang mga ito sa perang nakapatong sa ulo ni Ricket.

     Nalaman ng mga ito ang tunay nitong pagkakakilanlan, kaya tumaliwas ito sa kaniya at gumawa ng sariling desisyon. Halos huli na ang lahat nang pigilan niya ito, mabuti na lang at siya ang unang nakakuha kay Ricket at inilayo ito sa Resort. Ngunit nasundan sila ng mga ito.

     Para mailigtas si Ricket, iniwan niya ito sa isang kagubatan at siya ang hinabol ng mga kalalakihan. Narespondehan siya ng mga iba sa kinuha niyang tauhan, pero nang balikan niya si Ricket sa gubat, wala na ang bata roon. Hinanap niya ito nang hinanap, pero sa kasagsagan ng ulan ay walang Ricket na nagpakita.

     Halos mabaliw siya nang nagkaroon ng landslide sa pinag-iwanan niya kay Ricket. Tumulong pa siya sa pagpapahukay sa mga taong nadaganan ng lupa, pero natapos na ang lahat-lahat, hindi pa rin nakita ang bata. Malaking pera ang inilabas niya sa pribadong pagpapahanap sa bata, pero ni anino nito ay hindi na niya kailanman nakita pa.

     Hanggang sa niyakap na lang niya ang nagawang kamalian sa takot na baka itakwil siya ng pamilya niya. Itakwil siya bilang kapatid ni Ricarte, at anak ng mga magulang nila. Isa na siyang kadisma-dismayang uri ng anak, ayaw na niya iyong dagdagan pa. Ginawa niya ang lahat para ilayo ang mga kinuha nilang nagsagawa ng imbestigasyon sa paghahanap kay Ricket, para matakpan ang kaniyang nagawa.

     Nang matunugan niyang tumaliwas ang isang detective, pinatahimik niya ito nang ilang taon sa pagtatakot dito na papatayin nito ang pamilya nito. Inalam niya kung saan nag-aaral ang anak nitong nasa elementarya pa lang noon at kung saan nagtatrabaho ang asawa nito. Nanahimik naman ang detective.

     Nang malaman din niyang nagsagawa ng imbestigasyon ang Papa niya at nalaman ang tunay na nangyari, itinulak niya sa hagdan ang Mama niya sa takot niya. Na-comatose ito ng ilang taon sa hospital. Sinubukan niya itong balikan doon at lasunin. Akala niya noon ay namatay na ito, pero sadyang malakas ang kapit nito sa tadhana at nabuhay pa pala. Inilihim lang iyon ni Ricarte sa kaniya dahil nakatunog na ang huli sa kaniya.
    
     Nang bumalik si Ricarte sa Pilipinas at muling binuksan ang imbestigasyon sa anak ay natunugan muli niya na magsusumbong ang detective dito. Kaya inunahan niya ito at pinatay sa mismong bahay nito. Kinuha ang hawak nitong mga ebidensya saka sinunog, pero pumutok pa rin ang katotohanan sa likod ng pagkawala ni Ricket—bagaman, hindi buo at lumabas lang doon na siya ang nagpa-kidnap sa bata.

     Nang mahanap ni Ricarte si Ricket at eksaktong nasa lugar siya nang magkita ang mga ito, nagawa na naman niya ang isang bagay na ikinapahamak ng pamangkin niya. Binalak niya itong banggain gamit ang truck na ninakaw niya, pero biglang sumulpot ang isang sasakyan sa harapan niya at ito ang nabangga niya, itinaya ng driver nito ang buhay nito na lumabas na iyon ang ina ni Ricket na kumupkop dito. Umalpas naman ang sasakyan ni Ricket sa harang ng kasalukuyan noong ginagawag tulay sa lugar, nahulog ang mga ito sa ilog. Nalaman na lang niyang nawala ang alaala nito nang matapos magising sa ilang buwang pagkakatulog.

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon