KABANATA XIV

127 18 2
                                    

KABANATA 14

NARAMDAMAN ni Eva ang bahagyang pagtapik ng kung sino sa likuran niya. Ang daddy niya ang kaniyang nalingunan. Nakapikit ang mga mata niya kanina at pumapatak ang mga luha kaya't hindi niya namalayan ang pagpasok ng huli sa silid. Mababanaag sa mukha ng matanda ang labis na pag-aalala.

Umayos siya ng pagkakahiga; mula sa pagkakatagilid ay tumihaya siya upang harapin ang ama. Pinahid ng dalawang palad niya ang mga luha sa kaniyang mukha, matapos niyon ay bahagya siyang umupo. Niyapos niya ang kaniyang ama. Siya na lang ang mayroon ito, siya na lang ang natitira dito. Wala na ang kaniyang ina, wala na rin  kapatid niya; patay na si Luciana at Rafaela.

Ilang araw nang nakalibing ang mga ito buhat nang matagpuan ang bangkay ng mga itong palutang-lutang sa karagatan. Ang eroplanong kanilang sinakyan ay bumulusok pababa mula sa itaas sa hindi nila malamang dahilan. Nag-crash ito, ayon sa mga nakasaksi. Pinagluksa nila ang mga ito nang ilang araw bago inihatid sa huling hantungan. Masakit para sa kanila ang katotohanan. Siguradong mahihirapan ang mag-ama na tanggaping wala na ang dalawang miyembro ng pamilya.

Nagpapasalamat sila sa Maykapal dahil natagpuan nila ang katawan ng mga ito at nabigyan nang maayos na libing, kaysa sa ibang mga taong hanggang ngayon ay umaasa pa ring matagpuan ang katawan ng mga minamahal ng mga ito. Ang tanging hiling na lang ng mga naulilang pamilya ay kahit man lang sana wala ng buhay ang mga kaanak na kabilang sa insidente, basta masilayan sa kahuli-hulihang pagkakataon at maayos na dalhin sa huling hantungan ang mga ito.

Mahigpit niyang tinugunan ang bisig ng ama nang ikulong siya nito sa mga bisig. Bumagsak ang mga luha ng huli, batid ni Eva na nagpapakatatag ang ama niya sa sitwasyon nila. Masakit para sa kaniya ang maglibing ng isang magulang at kapatid, ngunit ibayong sakit sa puso ang maglibing ng asawa at anak.

***

INAYA ni Don Lando ang anak na lumabas para kumain, subalit umiling lang ang anak niya. Ilang araw na itong walang laman ang tiyan, tanging pantulak lang ang laman niyon. Kahit anong pilit niya ritong kumain ay wala siyang magawa. Nag-aalala na siya, baka kung mapaano pa ang kaniyang anak sa ginagawa nitong hindi pagkain.

Labis na naapektuhan ang anak niya sa nangyari. Maging siya man din, labis siyang naapektuhan ngunit kailangan niyang magpakatatag para sa natitirang mahal sa buhay, para kay Eva. Sinisisi ni Eva ang sarili nito sa pagkawala ng dalawa.

Lumabas si Don Lando sa silid ng Señorita. Muling bumagsak ang mga luha niya nang siya ay nasa pintuan at tinapunan muli ng tingin ang anak. Nauulinigan niya ang mahihinang paghikbi ni Eva na siyang nakakapagpahina sa kaniya. Pinahid na muna niya ang mga luha sa mukha pagkuway tuluyang isinara ang pinto.

Kailangan niyang gumawa ng paraan upang mapakain ang anak niya. Nangangayayat na ang Señorita dahil sa hindi nito pagkain nitong mga nakaraang araw. Ayaw niya itong pagalitan o sermonan, alam niyang walang mabuting maidudulot iyon kung pagalitan pa niya ang anak. Mabigat na ang pakiramdam nito, ayaw na niyang gatungan pa iyon, ayaw niyang kagalitan siya nito. Pinagsasabihan na lang niya ito; pinapakiusapan nang maayos, baka sakaling mapilit niya itong kumain.

Sa kaniyang paglalakad pababa sa hagdan ay nahagip ng mga mata niya si Ruan; si Ruan na mababanaag din ang pag-aalala sa hitsura. Doon ay sumagi sa isipan niya ang ipinagtapat sa kaniya ni Ella noong ito ay nasa piling pa nila.

Namuo ang ideya sa utak niya.

Nagtuloy-tuloy siya sa paglalakad patungo ng kusina upang maghanda siya ng pagkain para sa anak. Nalampasan niya si Ruan, binati siya ng binata. Ngiti lang ang itinugon niya.

Nagprisintang tulungan siya ng isa sa mga kusinera, subalit iginiit nitong siya na lang ang gumawa para sa pagkain ng anak. Nirespeto naman ng mga kusinera ang sinabi niya at hinayaan na lang siya.

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon