KABANATA 57
NATUTUWANG pinapanood ni Eva ang mga anak habang kumakain sila sa isang fine dining restaurant sa kabisera. Alas onse pa lang ng tanghali at pauwi na sila papuntang Nueva Ecija, dumaan lang sila sa restaurant para mananghalian.
Nag-aya kasi ang mga bata na kumain doon kahit may baon naman silang pagkain para sa mga ito. Pinagbigyan na lang nila, tutal ito naman na ang huling araw nila sa La Union at baka matatagalan bago sila makabalik sa lugar. Magiging abala sila sa mga susunod na araw, pagbabalik ni Eva at Ricket sa mga business ng pamilya nila, at para na rin sa preperasyon para sa kasal nila.
“I didn't know na allergic din pala sa chicken si Rohann,” komentong bulong ni Ricket sa kaniya. “Akala ko ay hindi lang siya kumakain.”
Oo nga pala, hindi niya nabanggit sa fiancé niya ang hinggil doon. Magkatabi sila nitong nakaupo kaharap soon to be Mother-in-law at Father-in-law ni Eva na si Lara at Ricarte. Katabi ng mga ito ang kaniyang ama na abala sa pag-uusap hinggil sa negosyo ng mga ito. Nakisabay ang dalawa sa kanila dahil may aasikasuhin daw ang mga ito sa Maynila. Paminsan-minsan ay binibiro sila ng mga ito na sundan na raw nila ni Ricket ang kambal.
Si Rohann ay katabi ni Eva, masaya itong kumakain sa chop suey at pork na in-order nila. Katabi nito si Arkanghel na hindi naman nagsasawa sa kaniyang anak. Sa tabi ng mga ito ay naroon si Adrion na tahimik na kumakain, pero maya't maya ang pagpunta ng ilang customer sa gawi nito para magpa-picture. Nasanay naman na sila. Ikaw ba naman ang palaging may kasamang popular na artista? May mga kababaihang napapatingin din kay Ricket, pero nasa kaniya naman ang atensyon ng huli. Tinataasan na lang niya ng kilay ang mga ito. Mga bruha!
Si Rowann naman ay nasa tabi ni Ricket, abala ito sa pangungulit at pagpapasubo ng pagkain sa Tito Luan nito. Kaya libre silang dalawa, nakakakain nang payapa. Iba naman kasi ang kinukulit ng anak nila. Masayang pinapapak ng dalawa ang regular size chicken na in-order nila para sa mga ito. Marami pa silang in-order, katulad ng pakbet, sinigang na baboy at sinigang na hipon, pata, at iba pa na pinagsaluhan nilang magkakapamilya.
“Yes, sa seafood din. Ang sensitive ng anak katawan ng anak mo,” sabi niya pabalik.
“Nasa lahi talaga namin ang allergic sa manok, pati nga si Daddy Ricarte at Luro ay allergic din diyan.” Tumango lang si Eva at napadaing siya nang maramdaman niya ang pagkirot ng ulo niya.
“Bakit? Are you okay?” Nakataas ang dalawang kilay ni Ricket na nagtatanong sa kaniya. Isinukbit pa nito ang buhok na tumatakip sa kaniyang mukha.
“Bumalik lang ang pagsakit ng ulo ko. Nawala na ito nang nakaraan, e,” sagot niya rito at bahagyang hinilot-hilot ang sentido.
“May gamot ka ba riyan sa bag?” Kinuha ni Ricket ang maliit na bag sa kandungan niya at tiningnan ang laman. “Naubos na ang gamot para sa sakit ng ulo rito.”
“Where are you going?” tanong ni Eva at hinawakan sa kamay si Ricket nang tumayo ito matapos ibalik sa kaniya ang bag. Hindi niya maunawaan ang biglaang pagbilis ng pagtahip ng puso niya, ngunit pinukaw ng sakit ng sentido niya ang nararamdaman niyang iyon.
“Ayos ka lang ba, anak?” Si Don Lando, nakatingin na pala ang lahat sa kanila.
“Ayos lang ako, Dad. Masakit lang talaga 'yong ulo ko,” turan nito. Tumango naman ang matanda at napanatag sa sinabi niya. Dumukwang si Ricket at inilapit ang bibig sa tainga niya.
“Kukuha lang ako ng gamot sa sasakyan.”
“'Wag na. Mamaya na lang, paglabas natin.”
“Ngayon na. May kukunin din naman ako sa sasakyan,” giit naman ng lalaki. Sa kawalan ng masasabi ay tumango na lang siya at binitawan ito.
Hindi malaman ni Eva, pero habang panaka-nakang lumalayo ang lalaki sa ganiyang gawi, gayon naman ang pagsilid ng kaba sa kaniyang kaibuturan. Tumingin pa sa kaniya ang lalaki at ginawaran siya ng matamis na ngiti. Kahit papaano, nabawasan ng ngiti nito ang nararamdaman niyang kaba.
Nang mawala sa paningin niya si Ricket, nagpaalam siya sa mga kasama na magtutungo lang ng comfort room. Pagtayo niya ay biglaang nanlabo ang mga mata niya. Tumayo si Luan at tinulungan siya nang muntikan na siyang mawalan ng balanse.
Nang maramdaman niyang parang may lalabas sa lalamunan niya ay napahawak siya sa bibig at napaatras nang bahagya. Nasusuka siya. Mabilis ang paghakbang niyang tinahak ang daan na magdadala sa kaniya sa comfort room.
“Ako na, anak.” Rinig pa niyang ani Lara na sinundan siya patungo roon.
Nang paglabas ni Eva sa cubicle matapos magsuka ay nakita nga niyang naghihintay sa labas si Lara. Inalalayan siya nitong nagtungo sa faucet para maghugas.
“Ayos ka lang ba talaga, hija?” usisa ng matanda sa kaniya matapos suriin ang kabuoan niya. Tumango siya, pero napapikit nang sumakit muli ang ulo.
“Napapadalas ang pagsuka mo. Halika, dadaan na muna tayo sa hospital para maipa-check-up ka namin.” Bigla ay naalala ni Eva ang yumao niyang inang si Luciana. Kahit matabil ang dila ng matanda ay may bahagi ring ganito sa puso nito para sa kanila.
“Sige po. Mas mabuti nga po siguro,” sang-ayon niya rito. Inalalayan siya nang matanda nang makaramdam muli siya ng pagsusuka.
“Buntis ka ba, anak?”
Bago pa man makapag-react si Eva sa tanong ni Lara ay nagitla silang dalawa sa sunod-sunod na paghahari ng mga putok ng baril mula sa labas ng restaurant.
Nagkatinginan silang dalawa at sabay na tinakbo ang daan pabalik sa table nila. Si Ricket kaagad ang unang sumagi sa isip ni Eva nang makitang wala pa ito roon. Takot ang umimprinta sa mukha ng dalawang batang si Rohann at Arkanghel na nagyakapan habang pinapatahan sila ni Adrion. Si Rowann naman ay nasa upuan lang nito, pilit itong pinapatago at pinapaupo ni Luan, pero hinahanap lang ng bata ang pinagmumulan ng baril; sa labas nga.
Muling umalingawngaw sa buong paligid ang mga putok ng baril. Lalong nag-ingay ang mga customers sa loob ng restaurant na mas lalong nakadagdag ng tensyon. Ang iyak at lahaw ng mga takot na takot na customer ay lalong nagpapakabog sa puso ni Eva.
“S-si Ricket? Nasaan si Ricket? Wala pa ba siya?”
“Eva, sandali. Huwag kang lalabas!” sigaw sa kaniya ni Luan nang tumakbo siya palabas para hanapin ang lalaki.
Hindi pa man siya nakakarating sa malaking salaming pinto ng restaurant ay pinigilan siya ng mga staff at pilit siyang inilalayo sa pinto.
“H-hindi! H-hindi!” sigaw niya nang mahagip ng paningin niya kung nasaan ang lalaki. Itinulak ito ng isang pamilyar na lalaki paloob ng sasakyan sa harap mismo ng restaurant.
“Ricket!!!” Pilit siyang nagpupumiglas sa bisig ni Luan nang maabutan siya nito.
“No!!!” Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas at nabuwag niya ang pagkakakulong sa bisig ni Luan at mga staff ng restaurant. Gusto niyang lumabas para sundan ang lalaki, pero huli na ang lahat nang makalabas siya dahil humarurot na ang sasakyan palayo kung saan lulan nito si Ricket kasama ang isang lalaki; isang lalaking hindi dapat makakrus ng landas ni Ricket.
Si Ricky! Tinangay muli ng lalaki si Ricket!
“H-hindi!!!” Kahit nananakit ang ulo at katawan, at saklaw ng kabatiran ni Eva na hindi niya maaabutan ang patuloy na pinapaputukan ng mga misteryosong armadong kalalakihan ang sasakyang kinaroroonan ng lalaki, pero animo ay mayroong sariling isip ang mga paa niyang tumakbo at sinundan ito. Gumuho ang mundo niya nang hindi na maabot ng tingin niya ang mga ito.
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
RomanceMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...