KABANATA 38
HINDI malaman ni Linyi kung saan ba niya ibabaling ang tingin, sa tasa ba ng salabat na hawak niya na ibinigay sa kaniya ng lalaki nang magtungo siya sa kusina? O sa likod ng lalaking nagluluto ng kung ano—ilang hakbang ang lapit mula sa kinauupuan niya.
Masarap ang salabat, umeepekto na nga iyon sa katawan niya dahil nawawala na ang nararamdaman niyang pagkahilo, hindi na rin siya nasusuka na hindi niya maintindihan. Dala marahil ng sipon at lagnat niya. Parang nabusog na rin ang mga mata niya sa nakikitang physical features ng lalaki. Hindi tuloy siya makapaniwalang naramdaman na niya ang init na hatid ng katawan nito kagabi. Alam ni Linyi na ito ang yumapos sa kaniya noong nilalamig siya.
Natatawa na lang siya nang pasikreto habang iniinom ang hawak niya nang mahiling niya sa isip na sana ay maulit ang nangyari kagabi. Sa kabila ng kilig sa pag-aalaga sa kaniya ng lalaki, may sumilid ding kirot sa sa sulok ng puso niya.
Ngayon lang muli niya naranasan na may mag-alaga sa kaniya sa tuwing may sakit siya. Magmula kasi nang maging independent siya at mamatay ang Mama niya noong katorse anyos pa lang siya, hindi na niya naranasan ang ganoong uri ng kalinga. Sa labing-isang taon na nakalipas, siya lang ang nag-alaga sa sarili kapag nilalagnat o inaatake siya ng asthma niya. Madalas din kasing wala ang Papa niya sa bahay nila dahil sa pag-aasikaso nito sa negosyo ng pamilya nila.
Nang matapos siya ng High School, hiniling niya sa Papa niya na sa ibang bansa siya mag-aaral sa kolehiyo. Hindi naman nag-atubili ang huli na pagbigyan ang nais niya. Iniwan nga niya ang buhay sa siyudad ng Maynila nang matanggap siya sa in-apply-an niyang prestigious university sa United States of America. Bumalik lang siya sa Pilipinas pagkatapos niyang maging successful Geriatrician sa nasabing bansa. Napahugot tuloy siya ng malalim na hininga sa pagbabalik-tanaw niya sa kahapong nagdaan.
“Ano pala ang pangalan mo?” Binale-wala lahat ni Linyi ang nasa isip at pilit inapuhap sa sistema ang angkop na huwisyo nang basagin ng lalaki ang katahimikang namamagitan sa kanila. Nakaluto na pala ang lalaki, nakahain na rin. Nakadamit na rin ito ng puting muscle tee. Hindi man lang niya napansin. Nakatulala kasi siya sa karimlan nang maalala niya ang Mama niya.
“Linyi. Linyi ang pangalan ko,” kiming usal niya. Inayos pa niya ang sarili at pagkakaupo nang maupo rin ang lalaki. Pumapagitan sa kanila ang lamesa na puno na ng pagkain. Hinayon niya ang mga iyon at prenteng humigop sa salabat—paraan niya para makatakas sa kumikislap at nangungusap na mga mata ng lalaki.
Tumango lang naman ang lalaki sa tugon niya at pagkuwa'y nagtanong muli ito, “Ngayon lang kita nakita sa asyenda, ikaw ba ang bagong hardinero sa bahay-hacienda?”
Ngumiti siya at tumango bilang tugon. “Ikaw? Ano ang pangalan mo?” kaswal na pagbabalik niya ng tanong. Hinuha ni Linyi, kaedad lang niya ang lalaki o isang taon ang agwat nito sa kaniya.
“Luan,” tipid na wika ng lalaki at inabot ang kanin sa lamesa. Naglagay ito ng kanin sa pinggan nito bago ito bahagyang tumayo at nilagyan din ang pinggan na nasa harapan niya at iniumang sa kanya ang mangkok ng sabaw ng talbos ng sayote.
“S-salamat!” Pilit pinapatahan ni Linyi ang nag-ra-riot na paro-paro sa tiyan niya. Ngayon lang uli siya may kasalong kumain, ngayon lang uli niya naranasang pinaghahainan, at ibang tao ang maglagay ng pagkain sa plato niya. Nahiya at nanibago pa nga siya, nasanay na kasi siya na siya lang ang mag-isa.
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
RomanceMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...