KABANATA 35
HINDI MALAMAN ni Eva kung dapat ba siyang matuwa o malungkot ngayong nakita na niya muli ang lalaking matagal na panahong pinangulilaan ng kaniyang puso. Samu't sari ang emosyong umaalon sa kaniyang dibdib, natutuwa siyang makita muli si Ruan—si Ricket, kahit sa malayo lamang, bagaman may isang bahagi sa puso niya ang nalulumbay at humihiling ng higit pa.
Hindi sapat ang makita lamang ang lalaki, ang lalaking nagmamay-ari sa kaniyang puso, ang lalaking ama ng mga anak niya. Gusto niya itong takbuhing yapusin, ikulong sa kaniyang mga bisig nang mapunan ang pangungulilang nagiging dahilan ng pagbuo ng maluwang na blanko sa kaniyang puso, pero hindi maaari. Kapag ginawa niya nang aktuwal ang nasa isip niya, maaari muling ilayo ng tadhana sa kaniya si Ricket.
Mapakla siyang ngumiti. Nakuntento na lamang siyang tinitingnan ito sa labas ng malaking pintuan ng mansyon ng mga Chang, namamalisbis ang mga luha at hindi mapigilan ang matuling pagtahip ng dibdib.
Apat na taon na rin ang nakalilipas nang huli niya itong masilayan sa personal, nang huli niya itong mahawakan at mahagkan sa mga labi. Labis na ang pagka-miss niya kay Ricket, hindi na siya tuloy makapaghintay. Hanggang kailan bang ganito ang magiging siste nilang dalawa? Hanggang kailan ba ang hamon ng tadhanang ito para sa pagmamahalan nila? Ano ba ang mga kasalanang nagawa niya at labis na paghihirap ang ipinaparanas sa kaniya?
Habang napipigilan pa niya ang sarili, bago pa niya takbuhin at daluhungin ng yakap si Ricket, lumayo na siya sa pinagtataguang pintuan. Naglakad na siya palayo roon, hindi masawata ang pag-iyak habang nakatakip ang kanang palad sa bibig para pigilan ang tuluyang pagbulwak emosyon, para mapigilan ang sariling humagulgol sa iyak.
Nagbalik sa isipan niya ang matatamis at maiinit na salamisim nilang dalawa ng binata noong sila ay nasa asyenda pa lamang, noong panahong wala pang nakakatuklas sa nakakubling lihim sa pagkatao nito. Tandang-tanda pa niya ang mga ngiti at kislap ng mga mata ni Ricket sa pagtitig sa kaniya. Being wrapped in his arms is what she misses so much. Parang kailan lamang, nakakulong lamang siya sa bisig ng binata at masaya silang tinutunghayan ang marilag na buwan at nagniningning na bituin na nagmimistulang palamuti sa madilim na langit.
Nang mawala ang binata sa piling niya, pakiramdam niya ay nawala na ang buwan na nagbibigay sinag sa kaniyang madilim na gabi, nawala ang liwanag sa buhay niya. Sa tuwing pinagmamasdan niya ang buwan, hindi na ito katulad ng dati. Ang maningning nitong kulay ay nawalan na ng dating sa kaniya. Labis na siyang nangungulila sa dati. Magkagayon, sa pagkawala ng kaniyang buwan, nagkislapan ang mga bituin sa buhay niya; isinilang niya ang kambal na anak nila ni Ruan, sina Rohann at Rowann. Kahit papaano, nabawasan ang pighati sa puso niya sa pagdating ng mga ito sa buhay nila.
Nang araw na pinagtagpo nila ni Don Lando ang magkakapamilya, tatlong buwan na pala siyang nagdadalang-tao. Kung hindi pa siya noon dinugo, hindi pa niya malalaman na buntis na siya. Himala ang nangyari sa kanilang dalawa ni Ruan matapos ng aksidente. Naging kritikal man ang lagay ng lalaki, sa awa ng Diyos, nakaalpas ito sa pagsubok na iyon. Ilang buwan itong commatose sa hospital matapos ang insidente. Nang magising ito, wala na itong maalala pa. Ni pangalan nito, ni kung sino ito at ano ang nangyari, burado sa lahat sa isipan ng binata. Gumuho ang mundo niya nang masaksihan iyon, naka-survive ang lalaki sa insidente pero hindi na siya nito naaalala pa.
Tinahak niya ang daan pakanan na magdadala sa kanya sa hardin ng mga Chang. Tuluyan niyang pinalaya ang kanina pang bumubulwak-bulwak niyang emosyon. Masakit sa kaniyang tanggapin ang nangyayari, pero ano ang magagawa niya? Hindi siya nito maalala. Hindi naman niya ito p'wedeng p'wersahing ipaalala ang lahat, manganganib lang ang buhay ng lalaki. Hindi niya ito kakayanin kapag tuluyang nawala ang lalaki.
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
Roman d'amourMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...