KABANATA XLIII

78 11 1
                                    

KABANATA 43

ALA una na nang madaling araw nang lumabas si Ricket sa silid niya. Nagtungo siya sa ibaba ng mansyon para kumuha ng tatlong beer in can. Dala-dala niya iyon na umakyat sa rooftop. Ilang oras pa siyang nanatili sa sariling terasa ng silid niya kanina; hindi na kasi siya makatulog magmula nang magising siya noong pasado alas onse ng gabi nang dahil sa panaginip niya na sigurado siyang tiyak na nangyari sa nakaraan niya.

Tatawagin sana niya si Adrion para magtanong siya hinggil doon pero wala nga pala ang lalaki. Kaluluwas lang nito kaninang hapon patungo sa Maynila at tatlong araw itong mananatili roon para sa interview nito sa mga shows. May upcoming project kasi ang pinsan niya, kaya ito kinailangang magpunta ng Maynila upang pag-usapan na rin ang contract niyon.

Hindi na bago kay Ricket ang hindi makatulog nang mahimbing, kaya't kung maigi, halos lagi siyang umiinom niyon para maigupo siya ng antok at tuloy-tuloy ang tulog niya. Ayaw naman niyang mag-take ng pills. Sa katunayan, palihim nga lang ang pag-inom niya ng beer na iyon, ayaw na ayaw ng Daddy Ricarte niya na uminom siya ng ganoon. Pero hindi niyon napigil ang pag-inom niya; pakiramdam niya kasi ay iyon ang nagpapakalma sa magulong pag-iisip niya.

Gabi-gabi siyang ginugunita ng alaala ng kaniyang nakalipas. Paunti-unti, parang bumabalik na ang mga iyon sa alaala niya. Minsan, sumasakit ang sentido niya sa kakaisip ng mga pangyayaring iyon, pero hindi naman niya mapigilan ang isip na hindi iyon alalahanin.

Laging naglalaro ang mga senaryong napapanaginipan niya nitong mga nakaraang araw. Iba-ibang senaryo, para bang bawat pagtulog at paggising niya, nakakatapos siya ng isang kabanata ng libro. Ang iba ay hindi niya matandaan, pero ang karamihan ay naaalala niya. Naka-save ang bawat panaginip niya sa cell phone niya; sinusulat niya iyon, hindi man buong detalye pero sapat na iyon para mapagtagpi-tagpi niyang totoo iyong nangyari.

Napaluha siya nang maalala ang panaginip na gumising sa kaniya. May tinatawag siyang nanay at tatay na ang pangalan ay Mina at Larry. Tanda niya iyon, nag-type kasi siya sa cell phone niya pagkagising na pagkagising niya kanina. Kasama nila noon si Luan at masaya silang kumakain sa hapag-kainan.

Panatag siyang totoo iyong nangyari sapagkat may kumakatok sa kaniyang isipan na ganoon ding alaala. Pagkatanda niya, nagbiro pa siya sa ulam nilang pinakbet, naglagay siya ng sitaw sa plato ng kapatid niya.

“Kumain ka ng sitaw nang magising ka sa katotohanang mahal niya'y 'di ikaw.”

Hindi alam ni Ricket na natawa siya sa naalala niyang binanggit niyang iyon. Si Luan ang pinagsasabihan niya sa alaalang iyon. Sumunod ding nagbiro ang kanilang ama—si Larry, nagbiro naman ito gamit ang kalabasa. Sumunod niyon, ang ina naman nila ang bumanat gamit ang okra.

Pinunasan niya ang luhang namalisbis sa kaniyang pisngi. Hindi niya namalayan na napaluha pala siya habang inaalala ang tagpo nilang iyon na magkakapamilya.

Isa pa sa dahilan kung bakit tiyak siyang iyon ang kanilang magulang ni Luan noong hindi pa siya nagkaka-amnesia ay dahil din kay Luan. Sa isang linggong pananatili ng kapatid niya mansyon, sa kanilang pagtulog ay naririnig niyang binabanggit ng binata ang mga pangalang iyon. Halos gabi-gabi rin kasi noong nananaginip ang binata. Minsan, nagigising siyang umiiyak si Luan. Inaalo at pinupunasan na lang niya ang basang mukha ng nakababatang kapatid. Magkatabi silang natulog ng kapatid niya noong nasa mansyon pa ito sa malawak niyang kama gawa ng pangungulila nila sa presensya ng isa't isa.

Sa mga hitsura din ng ina at ama nila sa panaginip niya ay katulad na katulad ng nasa wallet ni Luan; family picture nila iyon; siya, si Luan, ang Nanay Mina, at Tatay Larry niya. Naiwan kasi iyon nang binata sa silid niya nang umalis ito. Napasadahan pa niya ng tingin ang mga iyon, nakuhanan pa niya ng letrato bago iyon kinuha ni Adrion sa araw ding iyon. Noong una ay hindi ito matandaan ni Ricket, pero nang dahil sa panaginip niya kanina ay naaalala na niya.

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon