KABANATA 12
PUTING kisame ang bumungad kay Ruan nang maimulat niya ang mga mata. Pulang kurtinang bahagyang nililipad-lipad ng hangin ang nasilayan niya nang ilibot niya ang paningin. Nagising siya nang tumama sa mukha ang sinag ng araw na bahagyang pumapasok sa bintana ng silid niya.
Araw ng linggo, wala siyang pasok sa kumpanya. Maayos naman ang naging tulog niya. Mapalad siya dahil sa hindi na siya madalas dinadalaw ng mga panaginip niyang parang totoong nangyari, pero ang ipinagtataka niya sa mga panaginip na iyon ay kaagad na nabubura ang mga ito sa isip niya; hindi na niya matandaan sa tuwing nagigising na siya, gayong halos gabi-gabi naman ay paulit-ulit lang ang ganoong tagpo sa pagtulog niya.
May mga pagkakataong naaalala niya ang mga ito, ngunit iilan lang at hindi malinaw sa kaniya ang senaryo. Kung pilit niya namang aalahanin iyon ay bigla-bigla na lang ang paggapang ng hapdi sa sentido niya, kaya't hangga't maaari ay iniiwasan niyang pagtuunan iyon ng pansin.
Bumangon siya buhat sa pagkakahiga. Bahagyang uminat-inat bago isinuot ang sandong suot-suot kagabi. Nakasanayan na niyang matulog nang nakahubad, hindi dahil nag-iisa siya sa kuwarto niya kundi mas komportable siya. Sa maalinsangang klima ay mas komportable siyang matulog nang walang saplot na pang-itaas.
Sakto ang pag-alingawngaw ng cell phone niya nang sipatin niya ito; alas nuwebe na ng umaga. Mukhang napasarap ang pagkakatulog niya, sakto sa nai-set niyang alarm sa cell phone niya.
Lumabas siya sa silid, hindi na inabalang gisingin pa si Luan sa silid nito, alam naman niyang nasa masyon na ito at abala na ngayon sa pagtabas ng mga damo sa bakuran ng mga Floresca. Wala na rin ang Nanay Mina at Tatay Larry niya, paniguradong naroon na rin ang mga ito.
Isang linggo na ang nagdaan magmula nang maaksidente si Don Lando. Maayos na ang lagay nito at bumabalik na ang dating lakas. Ilang araw lang ay babalik na muli ito sa kumpanya nila.
Kasalukuyan na siyang nasa hapag-kainan, nag-a-almusal. Nakakailang subo pa lang siya nang may kumatok sa pinto. Sinipat lang niya iyon ng tingin, sa pagkakaalam niya ay hindi naman iyon naka-lock.
Tumayo siya at nagtungo roon nang ito ay kumatok muli. Napapalatak siya nang mabanaag na naka-lock ito. Hinubad niya ang pang-itaas na saplot dahil sa biglaang uminit ang pakiramdam niya, nagsituluan na rin ang mga pawis niya. Isinabit niya sa balikat ang damit.
"Luan ba't mo kasi nila-lo—" Natigilan siya sa pagsasalita nang makilala ang kumakatok. Bigla na lang bumilis ang pagkabog ng dibdib niya. Nakahawak ito ng tupperware na may kalakihan.
Bahagya pa nitong siniyasat ang kabuaan niya, pababa at pataas. Pinagsawa ang mga mata sa pamamasyal ng tingin sa katawan niya. Napalaki ang mata nilang pareho at magkapanabay na napalunok nang magtama ang mga mata nila sa isa't isa.
"Señorita E-Eva?" Tuluyan niyang binuksan ang pinto.
"Hi!" bati ng huli, nahihiya at hindi makatingin nang deretso.
"Ano ginagawa ni'yo r-rito?" Natigalgal siya sa pagsasalita. "Tuloy ka, Señorita!" Nagbigay siya ng daan para makapasok ang dalaga. Tumango naman ito at pumanhik.
"Para saan po ito?" takang-tanong niya nang i-abot nito sa kaniya ang tupperware, may lutong ulam ang naroroon.
"Pasasalamat lang." Nag-iwas muli ito ng tingin nang maghinang ang kanilang paningin. Pinamulahan pa ito ng mukha.
"Pasasalamat saan?" Hindi niya maiwasang magtanong. Animo ay nagsariling iminutawi iyon ng kaniyang big.
"Para... p-para..." Hindi nito maituloy-tuloy ang sasabihin. Waring humahagilap ng angkop na sagot.
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
RomanceMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...