KABANATA 15
KASALUKUYANG naglalakad na ngayon si Ruan pauwi sa kanilang bahay. May nakasilid na ligaya sa dibdib niya habang ang mga labi ay bahagya pang nakakurba. Kahit papaano ay nabawasan ang pag-aalala niya dahil tinugunan na ni Eva ang pagkain.
Sa kabila ng ligayang kaniyang nadadama ay hindi niya maiwasang makadama ng awa at lungkot. Naaawa siya sa mag-ama, lalo na kay Don Lando na pinipilit huwag magpaapekto gayong mababanaag naman iyon sa mga mata nito. Pinipilit nitong magpakatatag para sa natitira pang anak.
Naipaalam na niya sa Don na sinisisi ni Eva ang sarili sa pagkawala ng ina at kapatid. Pero kagaya ng sinabi niya kay Eva, wala rin daw namang may gusto ng nangyari, hindi iyon kasalanan ni Eva. Wala sa isip nilang magaganap ang ganoong mga bagay. Nagpasalamat sa kaniya ang Don, niyakap pa siya nito.
Hindi alam ni Ruan pero nahahabag talaga siya sa tuwing mapapadako ang mata sa mata ng matanda. Mababakas kasi roon ang hindi ipinapakita ng mukha nito, ang ikinukubli nitong nararamdaman. Nang niyakap siya nito, doon bumulwak ang emosyon nito at hindi napigilan ang pag-iyak.
Pumasok na siya sa kanilang tahanan; as usual, tahimik ang bahay. Ang alam lang niya ay si Luan ang taong nasa loob niyon. Naiwan pa sa mansyon ang kanilang ina at ama. Napadaan siya sa silid ng kaniyang kapatid. Bahagya niyang sinilip ang loob nito upang alamin kung naroon nga ba si Luan. Subalit walang tao sa loob ng silid.
Nasaan na nga ba ang kapatid niya? Naalala niyang, nasa mansyon din ito kanina subalit kataka-takang bigla na lang itong naglaho. Sa pag-aakala niya kanina ay umuwi na ito.
Tawag siya namg tawag sa pangalan nito sa pag-aakalang naroroon lang ang lalaki sa ibang parte ng kanilang bahay pero walang Luan ang sumasagot.
Lumabas siya sa kanilang bahay, umalon sa kaba ang kaniyang puso. Baka ulitin na naman kasi nito ang ginawa noon. Noong nakaraang mga linggo—noong tatlong araw pa lang na nakaburol sina Donya Luicana at Rafaela ay naabutan niya ang kaniyang kapatid sa silid nitong nakahawak ng blade; nakatingin ito roon, basa ng likido ang mukha.
Nang bayuhin ng reyalisasyon si Ruan ay dali-dali siyang tumakbo papalapit dito at inagaw sa kamay ni Luan ang blade. Pagkaagaw na pagkaagaw niya ay siya ring pagyakap ng nakababatang-kapatid sa kaniya. Humagulgol ng iyak ang huli sa kaniyang dibdib.
Pumatak din ang luha niya at mahigpit na tinugunan ang kapatid yapos ni Luan. Mabilis ang pagpitik ng kaniyang puso, hindi niya akalaing aabot sa ganito ang lahat.
Labis ang pasasalamat niya dahil simula noong araw na iyon ay hindi na muling ginawa iyon ni Luan. Kung hindi sana siya mas maagang umuwi ng kanilang bahay, kung nagtagal pa siya sa burol ng mga amo ay tiyak na wala na ring buhay ang kapatid niya kung madadatnan niya ito. Humingi na rin ng dispensa ang huli dahil sa pagtatangkang pagkitil ng buhay.
Subalit bawat gabi ay rinig na rinig nito ang pagtangis ng kaniyang kapatid, kaya't madalas na siyang makitulog sa silid nito, upang palakasin ang loob loob, at matiyak ang kalagayan ni Luan; maging komportable ang pakiramdam niyang hindi na muling magtatangkang tapusin ang buhay nito.
Masakit man kay Ruan ang katotohanang wala na si Ella, walang-wala naman iyon sa nararamdamang bigat at hinagpis ng kapatid niya. Mag-ina nito ang nawala. Ang masaklap pa ay hindi alam ng iba na ito ang ama ng ipinagbubuntis ni Ella.
Pinagtakhan ng mga tao, maging ang kanilang mga magulang kung bakit ganoon na lang ang inaasta ni Luan gayong hindi naman ito karelasyon ni Ella. Labis ang paghagulgol nito ng iyak nang dumating ang labi ni Ella sa asyenda. Aalalayan sana niya ito noon para hindi nito matuluan ng luha ang kabaong ni Ella pero naunahan siya ni Don Lando. Labis din ang pagluha ng matanda habang nakapulupot ang bisig sa dibdib at braso ng kapatid niya.
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
RomanceMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...