KABANATA 1
“MA, AYAW ko na ngang manirahan sa Spain!” Dala ng sumisidhing emosyon, hindi namalayan ni Eva ang pagtaas ng tinig niya habang pinakikiusapan ang ina na hindi na siya babalik sa Espanya ngayong nasa Hacienda Velaya na siya na sakop ng probinsya ng Nueva Ecija. Nahamig lang niya ang sarili nang matiim siyang tinitigan ng doña.Palihim siyang umuwi sa bansa dahil tiyak siyang hindi papayag ang pamilya niya kung ipagbibigay alam niya ang pag-uwi niya. Mahigit labing-limang taon din siyang nanirahan sa Spain, ngayong nakatapos na siya sa kolehiyo sa kursong Business Administration ay gusto naman niyang bumalik sa Pilipinas.
“At ano sa tingin mo ang gagawin mo rito?” anas ni Doña Luciana, mahihimigan na rin sa tinig ang inis. Tumalikod ito nang walang makuhang tugon mula sa kaniya, matapos ay marahang pinaypayan ang sarili.
Sa katunayan, hindi niya napaghandaan nang mabuti ang pag-uwi niya at sasabihin sa doña. Hindi siya makapag-isip kung ano ang itutugon niya sa matanda. Biglaan kasi talaga ang pag-uwi niya, matapos maisaayos ang lahat ng papeles ay nag-book na siya ng flight pauwi ng bansa. Bukod sa nangungulila siya sa pakiramdam na hatid ng asyenda at kagustuhang makita ang nakakatandang kapatid niyang si Ella, may sumusungaw rin sa puso niya na pangunahing nagtulak sa kaniya para umuwi ng asyenda.
“Magpabuntis?” Mas lalo siyang hindi nakahuma sa narinig na sinabi ng doña. Those words pierced her heart as her gaze swiftly dived onto Ella. Nakita niya ang pagyuko nito habang nakaupo sa victorian sofa sa living room na kinaroroonan nila.
“Magpapabuntis ka rin kagaya ng ate mo? Bibigyan na naman ninyo ako ng kahihiyan? Ipapahiya na naman ninyo ako sa mga amiga ko dahil iiwanan kayo ng mga lalaking nakadali sa inyo?”
Hindi malaman ni Eva kung ano ang magiging reaksyon niya sa tinuran ng matanda. Nasaktan ang damdamin niya, pero tiyak siyang wala iyon sa nararamdaman ni Ella.
“Ma, Ma, tama na 'yan,” pananaway ng ama nilang si Don Lando sa asawang animo ay walang pakiramdam.
“'Wag kang makialam dito, Rolando!” sikmat ni Luciana, iwinakli ang palad ng asawa na nakahawak sa kamay nito.
“Hindi, Ma. Tutulong ako sa pagma-manage ng kumpanya at ng asyenda,” katuwiran ni Eva nang makaapuhap ng maisasagot at makabawi sa pagkapatda. In sooth, wala siyang interes sa kumpanya. Sinabi lang niya iyon dahil alam niyang sasapat ang dahilang iyon para tumigil ang matandang babae. Hindi naman nakaimik pa ang doña at inirapan na lang siya bago lumisan sa kanilang harapan. Umakyat ang matanda sa mahabang hagdan at pumanhik sa isang silid.
“S-sorry, ate.” Nilapitan niya si Ella at ikinulong ito sa kaniyang mga bisig. Si Ella ay nabuntis ng dati nitong kasintahan ngunit nang malaman iyon ng lalaki ay tinakasan at iniwan nito ang responsibilidad.
Lagi itong pinagmamalaki noon ng kanilang ina dahil sa ito ang palaging nangunguna sa klase at buong batch nito. Ngunit sa huling taon nito sa kolehiyo, labis na lang ang panghihinayang ng matanda nang mabalitaang ito ay nagdadalang-tao at palihim na tumigil sa pag-aaral.
Naunang nakapagtapos ng pag-aaral si Eva sa isang paaralan sa Spain, pinag-shift kasi ng matandang babae si Ella. Mula sa Agricultural Engineering na course nito, pinalipat ito sa kursong may kinalaman sa pagmamaniobra ng negosyo o kumpanya.
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
RomanceMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...