KABANATA LVIII

41 3 0
                                    

KABANATA 58

ANG TUNOG ng paglapag ng base ng wine glass sa wood table at pagpagaspas ng dahon ng mga kalapit na puno ang maririnig sa porche delantero ng Casa Oeste sa Hacienda Rosalia ni Ricky sa Bacnotan, La Union. Isa itong farmstay na karaniwang ginagamit para sa educational purposes, recreational, at social activities sa farm na nagtatampok sa mga agricultural practices.

Isinunod niya sa pangalan ng yumao niyang asawang si Rosalia Monteverde ang asyenda nang legal niyang mabili ang lugar. Ilang kilometro lang ang layo nito sa mansyon ng kapatid niya sa Hacienda Estrella sa San Gabriel, La Union.

Maraming misteryo at pinagdaanan ang asyenda na konektado kay Rosalia bago niya ito tuluyang mabili at maisalba. Kung kaya't ganoon na lang ang sintemyento ng lugar sa kaniya. Pinilit niya itong ibinangon alang-alang sa hiling ni Rosalia sa kaniya bago ito pumanaw.

Umakyat si Ricky sa view deck ng Casa Oeste. Nagsindi siya ng sigarilyo at tumayo malapit sa barandilya. Hindi masukat ang layo ng kaniyang tingin sa karimlan habang ang isip ay inaalipin ng nakaraan.

Kamakailan lang ay nalaman niyang bumalik na ang alaala ng pamangkin niya; ang inosenteng pamangkin niyang nagawan niya ng kasalanan, si Ricket. Ang huling balita niya ay kasalukuyang nasa Hacienda Velaya sa Nueva Ecija ang buong pamilya ng Chang, kabilang na ang dalawa niyang anak na si West at Wynter.

Hindi maitatanggi ni Ricky sa sarili na kinakabahan siya sa susunod na mangyayari. Ang buong akala niya ay tuluyan na niyang maibabaon sa limot ang lahat ng maling nagawa niya. Ayaw na niya iyong isipin, ayaw na niya iyong balikan, pero walang kasalanan ang hindi pinagbabayaran.

Labis-labis ang pagsisisi niya sa nagawa niya sa pamilya nila. Kung nabubuhay lang si Rosalia, tiyak na kamumuhian na siya nito kapag nalaman nito ang mga katampalasang nagawa niya. Lalong-lalo na kapag nalaman nito na kinamumuhian na rin siya ng kanilang mga anak.

Sinalubong ng mukha niya ang hangin na patungo sa gawi niya. Nilipad nito ang mga butil ng luhang kumawala sa kaniyang mga mata. Nagsisisi na siya. Gusto niyang humingi ng tawad sa pamilya niya, pero malaki ang bahagi sa puso niya ang nangangamba. Nangangamba siyang baka hindi siya patawarin ng mga ito pagkatapos ng hindi mabilang na pagtataksil niya sa mga ito. Aminado siyang walang kapatawaran ang lahat ng iyon kung palalawigin niya ang isipan niya. Alam niya sa sarili na dapat niyang harapin ang kahihinatnan ng kaniyang kapalaluan at kasalaulaan, pero hindi siya handa para harapin ang mga iyon; hindi siya handang mapalayo muli sa asawa niya.

Nitong mga nakaraang taon, magmula nang mabili niya ang Hacienda Rosalia at manahan doon, sunod-sunod siyang ginunita ng asawa sa panaginip niya na siyang gumising at bumukas sa natutulog at saradong diwa niya. Sa pananahan niya sa lugar, pakiramdam niya ay hindi siya tinatantanan ng presensya ng asawa hanggang sa dinaluhong siya ng reyalisasyon at inusig ng konsensya niya. Lalo pa nang mayroon siyang nalamang taliwas sa paniniwala niya sa magulang.

"H-how could I do all of these to my family?" Nanghina ang mga tuhod niya mitsa para mapakapit siya sa barandilya, kapanabay niyon ang pagsidhi ng luhang tumatakas sa kaniyang mga mata. Umawang ang kaniyang mga labi at hindi nasawata ang paglabas ng lahaw niya sa bigat at sakit ng nararamdaman niya. Bawat luhang kumakawala ay tila hinahalilian ng palasong sunod-sunod na tumatama sa kaniya.

May parte sa kaniya na hindi naniniwalang nagawa niya ang lahat ng iyon sa sarili niyang pamilya, pero ang kasalukuyang relasyong ipinapakita sa kaniya ng pamilya ay nagpapatunay na nagawan talaga niya ang mga ito ng mabigat na kasalanan.

Patuloy sa pag-agos ang mga luha niya, pabigat nang pabigat ang dibdib niya, at halos lumupaypay na ang tuhod niya. Napaluhod siya nang kusang sumuko ang kamay niyang nakakapit sa barandilya.

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon