KABANATA 40
"MALAPIT na pala ang birthday ng kambal. Mag-se-celebrate ba tayo?" Habang naglalakad pabalik sa bahay-hacienda, hindi maiwasan ni Eva na tanungin iyon kay Luan.
Magkakasabay silang naglalakad nina Linyi na hawak-hawak ang eco bag na pinaglagyan niya ng mga tupperware kanina, pinagitnaan nila si Luan na buhat-buhat si Rowann na nakasubsob sa leeg nito; sinusulit ang presensya ng Tito nila. Natitiyak kasi nilang nakatulog na ang mga bata 'pag bumalik ito sa asyenda mula sa operasyon ng mga ito kontra sa droga. Tiyak din siyang magtutungo uli ito ng La Union ilang araw pagkatapos ng araw na iyon. Si Rohann naman ay nasa kaniya, walang imik na nakayukyok sa balikat niya.
Kanina pa niya iyon gustong pakawalan sa bibig, humahanap lang siya ng wastong tiyempo. Napatulos naman si Luan, dahilan para tumigil din sila sa paglalakad.
"O-oo naman, bakit hindi?" Tumango at ngumiti na lang si Eva, sagisag ng pagsang-ayon niya. Hindi na binanggit ang dahilan ng pagtanong niya rito. "Kung nandito si tatay, sigurado akong iyon din ang gusto niya."
Ayaw sana niyang mabanggit ang nangyari; isang araw matapos ang selebrasyon sa kaarawan ng kambal sa mansyon ng lolo ng mga ito sa ama sa La Union, pero binanggit din ng huli. Gusto niyang bigyan ng halaga ang mararamdaman ni Luan sa pagtatanong niyang iyon; parang hindi kasi magandang isiping nagsasaya sila sa kaaarawan ng kambal habang ito ay nagluluksa sa pagkawala ni Mang Larry.
Nagpatuloy sila sa paglalakad. Gumagapang ang pagkabilib sa dibdib niya, hindi niya alam kung saan kumuha ng lakas si Luan para tanggapin ang mga kaganapan. Una, maglilimang taon na ang nakalilipas, nawala si Ella at ang sana ay magiging anak ng mga ito. Sumunod naman doon, mag-aapat na taon na rin ang nagdaan, namatay naman si Aling Mina, kasabay rin niyon ang paglayo ng tadhana sa kapatid nito sa piling nito. At ang panghuli, mag-iisang taon pa lang ang nakalilipas, namatay naman si Mang Larry dahil sa isang aksidente. Nawala rito ang lahat ng minamahal nito. Nakakaramdam siya ng awa, pero mas namamayani ang paghanga niya rito. Kung sa kaniya siguro nangyari iyon, baka sumunod na rin siya sa mga ito.
Malaki ang naging pasasalamat niya kay Aling Mina. Kung hindi dahil dito; sa ginawa nito noon, tiyak na matagal na rin sila ni Ruan na burado sa mundo.
TAHIMIK na iginiya ni Mina ang sarili sa terasa ng bahay-hacienda. Hawak-hawak niya ang magazines na ipinapakuha ng Don. Nakita niya roon si Don Lando na tahimik na nakatingin sa tanawing ibinubuyangyang ng asyenda. Nakatayo ito at nakakapit sa barandilya ng terasa.
Lihim niyang iginala ang mga mata sa paligid. Wala na roon ang Señorita. Nakita niya mula sa ibaba ng bahay-hacienda na naroroon ang dalawa kanina at tila masinsinan ang pag-uusap ng mga ito. Bilang mayordoma, kabisado niya ang pasikot-sikot sa bahay-hacienda, kaya naman nang makita ang dalawa kaagad siyang nagtungo sa isang silid na tambakan ng mga gamit sa loob ng bahay-hacienda. Hindi siya nagkamali sa kutob niyang may kinalaman ang pag-uusap ng dalawa sa pamilya nila; lalong-lalo na sa anak niyang si Ruan. Malakas ang sapantaha niyang nagkakaroon na naman ng hinala ang Don sa pagkakakilanlan ng anak niya. Narinig niya ang lahat ng pinag-usapan ng mga ito.
"Magandang umaga, Don Lando. 'Eto po ang magazine na ipinapakuha ninyo," binati niya ito nang maagaw nito ang pansin nito, pagkuwa'y iniumang dito ang magazine na hawak.
"Salamat, Mina!" anito at kinuha ang magazine. Inalalayan ni Mina ang matanda at palihim na kinuha ang maliit na micro chip na palihim niyang inilagay rito bago pa mag-usap ang mag-ama. Kampante siyang hindi iyon napansin ng Don o ni Eva dahil ina-adopt naman ng equipment na 'yon ang kulay ng pagdidikitan nito. Hiniram niya iyon sa kaibigan niyang detective nitong nakaraang araw. Napapansin niya kasi ang kakaibang kilos ng dalawa, lalong-lalo na ang Don. At hindi nga siya nagkamali, alam na nga ng mga ito ang lahat. Hindi na niya mapipigilan pa ang nalalapit na pagkabasa ng papel; ang nalalapit na pagsabog ng katotohanan.
BINABASA MO ANG
HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)
RomanceMagmula nang magkaisip si Ruan, nangako siya sa sarili na balang-araw ay pakakasal siya sa natatanawang batang-babaeng nakadungaw sa durungawan ng bahay-hacienda sa Hacienda Velaya. Little did he know, they both shared the same sentiment; she was al...