KABANATA XXXIV

115 18 4
                                    

KABANATA 34

HINDI maipaliwanag ni Ricket ang nararamdaman nang patakbo at sabik siyang niyakap ni Luan. Magkahalong kasabikan, kagalakan, at pangamba ang emosyong umaalon sa kaniyang dibdib. Kasabikan at kagalakan nang makita at mayapos muli ang kapatid. Pangamba, may bahagi sa puso niyang nangangamba na baka maapektuhan na naman ang kalusugan niya sa pagtuklas ng isa sa mahalagang piraso ng nakaraan niya.

Walang mapagsidlan ang tuwa sa puso niya. Kusang namalisbis ang kaniyang mga luha—luha ng kasiyahan—nang tugunin niya ang mahigpit at nananabik na yakap ni Luan. Umiiyak din ang lalaki, halos mawalan na nga ng balanse si Ricket sa pagyakap nito sa kaniya, napapaatras at sinasalo na lamang niya ang kapatid.

Nagtungo si Luan sa mansyon nila sa La Union nang pumayag ang Daddy Ricarte niya na magkita silang magkapatid. Mga alas sais y media pa lamang nang sandaling 'yon, ang usapan ay tanghali ito makakarating sa bahay nila, pero sa matagal nilang hindi pagkikita, marahil sa sobrang sabik ay hindi makapaghintay si Luan at bumyahe na ito kaagad mula Nueva Ecija hanggang sa San Gabriel, La Union. Halos kapipikit nga lamang niya pagkatapos ng pag-uusap nila ni Adrion sa balcony, ginising na naman siya ng pinsan dahil nasa mansyon na raw si Luan.

Sa sabik, kaagad din siyang tumalima at bumaba sa living room. Hindi na ininda ang kasalukuyan niyang bungang-tulog na isa rin sa mahalagang piraso ng nakaraan niya. Nakalimutan niya kasi kaagad ang ilang bahagi nito. Ang natatandaan lamang niya, may kasama siyang babae, umuulan iyon at magkahinang ang kanilang katawan sa gitna ng kalsada, nakatitig sa mga mata ng isa't isa. May bahagi sa kaniyang baka normal o kaswal lang na panaginip ang napanaginipan niya, pero may kung anong bumubulong sa kaniya na baka bahagi rin ito ng dati niyang buhay. Ang pinagtatakhan pa niya, nakalimutan niya kaagad ang hitsura ng babae. Sa tuwing aalahanin niya ito, malabo na lamang ang kaniyang nakikita. Hanggang doon lamang ang naaalala niya, naagaw ng pagdating ng kapatid ang kaniyang atensyon.

Hindi niya alam pero may kung anong bahagi sa puso niya ang napunan na lamang sa isang iglap. Ginugunita siya ng salamisim nilang magkapatid. Bagaman, hindi tinuon ni Ricket ang atensyon doon, mas namamayani sa puso niya ang pangungulila sa bisig ng kapatid.

“Ang tagal k-kong naghintay sa s-sandaling 'to, K-Kuya ko,” ani Luan sa pagitan ng paghagulgol, halos hindi na maunawaan ang tinuran nito. Hindi ito magkandamayaw sa pagyakap sa kaniya. Ramdam na ramdam ni Ricket ang pangungulila ni Luan sa kaniya.

“Narito na ako, Luan. Hindi na kita muling iiwan.” Lalong bumuhos ang luha ni Ricket nang mapagtantong kusang lumabas sa bibig niya ang mga katagang iyon. Wala siyang ideya kung paano, basta kusa na lamang iyong lumabas sa kaniyang bibig, dala marahil ng labis na pangungulila rin niya sa bisig ni Luan. Naramdaman niya ang pagpulupot ng isa pang bisig sa kanilang magkapatid.

“K-Kuya Ali,” usal ni Luan, dinaluhong din ng yapos ang binata. Umiiyak din si Adrion. Nag-iyakan at yakapan silang tatlo, hindi na niya inintindi pa ang narinig. Ang mahalaga sa kaniya, kasama na niya ang kapatid niya, kasama na niya si Luan.

***

KAHIT naka-jacket si Wade ay dama niya ang pagdampi ng malamig na hangin sa kaniyang katawan. Matuling binabagtas niya ang daan patungo sa sementeryo gamit ang kaniyang motor. Apat at kalahating taon na rin ang nakalilipas magmula nang mamatay ang kaniyang ama. May bahagi pa rin sa kaibuturan niya ang hindi tanggap na pagkawala nito. Bagaman, sa tulong ng pamilyang kumupkop sa kaniya—ang pamilya Chang—panaka-naka ring naghihilom ang sugat sa kaniyang puso.

Hindi niya masawatang sisihin ang sarili sa insidente, wala kasi siyang nagawa noon kundi panoorin ang amang pinagbabaril ng taong maitim ang budhi—si Ricky, ang kapatid ng taong umampon sa kaniya nang wala siyang matakbuhan at karamay sa pagdadalamhati. Magkadugo man ang mga ito, ramdam ni Wade ang busilak na puso at pagmamalasakit sa kaniya ng Daddy Ricarte niya. Iba ito kay Ricky, labas ito sa ginawa ng damuho at adik nitong kapatid.

Ang Daddy Ricarte niya ang nagbigay ng maayos na libingan kay Walter—ang Papa niya, ang dating detective na kinuha noon ni Ricarte sa paghahanap kay Ricket. Bukod sa pag-aayos ng libingan ng ama, pinatira siya nito sa mansyon nito para maprotektahan sa malupit nitong kapatid. Hindi naglaon, nang maglagasan ang mga pahina ng talaarawan, masinsinan siyang kinausap ni Ricarte; hiniling at gusto ng lalaki na ipasa rito ang kustudiya o gawing legal ang pananatili niya sa puder nito—nais siyang ampunin ni Ricarte.

Noong una ay nag-uulik-ulik pa siyang tanggapin ang hiling nito, hindi naman niya maikakaila na gusto niya ang nais ni Ricarte, nahihiya na kasi siya sa pamilya nito. Maliban kasi sa pagpapatira sa mansyon nito para proteksyunan siya sa kapatid nito, pagbibigay ng maayos na libing kay Walter ay tinanggap na rin niya ang unang offer nito na paaralin siya sa U.S.. Dahil nga sa kabutihan ng sariling pamilya ni Ricarte, ang mga agam-agam sa dibdib niya ay naglaho at unti-unti ay nakita na niya ang sariling napamahal na rin sa mga ito.

Hindi nga siya nagkamali nang tanggapin niya ang hiling ng lalaki, mas lalo pa siyang minahal ng pamilya nito. In sooth, hindi pinaramdam ng mga ito na iba siya, na ampon lang siya, bagkus ay itinuring siya ng mga ito na tunay na kadugo. Bagaman tinanggap, hiniling niyang mananatili ang huling pangalan niya sa kaniyang buong pangalan; mananatiling ‘Velayo’ ang kaniyang apelyido na hindi naman minasama ng mga Chang.

Nang makarating siya sa sementeryo at puntod ng ama, hindi niya napigilan ang pagtakas ng likido sa kaniyang mga mata. Buhay na buhay pa rin sa alaala niya ang salamisim nilang dalawa. Magmula nang mamatay ang kaniyang ina dahil sa sakit na cancer,  noong limang taong gulang pa lang siya, ang ama na niya ang kinamulatan at nakakasama niya. Ito ang nagtaguyod sa kaniya, nagpalaki nang tama, nagturo sa pagkakaiba ng mga nararapat at hindi nararapat gawin, tumayong ama at ina sa kaniya. Hindi na pagtatakhan kung bakit hanggang ngayon ay nangungulila pa rin siya sa kalinga ni Walter.

Inilapag niya ang ramilyete sa ibabaw ng puntod at sinindihan ang mga kandila at umupo sa tabi nito.

“Pa, kumusta ka na riyan?” aniya, nakatunghay sa maaliwalas at bughaw na langit. Ipinahayag niya rito ang pamamanglaw at pangungulila sa lalaki.

“Hindi ko maintindihan ang sarili ko, P-Pa.” Pumiyok siya sa dulo ng sinabi niyang iyon, kapanabay niyon ang namalisbis na luha sa kaniyang pisngi. “Hindi nagkulang ang pamilyang kumupkop sa akin, pero bakit parang pakiramdam ko ay may kulang pa rin sa pagkatao ko?” Pinunasan niya ang mga luha at bahagyang yumuko.

“Binigyan ako ng magandang buhay ng mga Chang, tinulungang makapagtapos sa pag-aaral ko, may sarili akong trabaho, natupad ko na nga ang pangarap kong makapagpatayo ng sarili kong clothing line, pero bakit pakiramdam ko ay may malaking espasyo pa rin sa puso ko ang may hinahanap?” Hindi siya nagwagi sa pakikibaka sa kaniyang emosyon; hindi niya masawata ang sariling mapahagulgol sa iyak. Mas lalong bumuhos ang kaniyang mga luha at niyakap ang mga binti.

PABALIK na sana sa mansyon si Wade, ngunit napatulos siya dahil nang marinig niyang may tumawag sa pangalan niya at may humawak sa balikat niya. Lumipad ang tingin niya sa palad na iyon bago tiningnan sa mukha ang may-ari niyon, si West.

“B-Bakit?” takang-tanong niya, hindi niya mabasa ang ipinapakahulugan ng mata ng binata, naka-shades kasi ito. Hindi niya alam pero naramdaman niya ang bahagya nitong pagpisil sa kaniyang balikat bago nito iyon pinakawalan.

“P'wede ba akong sumabay sa 'yo pauwi?”

Wala sa hinagap ni Wade na darating ang araw na kauusapin siya nito. May hinuha kasi siyang galit ang binata sa kaniya—alam naman niyang may galit ito sa sarili nitong ama, pero sa mga aksyon kasi ni West sa mansyon ay nagpapahiwatig na ayaw nito sa kaniya. Kahit nga lang ang paglapit sa kaniya ng kambal nitong babae, si Wynter, ay ikinagagalit din ng binata.

“Wade?” Ibinaba ni West nang bahagya ang shades nito saka bahagya ring yumuko. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng pagkailang nang maghinang ang magkaibang kulay nilang mga mata. Alam niya sa sariling wala siyang galit sa binata, kahit pa pinapaalala ng hitsura nito ang nakaraan—kawangis kasi nang lubos ni West si Ricky. As if there was something in his pistachio-green eyes he could not comprehend.

“Okay ka lang ba?” Bumalik ang tingin niya rito nang idinampi nito ang palad sa kaniyang noo. “Ang init mo, nilalagnat ka?” Kapanabay ng pagkakasabi niyon ni West ay ang hindi mawaring paghina ng tuhod at paglabo ng paningin ni Wade. Muntikan siyang natumba sa kinatatayuan, mabuti na lamang at mabilis reflexes ni West at nasalo siya nito kaagad. Bagaman, sa pagitan ng hidwaan ng kalinawan at kalabuan ng paningin niya, klaro niyang nakita ang matuling paghalili ng pag-alala sa kadalasang malamig na emosyong naka-imprinta sa mukha ni West.

“W-Wade, gising. Ayos ka lang ba? Wade, Mon Moitié!” Bago siya tuluyang nilukob ng kadiliman, narinig pa niya ang mga winika ni West.

NANG magising si Wade, ang kisame ang unang bumungad sa kaniyang mga mata. Mula roon, marahang ibinaling niya ang tingin sa kaniyang palad nang maramdamang may nakahawak doon. Si West ang nalingunan niyang nakayukong natutulog sa gilid niya sa hospital bed at nakasalikop ang palad nito sa palad niya.

Hindi pa man lubos na bumabalik ang huwisyo niya at hindi alam kung paano siya napunta roon, inunahan na siya ng utak niyang hangaan ang hitsura ni West habang natutulog.

Guwapo, ang unang sumilid sa isip niya matapos masuri nang ilang sandali ang pigura ng binata. Ngayon lamang din niya napansin ang mahahaba nitong mga pilik-mata,

Hindi namalayan ni Wade na panaka-naka na palang umaangat ang kanang kamay niya patungo sa buhok ni West. Napabalik lamang siya sa ulirat at ibinalik ang kamay sa kinalalagyan niyon kanina nang nagpakawala ng malalim na hininga si West at bahagyang gumalaw, senyales na gising na ang binata.

Sa kawalan ng ideya kung ano ang gagawin, muli na lamang siyang pumikit at nagpanggap na tulog pa. Naramdaman niya ang pagtayo ng binata, waring nakatanaw rin ito sa hitsura niya—marahil sinusuri nito kung mayroon na ba siyang malay-tao. Hinimas nito ang kaniyang buhok. Walang ideya si Wade kung ilang segundo ba ang tinagal niyon. Hindi niya alam ngunit parang may nagsasabing isang bahagi sa sistema niya na gusto niya ang ginagawa nito; masarap sa pakiramdam ang paghimas nitong iyon. Naramdaman pa niya ang marahang pag-angat ng kaniyang kaliwang kamay.

“S'il te plaît, réveille-toi, Mon Moitié.” Kapanabay ng wikang Pranses na binigkas ni West na hindi niya lubos naunawaan ay ang pagdapyo ng hangin at pagdampi ng isang basang bagay sa likuran ng palad niya. Please, wake up, Mon Moitié.

He is not assuming, pero hinalikan ba nito ang likod ng palad niya? Labi ba nito iyon?

Natiyak lamang niya ang sapantaha nang maramdaman niya uli ang pagdampi niyon—pero sa pagkakataong 'yon, sa noo na siya nito kinintalan ng halik.

“I don't like this anymore, Mon Moitié. Hindi ko na kaya pang tiisin ang ganito nating tagpo.”

Muli siya nitong hinalikan sa noo, matagal, para bang nais nitong ipakahulugan ang mga tinuran. Hindi naman niya maintindihan ang nararamdaman, dapat ba niya itong pigilan? Dapat ba niya itong itulak? Ngunit kung magmumulat siya ng mata at ipaalam sa binata na gising siya, ano na lang ang mukhang ihaharap niya rito?

Sa pananahan niya sa mansyon ng mga Chang, ngayon lang sila nagkalapit nang ganito ni West; ngayon lamang siya nito nilapitan, ngayon lamang siya nito kinausap at hinawakan. Awkward na nga ang sitwasyon nila, mas magiging awkward pa kapag nagmulat siya ng mata. Magkagayon, sa pagitan ng pakikibaka niya sa isip, may isang parte niyon ang nagsasabing gusto niya ang paghalik sa kaniya ni West.

“K-Kuya?”

HACIENDA VELAYA 1: REKINDLING ROMANCE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon