Prologue

1.3K 40 9
                                    

When You Disappeared at Midnight

"Gusto ko na lang lunurin ang sarili ko sa paraan ng pagkanta niya ngayong hating gabi, pero umaasa ako na isang araw, masilayan ko siya, sa umaga, kumakanta, sa harapan ko habang nakatitig sa akin. Ayaw ko ng ganito. Hindi sapat na ganito lang." - Erin

-

Prologue

Erin

Hinubad ko ang suot kong heels upang mas bumilis pa ang aking pagtakbo at mapadali. Itinapon ko na lang 'yon sa kung saan. Ramdam na ramdam ko ang paghampas ng malamig ng simoy ng hangin. Alas-dose na ng gabi at tanging mga ilaw sa poste ang nagbibigay ng liwanag sa daang tinatahak ko.

Ang bilis ng pintig ng puso ko, aakalaing kaunti na lang ay malapit na itong lumabas dahil sa kumakalat na kaba sa katawan ko. Ramdam ko rin ang malagkit na tubig na dumadaloy sa mukha ko dahil sa pag-iisa ng pawis at luha sa makeup ko. Sigurado na akong napakadugyot na ng hitsura ko pero hindi ko na 'to pagtutunan pa ng pansin. Wala na akong pakialam kung anong hitsura ko.

Hindi ko magawang maipasok sa utak ko ang nabalitaan ko. Hindi ko malaman ang gagawin ko, kun'di ang tumakbo lang pauwi.

Kahit pagod na at kinakapos na ako sa hininga, hindi pa rin ako nagpapatinag upang hindi tumigil sa pagtakbo. Nakararamdam na ako ng sakit sa talampakan ko, mukhang puro sugat na ito dahil nakapaa lang ako. Dagdag na rin ang bigat ng suot ko sapagkat naka-gown ako. Akala ko, sasaya ang gabi ko buhat sa mga nalaman ko ngunit hindi ko inaasahang may mangyayaring hindi maganda.

"Erin, 'yong bahay mo, nasusunog!" nag-aalalang sigaw ni Aling Desa nang makita niya ako. Nakalagay sa mukha niya ang kaba at alarma.

Hindi ko siya pinansin.

Malapit na 'ko.

Nang pagliko ko sa huling kanto, malayo-layo pa lang, unti-unting nanglumo at nagsimulang manginig ang buong katawan ko nang kitang-kita ko na agad ang sunog. Kung paano lamunin nito ang bahay na tinitirhan ko. Malaki na ang sunog at parang wala na akong kahit na anong bagay pa ang maaaring maisalba sa loob nito. Paano ba nangyari ito?

Sa bawat pagtakbo ko, siyang pagpatak ng luha ko. Nanghihina ako na para bang hindi ko na kayang igalaw ang mga paa ko.

Sumisikip ang dibdib ko.

Mas binilisan ko pa ang pagtakbo kahit kinakain na ako ng sarili kong emosyon. Humahagulgol na ako ngayon.

Pulang-pula ang kalsada. Pansin ko ang mga maiingay na tunog ng iba pang bomberong nagsisidatingan pa lang upang malusaw ang apoy, pati na rin ang mga kapit-bahay ko na may dala-dalang malalaking timba at sinusubukang maapula pa ito. Nagtutulungan silang huwag itong kumalat. Nagkakagulo na ang mga residente. Imbes na tahimik ang gabi at mahimbing na silang natutulog, nagigimbal sila ngayon.

Paulit-ulit akong nagdadasal na kahit huli na ako sa pagdating, kahit wala na akong bagay na maaaring mailigtas, sana buhay pa siya. Ang materyal na bagay, naiibalik pa pero siya, hindi na. Sana hindi siya mawala. Sana hindi siya maglaho. Sana maramdaman ko pa siya. Sana umalis na siya bago nangyari ang trahedya.

Nang medyo makalapit na ako sa nasusunog kong bahay, nawalan na ako ng balanse at tuluyan na akong bumagsak sa lupa. Pagod na ang katawan ko dahil sa pagtakbo. Pinagod din ako ng emosyon ko. Sinubukan kong tumayo mag-isa, tumigil ako at sinaksihan ito. Dinudurog nito ang damdamin ko.

Tuluyan na akong nanglumo at parang tumakas ang natitirang lakas sa katawan ko. Hindi ko sukat akalaing nangyayari ito ngayon. 'Yong bahay na kung saan ko siya palagi nararamdaman, 'yong bahay na saksi kung paano niya ako napapasaya, inuubos na ng apoy ngayon. Sana hindi dito matatapos ang lahat na lang sa amin. Kulang ang gabing pagsasama namin. Hindi ko pa siya tapos natutulungan.

Gusto kong pumikit at pinilit gisingin ang sarili kung sakaling panaginip ang lahat ng nangyayari. Pero sa pagpikit ko, dinig ko pa rin ang sigawan ng mga tao at ang bahay na nasusunog.

Walang nangyayari. Totoo 'to.

"'Ayan na si Erin! Apo!" tawag sa akin ni Lola Racel. Napadilat ako. Ang kaniyang mukha ay hindi maintindihan sa pag-aalala. Punong-puno ng takot habang may hawak na isang basong tubig. "Bakit nasusunog ang bahay mo? May naiwan ka bang nakasaksak o ano? Chine-check mo ba nang mabuti bago ka umalis?" Para siyang aatakihin sa puso at mahihimatay. Nakaalalay naman sa kaniya ang ilan naming kapit-bahay.

Hindi pa dumadating si Elmo.

Napalunok ako ng laway at hindi siya pinansin.

Napayuko ako ng ulo. Hindi ko kayang tumayo at manood lang, walang ginagawa.

Walang pag-aatubiling inagaw ko ang dalawang timbang tubig ng dala ng dalawang lalaking dumaan sa harapan ko at ibinuhos sa buong katawan ko. Nagtaka sila sa ginawa ko. May nagtutulak sa akin para gawin ito.

Nilakasan ko ang loob ko, maging ang mga tuhod kong nanghihina. Kanina pang sumisipa ang kirot.

"Apo! Saan ka pupunta?! Delikado! Baka hindi ka na makalabas!" naghihisterikong sigaw ni Lola Racel pero hindi ko siya pinakinggan.

"Ineng! Dito ka lang! Malaki ang apoy at ang laki ng suot mo, bawal kang pumasok!"

Nagsisigawan na rin ang mga bombero at mga taong nakapansin sa akin pero hindi ko sila hinayaang pigilan ako. 'Di bale nang masaktan at masugatan, kailangan ko siyang mahanap. Sana ligtas siya. Hahabulin pa sana ako ng mga bombero pero agad ko nang pinasok ang bahay. Mabuti na lang hindi lock ang pinto.

Sumalubong sa akin ang mainit na hangin. Kapapasok ko pa lamang, ramdam kong dumidikit na agad sa ang aking manipis na balat ang init pero hindi ako nagpapatinag. Niyakap ko ang suot kong gown para hindi ito madapuan ng apoy ngunit hindi pa rin maiwasan, kaya pinapagpagan ko na lang hangga't maaari. Puno na rin ng usok ang buong paligid kaya sobrang hirap para huminga, parang ikinukulong ang dibdib ko. Ang sakit din sa mga mata ng usok.

"Mando!" nanghihinang tawag ko sa pangalan niya. Ubo ako nang ubo. Numinipis ang aking hininga, napapalitan ng usok ang hangin ko sa katawan.

Nakikita ko ang mga gamit ko na kinakain ng apoy.

Nang hindi ko siya mahanap sa unang palapag, nagtungo agad ako sa pangalawa. Wala pa rin akong bomberong nakakasalubong na humahanap sa akin. Muli kong tinawag ang pangalan niya pero bigo ulit akong nakatanggap ng tugon. Sobrang nag-iingat ako sa bawat galaw ko. Nakakatakot ang paligid. Parang idadamay rin ako ng apoy sa pagkain ng bahay. Ngayon ko lang naranasan ang trahediyang 'to sa buong buhay ko, para akong iihawin at nasa malaking hurno.

"Erin?"

Paglingon ko sa kanang bahagi ko ay natagpuan ko ang isang lalaking nakasampa na ang mga paa sa bintana at handa nang tumalon. Napahinto ako, huminto rin ang paligid ko. Napaawang ako ng bibig.

Unang beses.

Nabitawan ko ang pagkakayakap ko sa gown. "Anong ginagawa mo?! Pumikit ka!"

-------

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon