37. Ikaw ang Hating-Gabi ko

299 14 1
                                    

Chapter 37: Ikaw ang Hating-Gabi ko

Erin

"Bakit?" normal na boses niyang tugon.

Hindi ako makapagsalita.

"Bakit mo ako tawag?"

"'Yong kamay mo . . . nakita ko."

Ramdam ko ang likod niyang biglang gumalaw nang maiproseso sa utak ang aking sinabi.

Mukhang sinuri niya nang maigi ang tinutukoy ko. Kagaya ko, hindi na rin siya nakapagsalita pa. Lumitaw ang ingay ng kuliglig sa puno kung kaya't sinamantala ko nang magdasal nang paulit-ulit na hindi ito 'yong oras na mangyayari ang kinatatakutan ko para sa kaniya.

Ilan segundo siyang hindi nagsalita na napagbigat pa lalo ng kaba sa akin.

"Huy."

Hindi pa siya sumagot ngunit sa pangalawa kong pagtawag, doon na siya gumalaw.

Nagtaka ako nang marinig ko siyang natawa. "Akala ko kung ano na." Muli niyang ipinahinga ang likod niya sa likuran ko at ewan ko pero kalmado siya. Parang wala lang sa kaniya 'yon.

Napadilat ako at kumunot. "Bakit ka natatawa? Seryoso ako rito." Hindi ko maintindihan kung paano niya pang nagawang tumawa. Huminto rin naman siya agad.

"Wala naman nangyari sa akin. Okay lang ako."

"Pero nakita ko nga kamay mo."

"Ipagpasalamat mo na lang na ayos ako."

Okay.

Tumingala ako.

Mariin akong pumikit.

Lumanghap ako ng sariwang hangin upang maaliwasan ang katawan ko at alam kong naramdaman niya 'yon dahil sa magkadikit naming likuran. Pinili kong hindi na lang ulit magsalita. Inutusan ko ang utak ko na 'wag mag-isip ng kung anu-ano dahil mukhang nagsasabi siya ng totoo. Sa pagbuga ko ng hangin, isinama ko na rin ang kaba ko upang kumalma.

Mabuti naman.

Inayos ko ang buhok ko dahil wala nang nagtangkang magsalita pa sa amin. Pinagpawisan ako dahil sa kaba. Kinuha ko ang lahat ng hibla ng buhok kong nakabagsak at inilipat ng puwesto sa kanang bahagi ko upang mas tumama pa sa balat ko ang lamig ng paligid. Pagkatapos, kahit madilim, nagbunot ako ng split ends na ngayon ko lang napansin para lang may mapaglibangan.

Nilunok ko ang laway na nakababad sa aking bibig. Muli akong huminga nang malalim. "Mando," tawag ko sa kaniya nang tuluyan kong maayos ang sarili ko. Kapansin-pansing 'di na siya nagsalita pa.

"Uhhm..." umungot lang siya. May iniisip ba siya? Bubuksan ko pa lamang ang bibig ko nang bigla siyang magbagsak ng salita. "Kinabahan ka ba?" halos mahina niyang pagkakatanong.

"Sobra."

"Gusto kong kuwestunin 'yan. Pero gets ko na." Bahagya siyang natawa na ipinagtaka ko. "Ba't ka naman kakabahan? Sino ba ako, 'di ba?"

Kumunot ang noo ko. "Ano?"

Umayos siya ng upo. "Si Erin, kinakabahan na maglaho si Mando. Isa lang ibig sabihin no'n, mahalaga na ako sa iyo at may tiwala ka sa akin. Ang saya."

Umiling-iling ako. "Feelingero," isang salitang naitugon ko pero sa totoo lang, gusto ko tuloy makita kung ano ang hitsura ng mukha niya ngayon. Nakangiti ba siya?

"Aminin mo na kasi."

"Umayos ka nga. Seryoso ako, meron nga ako itatanong sa 'yo."

Natawa muna siya. "Ano ba 'yon?"

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon