9. Takot

327 16 1
                                    

Chapter 9: Takot

Erin

Nakisabay ang panahon, nakarinig ako ng paunti-unting patak sa labas ng bahay hanggang bumuhos na nang malakas ang ulan. Mahina siyang napamura at naramdaman kong wala siyang nagawa kun'di, ang umalis para hindi siya maulanan.

Umayos ako ng puwesto, umupo ako para sumilip sa bintana, alam kong hindi tamang silipin ko pa siya ngunit pinili kong sundin ang nagtutulak sa akin.

Pagkahawi ko nang kaunti sa kurtina, nakita kong may taong tumatakbong palayo na nakatalukbong ng puting mahabang kumot ang buong katawan nito. Napagtanto kong paboritong kumot ko pala 'yong ginamit niya, nakapasok pa rin pala siya sa bahay ko kahit nakakandado nang maigi lahat ng daanan doon. Imbes na makaramdam ng inis, wala na akong naging pakialam pa roon. Gumuhit sa isipan ko 'yong tungkol sa bagay na bawal siyang makita ninuman dahil kapag nangyari 'yon, maglalaho siya kaya nagdalawang-isip ako kanina kung puwede ko ba siyang tingnan. 'Yon ang rason kung bakit nagmumukha siyang multong sumusugod sa ulanan ngayon, takot siyang may makakita sa kaniya.

Napakagat ako ng ibabang labi habang pinagmamasdan ang likuran niya hanggang mawala na siya sa paningin ko. Wari ko'y sa bahay ko siya dumaretso.

Huminga ako nang malalim. Sa bagay na iyon, nti-unti niya nang nakukimbinsi ang kalooban ko. Kaunti na lang ay bibigay na ako at paniniwalaan ko na siya. Hindi ko alam kung bakit ang bilis niyang nakuha ang loob ko habang kumakanta at nagsasalita siya kanina. Napintig ang puso ko. Magsisinungaling lang ako kapag sinabi kong hindi ako naaawa sa sitwasyon niya dahil ang totoo, nakokosensiya ako. Hindi yatang tamang iniiwasan ko siya dahil sa takot. Kahit hindi ko maintindihan kung bakit nga ba ako natatakot sa kaniya. Kahit panatag ang loob kong wala naman siyang gagawing hindi maganda sa akin. Gulong-gulo lang ako. 

Bumalik ulit ako sa pagkakahiga. Malamig ang paligid pero naliligo ako sa sarili kong pawis. Napatulala ako sa kisame nang ilang minuto. Mainit pa rin ang mukha ko. Kahit na ganoon pa man, isang pikit lang ay tuluyan na akong nakatulog ulit.

-

Pagkagising ko kinabukasan, yakap-yakap ko ang sarili ko dahil sa malamig na hanging nakatapat sa akin. Halos manigas na ako sa lamig. Pagkamulat ko, natagpuan ko ang electric fan na nakatapat sa akin. Lumobo ang mga mata ko at agad napabalikwas. Napuno ng pagtataka ang mukha ko habang pinagmamasdan ito.

Napakunot ako ng noo.

"P-Paano 'to napunta rito?" Lubos akong nagtatakang nakarating dito ang electric fan na ginagamit ko sa bahay. Sigurado akong hindi ko naman 'to dinala kahapon dahil ito 'yong nag-iisang bagay na nakalimutan ko.

Kahit nagtataka, pinatay ko pa rin 'to para hindi malamigan. Malamig na kasi ngayon. Napatingin ako sa bintana, makulimlim ang kalangitan, halatang magdamag ang ulan at ngayong umaga lang tumila.

Narinig kong bumukas ang pinto. Kinabahan ako pero nang makita ko ang pumasok, nakahinga ako nang maluwag. "Gising ka na pala. Good morning, Erin," nakangiting bati sa akin ni Lola Racel pagkapasok niya sa loob ng bahay, may hawak itong tasa at nakasuot ng balabal pangpawi ng lamig. Siya lang pala. Gising na pala siya.

"Good morning din po," bati ko at tumango siya. Dumaretso siya sa kusina para hugasan ang hawak na tasa. "Lola, sino pong nagdala ng electric fan dito?" Nanatili akong nakaupo habang pinapanood siya, hinihintay ang sagot niya.

Umalog ang balikat niya. "Malay ko. Nagtataka nga ako kasi ang lamig-lamig na pero nakatutok pa sa 'yo 'yang electric fan. Hindi ba ikaw?"

Mabilis akong umiling.

"Baka si Elmo."

Napatango-tango ako ng ulo. Tatanungin ko na lang siya mamaya kapag gising na siya. Ngunit pilit ipinapasok ng ugat ko sa utak na si Mando ang nagdala nito rito. Kung siya man, hindi ko alam kung anong dapat maramdaman ko.

Binuksan ko ang phone para tingnan ang oras ngunit napukaw ng atensyon ko ang text ni Mama. Kagabi pa siya nag-text at ngayon ko lang mababasa dahil hindi ko na ginalaw ang phone ko no'n.

Mama:

Good evening, anak. Anniversary namin ng Papa mo bukas, gusto kong pumunta ka. May maliit na salu-salo tayong tatlo ng Papa mo bukas ng gabi, dito lang din sa bahay. Simpleng selebrasyon lang. Baka kapag pumunta ka na, makumbinsi na natin ang Papa mo para dito ka na lang ulit tumira. Pease, hihintayin ka namin. Miss na miss na kita, anak.

Tinanong ko si Peter kung anong oras ang gig namin bukas, mabuti na lang gising na siya at mabilis nag-reply. 7 PM to 9 PM daw ang oras ng pagtugtog namin. Sa isip ko, abot pa naman ako sa dinner nina Mama kaya nag-reply akong makararating ako pero medyo mahuhuli lang.

Inayos ko ang hinigaan ko, uuwi na sana ako para doon mag-almusal ngunit tulad ng inaasahan, pinigilan ako ni Lola Racel. Dito na raw ako sa bahay nila kumain kaya wala na akong nagawa. Tumulong ako paghanda ng umagahan. Saktong kakain na kami at tatawagin ko na sana si Elmo sa itaas, siyang baba naman niya.

Inaantok pa ang hitsura nito at magulo ang buhok pero nakuha niya pa rin akong ngitian nang makita niya ako. Hindi ko maiwasang hindi siya titigan, ang guwapo niya sa messy hair niya habang nagkakamot sa ulo at humihikab. Sa hindi malaman na dahilan, napaiwas ako ng tingin.

Hindi na ako nag-aksaya ng oras at tinanong ko na siya agad tungkol sa electric fan nang pagkaupong-pagkaupo namin sa hapag.

"Naging masarap ang tulog ko. Ang lamig kasi. Saka ang lakas ng ulan, maiisipan ko pa bang dalhin 'yan dito? Kaya hindi ako."

Tama siya.

Maliit akong napatango ng ulo. Nag-iwan ng katanungan ang naging sagot niya sa akin. At sa katanungan na 'yon, malinaw na meron ng sagot ngunit hindi ako naniniwala. Napatulala ako sa pagkain ko.

"May problema ba, Erin?" tanong ni Lola. Tumingin ako sa kaniya, naghihintay ng sagot.

"Wala naman po." Ngumiti ako para takpan sa mukha na meron akong iniisip. Ngumiti lang siya sa akin at hindi na nagtanong.

Palihim kong sinulyapan ang electric fan sa salas. Kung hindi sina Lola at Elmo ang nagdala nito, isang nilalang lang ang nasa isip ko.

Nang natapos kaming kumain, tumulong ulit ako sa pagligpit. Nagpasalamat muna ako kina Lola bago dumaretso sa bahay para i-check ito. Hindi na ako nagulat makitang bukas ang pintuan at 'yong bintana sa second floor na hindi ko malaman kung paano niya nabuksan 'yon, sa kabila ng mahigpit kong pagkandado rito. Nakita ko rin ang medyo basang kumot na ginamit niyang nakakalat sa sahig.

Bumuntong-hininga ako at naupo sa sofa. Habang naglalakad pauwi kanina, pinag-isipan ko 'to.

Buo na ang loob ko, susubukan kong harapin siya mamayang gabi nang walang kahit anong takot sa dibdib at kakausapin siya nang mahinahon. Lilinawin kung anong klaseng tulong ba ang kailangan niya, para mapag-isipan ko kung kaya ko bang gawin. Ipaliliwanag ko sa kaniya ang problema niya, ang sitwasyon niya. Isasantabi ko muna ang pag-aalinlangan at lalakasan ang loob. Tutal, binibigyan niya ako ng sapat na rason upang makuha niya sa akin ang tiwala ko. Kaso nga lang, sa sobrang naisin niya 'kong kumbinsihin, hindi niya naisip na malamig ngayon at hindi ko kailangan ng electric fan. Take note, wala manlang kasamang kumot.

------

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon