28. Hinala

299 17 0
                                    

Chapter 28: Hinala

Erin

Sinubukan kong huwag magpakita ng kahit anong emosyon sa mukha habang nasa hapag kainan ako kasama sina Lola Racel at Elmo. Pero sa bandang huli, hindi ko maiwasang hindi matulala sa kawalan at napapaisip. Pakiramdam ko, wala akong boses sa pagkakataon na 'to. Naumid na yata ako. Gusto kong makipagkuwentuhan sa kanila ng iba't ibang bagay, pero ayaw makisabay ng sarili ko. Nanatili akong gulat sa mga natagpuan ko.

"Okay ka lang ba, Erin?" Bumalik ako sa ulirat nang mapuna ako ni Lola Racel. Bahagya niya pang hinawakan ang likuran ko. Patapos na kaming kumain pero hindi ko magawa-gawang ma-enjoy ang kinakain namin dahil nagsisilitawan sa utak ko ang mga hinala ko.

Nasa akin ang kanilang atensyon. Ngumiti ako nang pilit at marahang tumango. "Opo naman. Masakit lang po ang ulo ko." Hahangaan ko ang sarili ko dahil sa bilis ng palusot ko. Pansin kong bumagal ang pagnguya ni Elmo.

Bumaling si Lola sa apo niya. "Elmo, kuha mo naman ng gamot si Erin sa kuwarto ko."

Ilang segundo muna ako tiningnan ni Elmo bago binitawan ang hawak na kubyertos para sundin ang utos ni Lola Racel. Tahimik 'tong naglakad paalis.

Simula no'ng nakita ko 'yong bilog na bagay, hindi ko na magawang ideretso pa sa kaniya ang paningin ko kaya hindi ko malaman kung ano ang nasa mga mata niya. Ramdam ko ang pag-iiba ko. Nawala ang sigla at pagkasabik kong tikman ang mga niluto namin. Nawalan ako ng gana bigla. Parang sinasayang ko ang oras nila, lalo na kay Elmo. Sa tingin ko nga rin, nakalimutan ko na lahat ng itinuro niya sa akin. Naiilang ako at para hindi niya mahalata, nakikisabay ako sa agos hangga't sa makakaya ko. Kapag tinitingnan ko siya, naalala ko 'yong mga kuwento sa akin ni Mando kung bakit nawala ang kagandahan ng Paraiso de Kaunis. Isipin ko man na 'yong bagay na nakita ko ay hindi talaga 'yon ang tinutukoy ni Mando pero kung pag-iisipan nang masinsinan, nagtutugma ang kuwento nito sa buhay ni Elmo. Matagal nang wala ang mga magulang nito na hindi ko alam ang dahilan. Kailangan ko muna kumpirmahin ito kay Mando pero hindi ko alam kung dapat ko na ba itong sabihin sa kaniya.

Hindi na ako kinausap pa ni Lola Racel. Tahimik na lang akong kumain. Maya't maya rin akong uminom ng juice dahil parang mabilis nanunuyo ang lalamunan ko.

Pagkabalik ni Elmo, inabot niya sa akin ang inutos sa kaniya ni Lola Racel. Sinubukan ko pang pumasok sa kuwentuhan nila at mabuti, nakakayanan ko. Pagkatapos kong kumain, kahit hindi naman masakit ang ulo ay ininom ko pa rin ang gamot para lang maniwala sila.

Agad na rin akong nagpaalam at nagpasalamat sa kanila pagkatapos naming hugasan ang pinagkainan. Kahit papaano, nabusog ako sa mga kinain ko. Hindi maitatangging masarap ang luto namin kahit si Elmo halos ang gumawa ng lahat. Akala ko tuluyan na ako makakaalis sa mga paningin nila pero wala na akong nagawa nang nagpumilit pa si Elmo na ihatid ako sa bahay.

Napasinghap na lang ako.

Wala sa amin nagsalita hanggang makarating kami sa tapat ng bahay ko. Ramdam ko ang matigas na pader sa pagitan naming dalawa ngunit pansin ko ang palihim niyang maya't mayang silay. Ito na yata 'yong pinaka-awkward na pagkakataon naming dalawa. Nang nasa may pinto na kami, nilakasan ko ang loob ko para harapin siya.

"Salamat sa hapunan," pagbasag ko ng katahimikan. "Ang dami kong natutunan sa iyo."

"May problema ba?" mabilis niyang tanong. Titig na titig siya sa akin. Tila, pinag-aaral ang ekspresyon na nakalatag sa mukha ko at halata ang pag-aalala niya.

"Wala naman. Ano ka ba! Ayos lang ako." Idinaan ko na lang sa pekeng tawa ang pagkailang ko. Sana makumbinsido ko siya.

"Hindi ba masarap ang luto natin?"

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon