17. Isipin

323 17 1
                                    

Chapter 17: Isipin

Erin

"Mando, saan ba kasi tayo pupunta?" pagrereklamo at pagod kong tanong.

Ako na ang nagkusang bumasag sa ingay ng kuliglig na pumapagitan sa aming dalawa dahil simula no'ng umalis kami ng bahay, tahimik lang kami pareho, maliban sa tipid niyang pagturo sa akin ng daan, doon lang siya nagsasalita at tumatalima lang ako. Sobrang nakakailang ang katahimikan, lalo na't tuwing nagbabanggan ang braso't siko namin kahit hawak niya naman ako, hindi ko pa rin maiwasang hindi mailang. Actually, buong presensiya niya pa lang, hindi na ako kumportable. Parang mas lumalakas at bumibilis sa paggapang ang kuryente sa katawan ko.

Sadyang hindi ko na lang matiis ang sarili ko ngayong magsalita dahil pagod na pagod na talaga ako. Naninigas na ang mga binti ko. Nangangatog na rin ang buong katawan ko dahil sa dalang lamig ng gabi.

"'Ayan ka na naman sa paulit-ulit mo, sa gubat nga. Akala ko ba naintindihan mo na bago tayo umalis?" May pagkairita ang kaniyang tono kaya nagkasalubong ang mga kilay ko. Ngayon na nga lang ako ulit nagsalita, ganyan pa ang isasagot niya. Siya pang may ganang magalit, utang na loob nga niya sa akin 'to dahil dapat ngayon ay nanaginip na ako at hindi naglalakbay sa kung saang walang hangganan.

"Kanina pa tayo naglalakad, ah? Sigurado ka bang wala pa tayo sa gubat? Ang isagot mo kasi kung saang parte ng gubat. Saan ba kasi rito? Pagod na 'yong tao, oh."

"Huwag kang makulit."

"Sabihin mo lang sa akin kung naliligaw tayo, ah, gusto ko nang makau—""

"Oo na. Sa ilog," pagsuko niya.

"'Yan! Mabuti naman, sumagot ka rin nang matino. Ganyan kasi dapat!" mariing sabi ko. "Pero ano ang gagawin natin doon?"

"Basta. Malalaman mo rin."

Napabuga ako nang kaunting hangin. "Akala ko, tuluy-tuloy na 'yong pagsagot mo nang maayos. Alam mo, mamumuti talaga ang buhok ko sa 'yo!" Marahas akong napakamot ng buhok. "Ang sakit na rin ng mata ko. Ano ba 'to, birdbox? Ang higpit kasi ng pagkakatali mo. Plano mo yata akong bulugan, eh! Para namang pinaparusahan mo ako rito, ikaw na nga 'tong humihiling ng tulong."

Sa katunayan niyan, bago kasi namin lisanin ang tirahan ko, pinilit niya akong ipiring ang mga mata ko para raw hindi ko siya makita. Todo tanggi ako ngunit sa huli, siya pa rin ang nagwagi. Hindi ko alam kung bakit 'yon pa ang naisip niyang paraan.

Upang mapuntahan ang sinasabi niya, kasalukuyan niyang hawak ang kanang kamay ko ngayon para siya ang magsilbing alalay ko, bagay na kanina ko pa ikinaiilang. Madalas din akong matalapid dahil sa mga maliliit na batong nakausli at siguradong pudpod na rin ang tsinelas na aking suot. Akala ko kasi malapit lang ang lalakarin namin. Sobrang higpit din tuloy ng hawak ko sa kaniya ngayon dahil wala akong ideya kung nasaan na kami, takot ko na lang maligaw sa pusod ng gubat na 'to kapag nakabitaw man ako at dumadagdag na rin sa takot ko na madaling araw na ngayon. Buhay na buhay pa man din ang iba't ibang elemento sa gubat kapag ganitong oras.

Siya lang ang nakakaalam ng nilalakaran namin. Halos magtatatlong-oras na rin kaming walang tigil sa paglalakad at sobrang sakit na ng mga binti ko, lalo na ang talampakan ko. Hindi ko alam kung ilang oras pa ba lalakarin namin papunta sa sinasabi niyang destinasyon. Hindi ba siya napapagod? Wala rin akong dalang tubig. Never ko pang naranasan maglakad nang ganitong kahaba sa buong buhay ko, ngayon lang, 'yong parang wala yatang katapusan.

"Birdbox?" Mukhang bago pa lang sa kaniya 'yong word na 'yon.

"Movie."

"'Di ko alam 'yon."

"Siyempre. Kare-release lang kasi."

Hindi na siya umimik pa at ganoon din ako. Binalot ulit kami ng katahimikan. Hindi ko maintindihan kung bakit ako ang nakapiring, isinama ko rin sa pagrereklamo ko sa kaniya kanina na baka puwedeng balutin na lang niya ulit ang sarili niya sa mga kumot katulad noong ginawa niya, hindi siya pumayag. Ang arte dahil ang palusot niya, mababanasan daw siya, baka hindi raw effective at baka hindi raw niya makita ang daan. Ganoon pa man, pinagdudahan niya ako kanina, tinanong niya ako kung paano ko raw nalaman na nagbalot siya ng kumot. Idinahilan ko na lang na nakita kong basa ang kumot ko na nakakalat sa sahig, hindi ko inamin ang mga narinig ko, ang pagkanta niya, at 'yong panonood ko sa likuran niya habang sinusuong ang malakas na ulan, kung paano niya hindi sinasadyang nakiliti ang kalooban ko no'ng gabing 'yon.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon