40. Alaala

270 11 1
                                    

Chapter 40: Alaala

Erin

Pagkapindot ko ng switch ng ilaw, hindi na ako nagulat nang hindi nagkaroon ng liwanag ang buong paligid. Lagpas hating gabi na. Nakuha ko agad ang ibig sabihin no'n, nandito na si Mando sa loob ng bahay at siguro, hinihintay ang pagdating ko.

Dahan-dahan kong isinarado ang pinto at gamit ang mga paa, hinubad ko ang aking sapatos.

Isinawalang bahala ko ang madilim na paligid at sinunod ang nagtutulak sa akin na dumaretso sa kuwarto upang paunlakan ang kanina pang bumabagabag sa utak ko.

Naabutan kong tahimik ang buong kuwarto. Wala rito si Mando pero hindi ko na 'yon binigyang pansin pa.

Hindi ako nagpalit ng suot. Kinuha ko ang laptop at ipinatong ito sa isang matigas na unan.

Umupo ako sa kama.

Kaba ang nananaig sa loob-loob ko. Sa mga oras na ito, para akong makikipagkita kay Percy matapos ang mahabang panahon.

Nang tuluyang sumilay ang liwanag sa screen ng laptop, aking marahan ipinasok sa tabihan nito ang flash drive na kanina ko pang bitbit. Mula noong ibinigay sa akin ito ni Peter, matindi na ang pagkakadikit nito sa kamay ko.

Hindi rin nagtagal, bumungad na sa akin ang nag-iisang file sa loob ng flash drive.

Para ito kay Erin.

Para sa akin.

Sa akin lang.

Kinagat ko ang aking ibabang labi, sumunod naman magbadyang manghina ang katawan ko. Ngunit sa pangalawang galaw ng daliri ko, naghuramentado bigla ang puso ko nang aking itong binuksan. Rumehistro ang mapait na ngiti sa aking labi nang makita ko ang sandamakmak na bidyo, pamagat at minutong haba ng mga kanta, mga iba't ibang kasuotan niya at 'yong mukha niyang matagal ko na mula noong aking huling nakita na hanggang ngayon, kabisado ko pa rin.

Aking iginalaw ang maliit na arrow patungo sa unang bidyo. Hingang-malalim ang ginawa ko bago ko ito tuluyang ipapanood sa sarili. Sa totoo lang, ayaw kong buksan. Tumama sa akin ang pagdadalawang-isip. Umuurong ang daliri ko. Takot akong bumalik ang mga alala dahil alam kong sasaktan nila ako.

Pero hindi ko kayang labanan ang sariling damdamin na nag-uutos sa akin na panoorin iyon dahil hindi ko maitatangging miss na miss ko na siya.

Inayos ko ang upo ko. Inihanda ko ang sarili ko. Niyapos ko rin ang mga tuhod ko.

Unang kanta: Yakap sa Dilim

Pinanood ko siya kung paano niya inayos ang camera, kung paano ito maupo at inabot ang gitara. "Hello, Erin!"

Bahagya siyang kumaway. Parang naapektuhan ang buong kaluluwa ko nang banggitin niya bigla ang pangalan ko. Unang beses. Kung buhay lang siya, mamamatay na ako sa kilig ngayon pero hindi. Gusto kong kiligin pero ayaw no'n dumalaw sa puso ko. 'Yan ang unang beses na binanggit niya ang pangalan ko na sa tagal ko siyang naging kaklase, sa tagal kong hinintay at pinagdarasal na kahit isang beses manlang, kahit huwag na lang niya na ako pansinin pa kahit kailan, marinig ko lang tinatawag niya ako. Okay na ako roon. Gusto ko lang maramdamang nasabi niya ang pangalan ko.

Uminit ang gilid ng mga mata ko. Nagsisimulang nang mag-ipon ang mga tubig dito.

"This song is for you. I hope you'll like this."

Nagbigay siya ng ngiti.

Sinimulan na niyang patugtugin ang gitara. Hindi ko inaalis ang paningin ko sa mukha niya. Ipinikit niya muna ang kaniyang mga mata bago lumakad sa mga unang salita ng kanta, tila gamay na gamay nito ang paghawak ng instrumento kahit 'di na natingin. Hinayaan kong pumasok sa aking pandinig ang boses niya ngunit dala ng hindi ko magawang mapigilang bugso ng damdamin, tila ang aking mga mata ay hindi na kinakaya ang nakikita, lalo nang pumapasok sa aking utak ang katotohanan na kahit kailan ang lalaking nasa aking harapan ay hindi ko na masisilayan pa.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon