18. Misyon

351 19 1
                                    

Chapter 18: Misyon

Erin

"Rawr."

Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko nang marinig ko ang boses ni Mando. At muntik ko nang makalimutang nakapiring pa rin ako kung kaya't kulay itim pa rin ang sumalubong sa aking pagmulat. Buong akala ko, hindi ako makakatulog sa likuran niya. Hindi ko namalayang nakaidlip pa rin ako.

Kahit hinayaan niya naman akong matulog, marunong pa rin ako mahiya. Hindi ko alam kung gaano ako katagal nakapasan sa kaniya at kung napagod ba siya. Balak ko sanang kung hindi man ako makatulog kanina, bababa rin ako agad kasi nga, baka isipin niyang masyado ko siyang pinapahirapan at inaabuso kasi may kailangan siya sa akin. Hangad ko lang magpahinga, binigyan niya naman ako ng isang pahingang ngayon ko lang naramdaman.

"Uhm . . ."

"Erin, gumising ka na. Nandito na tayo sa ilog." Kakaiba ang tono ng boses niya, 'yong parang kinakanta ang sinasabi. Pinipindot-pindot niya pa ang pisngi ko para maalipungatan pa ako lalo. Ang kulit.

Ramdam kong hindi na ako nakahiga sa likuran niya, inilapag niya na ako sa isang malamig na upuang gawa sa kawayan.

Bahagya akong gumawa ng maliit na galaw, nagpapahiwatig na gising na ako kaya tumigil na siya sa pagsundot sa pisngi ko. Nag-unat muna ako at humikab bago dahan-dahang naupo. Medyo lumayo siya sa akin. Mula rito, dinig ko na ang pag-agos ng tubig mula sa ilog at hindi maitatanggi ang mas lalong malamig na hangin. Agad akong napayakap sa sarili ko. Walang laban ang suot kong oversized shirt.

"Kanina pa ba tayo nandito?" inaantok kong tanong, sa gitna ng paghikab.

"Kararating lang din."

Napahilamos ako ng mukha. Nilalaban ang antok. "Gaano katagal mo pala ako buhat-buhat? Napagod ka ba? Sorry."

"Hindi naman. Okay lang naman ako. Ikaw? Okay na?"

"Medyo masakit pa rin 'yong mga binti ko pero okay na rin. May lakas na ulit ako. Kulang lang talaga ako sa pahinga. Napasarap din ang tulog ko kahit papaano." Tuloy pa rin ako sa paghikab.

"E di, parang sinasabi mo na rin na masarap palang matulog sa likuran ko?" may ngisi niyang pang-aasar. Natigilan ako. Sa isang iglap, doon nabuhay ang diwa ko, nawala na ang antok ko. Agad gumuhit sa noo ko ang pagkunot. "Lalo na siguro kapag katabi mo ako sa kama, mas mapapasarap ang tulog mo," habol pa niya.

"Anong pinagsasabi mo diyan? Ewan ko sa 'yo," mahina kong sabi ngunit may pagkairita habang umiiling-iling.

Narinig ko ang bahagya niyang tawa. "Anong  masama sa tanong ko?"

Hindi na lang ako umimik sa hirit niya. Bagkus, palihim akong umirap. Wala rin akong huwisyo makipagpalitan ng salita ngayon. Ang tanging gusto ko na lang, tanggalin 'tong piring na 'to para pagmasdan ang ilog, at hindi ko na rin maipaliwanag kung gaano na ako nahihirapang suot-suot ito.

Mayamaya, dinig ko ang pagbuntong-hininga niya at ang paglapit niya sa akin. Nagulat ako nang hawakan niya bigla ang magulo kong buhok nang walang permiso galing sa akin. Ewan ko kung ano ang gagawin niya. Hinayaan ko na lang siya sa nais niyang gawin. Ngunit hindi ko maiwasang hindi mamula nang bahagya niyang suklayan ang buhok ko gamit ang mga daliri niya at mayamaya, itinali ito nang papusod, buhok ko lang din ang ginamit niyang pangtali. Ang gaan ng mga kamay niya. Mas presko na ang hangin sa pagdampi sa batok ko pagkatapos niya akong talian.

"Okay ba?" tanong niya at bahagya akong tumango.

Nang matapos niya akong talian, naramamdaman ko siyang tumayo. "Uy, saan ka pupunta?"

"Nakakaawa ka na kasi. Papayagan na kitang tanggalin 'yang suot mong piring. Alam ko naman na kanina mo pa talaga gustong-gustong alisin 'yan. Tiis na tiis ka na. Nandito lang ako sa may likuran mo, sa may madilim na parte. Huwag ka na lang haharap sa akin para walang problema, klaro?" pahayag niya.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon