42. Binago

211 8 0
                                    

Chapter 42: Binago

Erin

Sumakay muli sa biyahe ng aking dibdib ang kaba. Pagkatapos mag-perform lahat ng banda, kaunting minutong binigyan ang mga judges upang magdesisyon at imarka ang kanilang mga iskor. Pinaakyat na kami sa entablado, natitirang oras kung kailan ay iaanunsyo na sa wakas ang mga magwawagi.

Nanatili ang mga ngiti ng mga kasamahan ko kahit walang umaamin, kumikiliti ang kanila ring kaba. Alam kong kapareho lang din namin ang nararamdaman ng ibang banda, base sa ekspresyon ng kanilang mga mukha. Naunang hinawakan ni Peter ang kamay ko bago umagos at hinawakan ko na rin ang kamay ng katabi ko, si Jeric. Ganoon din siya kay Timothy. Hinawakan na rin ni Peter si Vern. Ako ang nasa gitna.

Sinimulang inanunsyo ang special awards, mga kantang napusuan ng mga radio station. Hindi rin biro ang perang mapapanalunan doon dahil para sa akin, ang laki ng tulong no'n. At sa tatlong naunang special awards, nabura ang aking ngiti nang hindi nabanggit ang pangalan ng banda namin. Tumodo ang kaba ko nang masundan pa ulit tatlong special awards, muli, wala kaming natanggap kahit isa. Naglaho ang pagkasabik at pagiging kampante namin noong nasa loob kami ng dressing room, napalitan ito ng pangamba.

Noong dumaan sa pag-aanunsyo sa Best in Music Video, namag-asa ako na sa amin 'yong mapapabilang ngunit hindi, hindi ko pa rin narinig ang pangalan namin. Napalingon ako sa kabilang banda, hindi ko maiwasang mapasimangot at mag-isip ng kung ano-ano, halos tig-iisa ng miyembro nila ang may hawak na trophy at buhay na buhay ang kanilang mga ngiti. Parang malinaw na inihahatid na no'n sa mga tao na sila ang mananalo ngayong gabi. Hakot awards.

Hindi 'to 'yong gusto kong maganap. Or baka masyado lang ako nag-expect?

Dumalaw sa dibdib ko ang lungkot. Yumuko ako. Umiikot sa banda namin ang pagkadismaya base sa pagiging tahimik namin.

Muling nagtawag sa special awards, wala pa rin kami. Hanggang naubos na ito. Bumagsak ang balikat ko.

Noong dumako na sa pag-aanunsyo sa runner up, doon na ako pumikit at palihim na nanalangin. Nanglalamig na ako pero pinagpapawisan ang mga palad ko. Sa totoo lang, nawawala na ako ng pag-asa. Ngunit may bahagi sa akin na napagtanto kong lahat ay nag-eeffort, lahat ay ibinuhos ang kanilang best, lahat ay ginalingan para masungkit ang mga parangal. Kung hindi man kami ang hinahanap ng mga judges ngayong gabi, sana naging daan pa rin ito na natulungan ko si Mando.

Oo. Kahit 'yon lang, sapat na.

Tinawag ang fourth runner up, nawindang ako dahil 'yong tinutukoy kong hakot awards ang nagkamit ng puwestong iyon. Sila ang kinokunsidera kong mahigpit na katunggali namin at mananalo dahil sa pag-angkin ng special awards. Nabuhayan ako ng dugo. Pero hindi ko na 'yon binigyan pansin pa dahil nang matanggap nila ang trophy, mabilis inanunsyo ang third runner up, hindi kami ang natawag. Sumilip ako sa mga kasamahan ko, lahat sila ay taimtim na nakapikit ngunit pansin kong si Peter ay parang may ibininubulong. Panay rin sa pagbuntong-hininga si Jeric.

Sa pagdaan sa second runner up, banda nina Tati ang nakakuha sa puwestong 'yon. Sobrang saya ng banda nila, lalo na si Tati.

Ramdam na ramdam ko ang pagkabog ng dibdib ko dahil sa kaba. Hindi ko na magawang ngumiti nang hindi pa rin ang pangalan namin ang natatawag. Umaasa akong kahit runner up, may mapaglagyan lang ang banda namin pero heto ako ngayon, pinapanood ko ang bandang naging first runner up, ang laki ng kanilang trophy. Napakaganda.

Hindi ko na kinakaya ang mga pangyayari!

Anim na lang kaming natitira. Ito na ang pagkakataong inaanunsyo ang pinakamananalo. Isa sa amin ang tatanghaling kampiyon at ang hindi matatawag, awtomatik hindi pa para sa kanila ang patimpalak na ito, kailangan pang magsumikap at maghintay.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon