Last Chapter

337 9 0
                                    

Last Chapter

Erin

Walang imik akong naglalakad pero hindi ako nag-iisa. Katabi ko ang isang matandang lalaking ngayon ko lang nakita ngunit kilala ko kung sino siya. Kung susuriin ang kaniyang hitsura, nasa kalagitnaan ng 40-50 ang kaniyang edad. Kung pisikal na anyo ang pag-uusapan, mukha siyang matandang bersyon ni Elmo. Kuhang-kuha niya ang hubog at katayuan nito. Mahaba ang kaniyang buhok, maging ang bigote at balbas na pinalago ng panahon.

Hindi matanggal ang sayang nakapaskil sa kaniyang mukha, ang lawak ng kaniyang ngiti, pati na rin ang hugis ng kaniyang mga mata na nangungusap ang pagkasabik sa kung anuman dulo nitong nilalakaran namin. Samantalang ako, heto, hindi magawang pantayan ang nararamdaman niya, wala sa sarili, hindi masaya, nakatulala at hirap na hirap ihakbang mga paa dahil sa sobrang bigat na kinakarga.

Gusto kong huminto. Umiyak. Magmukmok.

Marami siyang tanong sa akin tungkol kay Elmo, tumutugon naman ako kahit maiksi lang ngunit nang maramdaman niyang malungkot ako, hindi na niya itinuloy pang bigkasin ang natitira niya pang tanong, iniwan na niya ito sa kaniyang bibig.

Nang umunti na lang ihahakbang namin mula sa paroroonan, umagos ang paningin ko sa aking bahay. Tahimik na ang buong lugar, wala ng gulo katulad kagabi. Nagsimula akong manglumo. Isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ko. Naapula na ang apoy ngunit bakas ang trahedya dahil sa naiwan pang iilang usok dito. Sinasaksak ang puso ko sa nakikita ko na nagpahirap pa lalo sa mga paa ko.

Natawag ang aking pansin nang biglang lumabas si Elmo sa kanilang bahay, mukhang kanina pa siyang nag-aabang sa aking pagdating.

Nagtagpo ang mga mata namin, malungkot pa rin ang mga ito dahil sa inilabas niyang luha. "Erin?" Matapos niyang banggitin ang pangalan ko, saka niya itinuon ang atensyon sa katabi ko. Naningkit ang kaniyang mga mata at kinatitigan niya ito na tila ba'y kinikilala kung sino. Napaawang ang kaniyang bibig at hindi na nakagalaw sa kinatatayuan. Ibinalik niya ang tingin niya sa akin na puno ng pagtataka. "Sino siya?"

Yumuko ako. Ayaw kong sumagot.

Naiinggit ako.

"Anong nangyari? Paano?" mahina niyang sambit. Itinunghay ko ulo ko. Muling nagparamdam sa kaniya ang luha dahil sa basang nasa mga mata niya.

Isang ngiting maganda ang ibinigay ng katabi ko. "Ang laki mo na, anak. Kumusta ka na?" Binuksan niya ang kaniyang braso.

"P-Papa? Papa!" sigaw niya at tumakbo palapit sa aming gawi, halos matumba ang kaniyang ama dahil sa puwersang nagawa niya sa pagdamba ng yakap.

Kusang nagsituluan ang mga luha ko mula sa aking nasaksihan. Pagkatapos ng labing-limang taon, ramdam ko kung saan nanggagaling ang mga luha ni Elmo. Ngayon lang muli silang nagtagpo. Ang hirap ng dinanas ni Elmo, lumaki siyang si Lola Racel lang ang karamay. Lahat ng pangungulila ng natamo niya sa loob ng higit kalahating taon ng buhay niya, na hindi niya nakapiling ang mga magulang niya, ibinuhos niya ngayon.

Nagtagumpay ako sa misyon ni Mando. Oo. Pero hindi ako masaya.

Bagaman hindi ako nagkamali sa hinala ko sa puso ng gubat, dumagdag pa iyon sa aking pagsisisi. Kung alam ko lang din na mapapaaga ang aking plano, sana noon pa lang ay sinubukan ko nang gawin ang nagawa ko kanina kay Elmo. Hindi ko na dapat hinintay 'tong trahedya. Noong ibinigay ko iyon kay Diwatang Sari, bumalik agad ang kaniyang kapangyarihan, nakita ko mismo kung paano gumanda ang kaniyang lagay, umiwalas ang kaniyang kabuuan. Mukha siyang Diyosa. Napakabait tumingin. Napakagaan niyang kausap, malayo sa una naming pagtatagpo.

At bukas, pagkagising ng mga taong pinalaya niya ngayon ay magiging isang ganap na panaginip ang kanilang mga naranasan. Hindi iisipin na totoo. Wala akong ideya kung paano mabubura ang ibang detalye sa kanilang alaala dahil sa tagal na taong mawawala, pati na rin kina Elmo o sa mga taong nakasaksi. Sa akin, hindi. Hindi ako pumayag at mabuti, pumayag ang diwata pero kinailangan kong magbitaw na pangako na hindi ko ipagkakalat na totoo siya at um-oo ako. Alanganin siya para doon at lubos ko itong nauunawaan. Unti-unti na rin gaganda nang kusa ang Paraiso de Kaunis dahil sa pusong bubuhay rito.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon