38. Hindi Ako 'Yon

259 10 0
                                    

Chapter 38: Hindi Ako 'Yon

Erin

Tuluy-tuloy ang daloy ng pagpapraktis ng banda. Bahay, school at studio kasalukuyang umiikot ang mundo ko araw-araw. Alam kong buhat noon, ganyan naman na talaga pero ngayon, parang may kakaiba. Kahit hindi sapat ang tulog ko, sa hindi malamang dahilan, hindi ako napapagod at maging ang diwa ko ay gising na gising sa buong klase pero may mga subject pa rin akong hindi napapasukan.

Pulido na ang bawat parte ng kanta at gamay na rin kung ano ang gagawin namin sa mismong performance ngunit hindi pa namin itinotodo sa pagpa-practice dahil para makasigurado, ayaw namin maulit ang nangyari noon. Naalala ko, noong nasa mismong stage na kami, nawalan ng kinang ang bawat isa dahil naubos bigla. Namiyok ang boses ni Peter, nagkamali-mali sa pagtugtog ang lahat. Ngayon, itinatabi at inirereserba namin ang aming mga lakas upang mas maipakita namin ang puso sa madla.

Habang tumatagal sa pang-eensayo, mas nagiging malinaw para sa akin kung ano ang kababagsakan ng lahat ng ito, ang pagkapanalo sa kompetisyon.

Aangkinin ko na agad.

Noong kabilang linggo, nabigyan na rin kami ng pormal na pagkilala sa pag-qualify kaya puwede na namin itong ibalita sa iba. Sa pamamagitan ng pag-anunsyo sa lahat ng social media accounts ng sinalihan namin at maging sa telebisyon. Napangalanan at meron kaming litrato doon kaya tuwang-tuwa kami nang makita namin iyon. First time namin makita ang mga mukha namin sa TV! Nasasaksihan na rin namin ang pag-angat ng followers ng banda namin sa Facebook. Masasabi kong unti-unti na nalalaman ng mga tao na may bandang katulad namin ang nag-eexist.

Kumalat na rin iyon sa School. Iba't ibang reaksyon ang umingay tungkol sa amin. Maraming natuwa ngunit may iilan na sa tingin sa amin ay hindi namin kayang maipanalo ito dahil sa mga nasaksihan nilang sunud-sunod naming pagkatalo noon. Tinitingnan ko na lang 'yong magandang bagay tungkol sa sinasabi nila. Sabi ko, baka ganoon sila magsalita nang tapos dahil gusto nilang mapalakas ang loob namin at mapatunayan sa kanila na mali sila. Hindi rin nila naiintindihan na malaking bagay na ang pagkapasok at tumugtog sa malakihang entablado sa bansa. 'Yon ay sapat na pero gagalingan pa rin namin. Nakadawit din ang pangalan ni Percy. Ang sabi, siya ang malaking kawalan kaya lumubog ang banda.

"Good morning po," bati ko kay Ma'am Flores nang pagkaapak ko sa office niya. Naabutan ko siyang abala sa pagtipa sa tapat ng laptop. Professor ko sa isang subject.

"Pakisarado agad pinto, baka lumabas ang lamig," sambit niya nang hindi nalingon. Lamig ng aircon ang tinutukoy niya.

Dahan-dahan ko namang isinarado ang pinto at lumapit agad sa kaniya.

Umangat ang mga daliri niya at doon niya na ako tinapunan ng atensyon. "Good morning. Yes?"

Sinabi ko agad pinunta ko rito. "Kung puwede ko po bang makuha 'yong result po noong midterm exam ko po last week? Wala po kasi ako kahapon."

Nasabi na ng mga kaklase ko na siya raw ang unang namigay ng resulta pero hindi ako nakapasok kahapon kaya hindi ko pa nakukuha at nalalaman. Isa 'yon sa nagpapakaba sa akin. Dumaan ang hell week nang tuloy pa rin ako sa pagpa-practice sa sinasabayan ko ng pag-rereview.

"I see." Kilala ako ni Ma'am kaya 'di na niya tinanong pa ang pangalan ko. Tumango siya at nagsimulang buklatin ang kabundok na sari-saring papel sa gilid ng lamesa upang hanapin ang pakay ko.

Kinabahan ako nang makita na niya ito pagkaraan ng isang minuto at inilahad sa akin. "Here."

Pagkatanggap ko, hindi na ako makapaghintay na lumabas upang malaman iyon. Hindi ko na mapigilang ngumiti nang makita ko ang marka sa itaas ng gilid ng green book exam na pinagsagutan ko. Mataas, hindi kagaya ng inaasahan ko.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon