11. Kutob

307 16 2
                                    

Chapter 11: Kutob

Erin

Binigyan ako ni Peter ng dahilan upang iwasan siya.

Hindi ko gustong gawin, kusang lumalayo lang talaga ang loob ko sa kaniya ngayon. Habang iniiwasan ko siya, ramdam na ramdam ko ang pagiging awkward ng paligid, bagay na ngayon ko lang naramdaman kapag kasama ko ang mga kabanda ko.

At tila nang-aasar pa talaga ang panahon, umulan pa nang napakalakas sa labas dahilan para sa halip na umuwi na kami, nanatili muna kami rito sa tambayan para magpalipas ng gabi. Kahit gustong-gusto ko nang makauwi, pinili ko na rin ang huwag munang tumuloy. Kapag lumusob ako sa ulanan, nababatid kong wala rin naman ako masasakyan pauwi. Kung meron, punuan o siksikan dahil sa sama ng panahon. Madalang lang din ang sakayan. Mauulanan at magkakasakit pa ako. Nakatutuwang isiping walang kaso na sa akin at hindi ko na kailangang i-stress-in ang sarili sa pag-uwi nang umaga dahil wala na naman akong uuwian na ang bungad sa akin ay puro sermon.

Upang maibsan ang pagkainip, nag-suggest si Jeric na mag-praktis na lang ulit kami.

Nang makaramdam ng antok ang mga kasamahan ko, tinapos na namin ang pagpa-practice. Agad na silang nagtungo sa kuwarto at nagpahinga. Umupo ako mag-isa at nagpaiwan muna ako rito sa studio namin. Ayaw ko pang matulog kahit panay hikab na ako at pabagsak na ang talukap ko, nilalabanan ko ang antok ko. Ang plano ko, hihintayin ko ang pagtila ng ulan para doon na ako agad makauwi.

Gaya ng sabi ko, iniiwasan ko si Peter. Hindi ako kumportableng kasama ko siya ngayon. Kanina, kung ako 'yong sumusulyap-sulyap sa kaniya doon sa unang practice namin, kaninang pangalawa ramdam ko naman ang matinding titig niya sa akin, ako naman ang puro mali ang nagagawang pagtugtog sa piano. Hindi ako makapag-concentrate kahit anong paalala ko sa sarili ko. Ganoon pa man, sinusubukan ko pa rin hindi mapansin 'yon ng kasamahan namin.

Pakiramdam ko, ang sikip-sikip ng paligid kaya hindi ko masabayan. Gusto ko nang kumawala sa paningin niya at sa wakas nangyari na 'yon kaso pader lang ang pagitan namin. Nakahinga ako nang maluwag kahit papaano nang sumama na siyang matulog.

Tumingin ako sa orasan na nasa may bandang itaas ng pinto. 4:36 AM na pala. Hindi ko namalayang ilang oras na ako nakaupo at nakatutok lang sa phone.

Napaawang ako ng bibig nang may biglang akong maalala. Umurong ang paghila sa akin ng antok, nabuhayan ang dugo ko.

"Shucks! Oo nga pala, kakausapin ko ngayon si Mando!" Nasapo ko ang noo ko. Bumagsak din ang balikat ko. Nawala sa isip ko ang harapin siya ngayon dahil hindi pa ako nakakauwi. "Buwiset na ulan na 'to!" Napabuga ako ng hangin.

Ngunit mabilis napatikom ang bibig ko nang bumaba ang tingin ko sa pintuan dahil sa biglang pagbukas nito. Sa isang iglap, nataranta ang buong kalamnan ko nang makita ko kung sino ang nagbukas. Pilit ko na nga siyang iniiwasan, saka pa siya papasok ngayon dito.

Gulat ang nabasa ko sa mga mata niya nang magtama ang paningin namin. Hindi niya yatang alam na nandito ako ngayon. "N-Nandiyan ka pala? Hindi ka pa natutulog?" Halata sa mga mata niyang kagigising lang niya, may hawak siyang tasa ng kape.

Tipid akong umiling at ibinalik ang tingin sa phone. Unti-unti ako nakararamdam ng pagkailang. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Masaya ako dahil nakumpirma kong may gusto rin sa akin si Percy ngunit salungat sa pag-amin naman sa akin ni Peter. Hindi ko tuloy maramdaman 'yong kilig kay Percy, tinatabunan ng pagkailang ko sa kapatid niya.

Nag-alinlangan siyang tumuloy pero sa huli, umupo siya sa upuan ni Jeric. Na nasa may bandang sulok ng studio, malayo sa akin. Nagkunwari akong wala akong pakialam sa kaniya. Isang mahabang katahimikan ang pumagitna sa amin pero siya ang nagkusang bumasag nito. "G-Gusto mo ng kape?" alok niya. Hindi niya inaalis ang tingin sa akin, bagay na ikinaiilang ko pa lalo.

Pinakiramdaman ko ang paligid. Hindi ko siya sinagot. "Mukhang tumila na ang ulan, uuwi na ako."

Iniiwasan kong mapunta sa kaniya ang mga mata ko. Wala sana akong balak pang umalis kaso hindi ko kayang tayuan ang hangin dito sa loob. Akma na akong lalabas ng studio nang marinig ko ang sinabi niya.

"Erin, please, huwag mo naman akong iwasan, mas lalo mo lang ipinaparamdaman sa akin na wala akong pag-asa."

Natigilan ako. Hindi ko siya nilingon.

Hindi ko ulit siya inimikin at iniwan pa rin siyang mag-isa roon. Hindi ko kaya 'yong hinihiling niya. Hindi madali. Maiilang at maiilang lang ako. Gusto ko sanang sabihin sa kaniya nang direktang sapat na sa akin na kaibigan ko siya, hanggang doon lang talaga ang kaya kong ibigay kaso wala pa akong lakas ng loob.

Bakit kasi kailangan niya pa akong magustuhan? Kung gusto man niya ako, dapat hindi na lang niya inamin. Para hindi ganito kahirap gumalaw.

-

Pasalamat akong medyo mahina na ang ulan nang umalis ako sa tambayan, hindi na ako nagpaalam sa mga kasamahan ko dahil masasarap na ang kanilang mga tulog.

Dugyot na ako nang makauwi ng bahay. Walang kasing nadaang tricycle sa shed na pinaghintayan ko. Oras ang inabot bago ako sa wakas nakakita at nakasakay. Ayos na rin 'yon, ang mahalaga, hindi ko na kasama si Peter.

Kahit anong habol ko sa oras upang maabutan pa si Mando, may liwanag na nang nakarating ako ng bahay. Pagkapasok ko ng bahay, kapansin-pansin ang nakalubog na parte ng kutsyon sa ibabaw ng kawayang sofa, iniisip kong matagal siyang umupo roon at hinintay talaga ang pagdating ko.

Napasimangot ako.

Hindi ko alam kung makakausap ko pa siya mamayang gabi dahil may gig kami. Hindi namang puwedeng hindi ako sumama dahil walang kasiguraduhan kung kailan ang kasunod pang gig, at saka, kulang ang pera ko ngayon, kailangan ko talaga ng raket.

Kumuha ako ng tubig sa ref. Balak kong dumaretso sa kama para matulog. Pero pagkatapos kong uminom, saka ko lang napansin ang papel na nasa ibabaw ng maliit kong dining table.

Napakunot ako ng noo. "Ano 'to?" Ibinaba ko ang boteng hawak.

Lumapit ako at binasa ang nakasulat sa kapirasong papel.

Bakit hindi ka umuuwi? Asaan ka? Wala ka naman doon sa bahay na kung nasaan ka kahapon. Sayang, may ibibigay pa man din ako sa 'yo. Baka sakaling pumayag ka ng tulungan ako. Magugustuhan mo 'to, sigurado.

Mando : (

Nakakapagsulat siya?

Malamang.

Matagal talaga siyang naghintay. Ganoon pa man, naiwan sa akin 'yong salitang may ibibigay raw siya sa akin. Mas lalong kumunot ang noo ko at nagkaroon ng karera sa dibdib ko.

Hindi ko alam kung bakit bumalik sa utak ko ang sinabi ni Peter na tungkol sa kuwintas na ginawa ni Percy na nawawala sa kuwarto nito. Kuwintas na ibibigay raw nito sa crush niya. Kinukutuban din ni Peter na buhay pa ang kapatid niya.

"At may gusto raw sa akin si Percy." Bahagyang namula ako sa nasambit ko. "Ibig sabihin ba no'n, sa akin dapat ibibigay ang kuwintas na 'yon kung hindi lang nalunod si Percy? At sabi naman ni Mando, may ibibigay rin daw siya sa akin?"

Napaupo ako. Natulala. Kumalat sa buong katawan ko ang kakaibang kaba.

Kuwintas ba ang ibibigay sa akin ni Mando? Siya ba si Percy?

Napalunok ako.

------

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon