22. Ibang Kanta

283 14 1
                                    

Chapter 22: Ibang Kanta

Erin

"Anak, napakiusapan ko na ang Papa mo na dito ka na ulit umuwi sa bahay! Okay na sa kaniya na makasama ka namin. Tutal, ilang linggo ka na diyan. Siguro naman ay na-mimiss mo na kami kasi kami, miss na miss ka na rin namin dito. Sabi ko sa iyo, anak, eh, hindi ka rin matitiis ng Papa mo." Namumutawi sa boses niya ang pagkasabik na muli akong makasama. "Gusto mo, mamaya, pumunta na kami diyan ni Mang Ronaldo para kuhanin na mga gamit mo at sunduin ka?"

Isang mahabang pagbuntong-hininga ang pinakawalan ko dahil sa mga narinig ko. Kausap ko si Mama sa phone. Tinawagan niya ako para sabihin sa akin ang tungkol sa bagay na iyon.

Napaupo ako sa sofa. Napakagat ako ng ibabang labi, pinag-iisipan kung ano ang itutugon.

Imbes na makaramdam ng tuwa, humanap ako ng dahilan upang tanggihan iyon. Hindi ngayon ang tamang oras para lisanin ang bahay na 'to. Kung no'ng una, ayaw kong mapahiwalay sa mga magulang ko, takot na takot akong mapag-isa at hindi maipaliwanag 'yong lungkot ko pero mula sa ilang linggo kong pananatili rito, may mga nangyaring hindi ko inaasahan. Kung kaya't gusto ko pang magtagal.

"'Ma, miss ko na rin naman po kayo. Pati ang bahay. Lalo na 'yong kuwarto ko." Huminto muna ako. "Pero sa ngayon, hayaan niyo na lang po muna akong mamalagi rito. Hayaan niyo po muna akong mapag-isa."

No'ng binisita niya ako noon dito sa bahay, nasabi niya sa akin na kakausapin niya si Papa para pauwiin na ako. Nasabi ko na rin sa kaniya na okay lang ako rito pero miss niya na talaga ako kaya ganyan siya.

"Sigurado ka ba talaga diyan?" Napawi ang pagkasabik at sayang nasa boses niya. Ramdam kong lumungkot siya.

Tumayo ako at sumandal sa gilid ng pinto. Muli akong humugot na malalim na hininga. "Hindi ko po kasing maipapangakong titino na ako diyan, baka madismaya ko lang po kayo. Alam niyo naman kung gaano ako kapasaway." Tumigil ako at hinintay kung magsasalita ba siya.

Hindi siya umimik kaya nagpatuloy ako. "Lalo na po ngayon, may malakihang songwriting competition po kaming sasalihan, baka pagbawalan po ako ni Papa. Mahalaga po sa akin. Pero sana, huwag niyo na pong banggitin sa kaniya iyon. Gusto ko na rin naman po kayo makasama. Hindi ko naman po—" Napahinto ako saglit. Hindi ako sigurado kung itutuloy ko 'to pero bahala na. "—pinapabayaan 'yong pag-aaral ko po." Humina bigla ang boses ko pero sana hindi niya napansin ang pag-aalinlangan ko.

Tumikhim si Peter. Umangat sa kaniya ang paningin ko. Nagsenyas ako sa kaniya na saglit lang. Nandoon siya sa may kalsada, hinihintay ako. Umaga ngayon. Balak naming pumunta sa studio para sunduin 'yong iba pa naming kasamahan. Ngayon ang araw na nagtugma-tugma ang schedule naming lahat para bisitahin ang Paraiso de Kaunis.

"Gusto mo 'yong ganyan, anak? Mag-isa ka? Akala ko ba, ayaw mong mapahiwalay sa amin? Alam mong hindi kasi ako sanay na wala ka rito sa bahay. Hindi ako makampante."

Hindi lang dahil sa competition ang rason kung bakit ayaw kong umuwi.

Nangako ako kay Mando na tutulungan ko siya sa misyon niya kahit ilang araw na niya ako hindi sinisipot buhat no'ng gabing idinala niya ako sa gubat, ayaw kong gamitin iyon na dahilan para takasan ang pangako ko. Alam kong babalikan niya ako. Maghihintay ako sa kaniya. Gusto kong iklaro sa kaniya kung ano na ba ang plano niya sa misyon na 'to o kung gusto pa ba niya akong tumulong. Basta ang mahalaga, nagsisimula na ako sa parte ko.

Maliban diyan, sariwa pa rin sa akin 'yong nahuli ko si Papa na may kasamang ibang babae. Hindi kakayanin ng sikmura kong makita siya sa bahay araw-araw na alam ko kung ano ang ginagawa niya. Kahit nakikita ko kay Mama na muling inaalagaan ni Papa ang relasyon nilang dalawa, hindi ko pa rin alam kung paano siya haharapin, hindi pa rin iyon sapat na ebidensiya para sa akin na tumigil na si Papa sa maling gawain niya. Masakit iyon sa parte ko, bilang anak ni Mama. Kukumpirmahin ko muna na tumigil na talaga siya.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon