8. Ilalaan

373 16 3
                                    

Chapter 8: Ilalaan

Erin

Marami-rami rin kaming napagkuwentuhan nina Lola Racel at Elmo sa hapag kainan. Umikot ang usapan sa kumustuhan. At dahil hindi mapreno ang bibig ni Lola Racel, halos naisin nang lumubog ni Elmo sa kinauupuan nito nang banggitan ni Lola na-miss daw talaga ako nito nang lubos no'ng lumipat kami ng tirahan. Pero ang sabi ko naman, puwede naman niya akong dalawin sa bahay kapag nandoon ako. Hindi 'yong nagngingitian lang kami sa school kapag nagkakasalubong kami at pagkatapos, wala nang komunikasyon. Panay sulyap ako sa kaniya pero hindi ko mahuli ang mga mata niya. Nararamdaman ko sa ekspresyon ng mukha niya ang kahihiyan.

'Yong 15 minutes na nakasanayan kong kumain ng hapunan ay naging halos isang oras nang makasama ko sila. Sa kanilang lamesa ko natagpuan ang hinahanap kong kasiyahan sa lamesa kapag kasama ang mga magulang ko. Ganadong-ganado tuloy akong kumain. Busog na busog ako pagkatapos. Tumulong din ako sa kanila sa pagligpit ng pinagkainan. Nagustuhan din ni Lola Racel ang niluto kong chop suey kaya natuwa ako.

Humiling din sa akin si Lola Racel kung puwede raw na sa kanila na raw ako maghapunan palagi, um-oo ako kahit hindi ko alam kung palaging mangyayari 'yon dahil gabi-gabi akong nagbabanda at hindi sigurado kung maaga ang pag-uwi. Lalo na ngayon, kailangan ko ng pera.

Kinuha ko ang ilang gamit mula sa bahay kanina bago umalis, sinigurado kong kumpleto na ang dala ko para hindi na ako bumalik pa roon. Iniwan kong bukas ang lahat ng ilaw sa bahay, kaya parang nagliliwanag ang bahay ko ngayon. Matibay na naka-lock din lahat ng butas ng bahay para walang mapasukan si Mando. Buo na ang loob kong magpalipas rito sa bahay nina Elmo ng gabi para maiwasan si Mando. Ipinapanalangin kong sana hindi niya alam na nandito ako at sana bukas, kapag doon na ako matutulog, huwag na niya ako gambalahin pa. Sana maramdaman niyang ayoko siyang tulungan dahil hindi ako naniniwala sa kaniya.

"Ayos ka lang ba talaga rito?" tanong sa akin ni Lola Racel. Pang-ilan beses na niyang itnatanong sa akin 'yan. Nakaupo siya sa silya at pinapanood akong inaayos ang sofa na tutulugan ko. Nandito ako sa salas, gusto niya akong matulog sa guest room nila ngunit panay tanggi ako, kanina pa ako kasi nakararamdam ng hiya. Parang sobra-sobra na 'yong ginagawa niya para sa akin.

"Opo, ayos lang po ako rito," nakangiti kong sagot. Malambot din naman dito sa sofa kaya alam kong magiging kumportable ako.

"Sigurado ka ba? Walang aircon dito. Mababanasan ka. Sira rin ang mga electric fan dahil hindi rin naman namin ginagamit." Hindi ko ipinakitang nainis ako dahil nakalimutan kong dalhin ang electric fan sa bahay.

"Malamig naman po ngayon. Saka, sanay na rin po akong matulog nang walang electric fan or aircon." Totoo ang sinabi ko.

"Ako'y baliktarin mo, hinding-hindi ko kakayanin iyan." Napatawa kami pareho. "Kaya sana naman, huwag nang mawalan ng kuryente mamaya, sobrang banas kaya. Lalo na kagabi, tagaktak ang pawis ko sa buong mukha. Hindi ako makatulog nang maayos, panay paypay ako ng abaniko. Mabuti nga ngayon, malamig-lamig. Pero siguro, hindi naman na mawawalan ng kuryente. Naayos na ang sirang poste."

"Sana nga po, hindi naman po ako sanay sa madilim."

"Ay, ibahin mo ako, apo." May paghampas pa ito sa hangin. "Ako, sanay naman sa madilim. Hindi ako makatutulog kapag may ilaw," natatawang sabi niya. "Sige na, apo. Paparoon na ako sa kuwarto ko, ako'y inaantok na. Bukas na ulit tayo magkita." Tumayo na siya sa silya at nagtungo sa kuwarto niya na malapit lang dito sa salas. Matanda na siya at mabilis dalawin ng antok.

"Good night po."

Isang magandang ngiti ang isinukli niya sa akin. Pagkatapos, biglang tumahimik ang paligid.

"Psst."

Natigilan ako sa ginagawa at nakaramdaman ng kaba nang may sumitsit sa akin. Nagtaasan agad ang mga balahibo ko sa buong katawan. Parang nahinto rin ang paghinga ko.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon