35. Kabado

246 12 2
                                    

Chapter 35: Kabado

Erin

Bumuhos ang pagtataka sa akin. Ganoon na lang din ang daloy ng kaba sa katawan ko.

Sinubukan ko pang halughugin ang buong kuwarto para lang makita ang hinahanap, pawis lang ang natamo ko.

Umabot hanggang paa ang pagkadismaya ko habang bumababa ng hagdan. Sa katunayan niyan, hindi ko alam kung dapat pa ba akong bumaba at samahan si Mando ngayon. Hindi ko alam kung sa paanong paraan ko masasabi sa kaniya tungkol sa pinaghihinalaan kong puso ng gubat gayon ay nawawala ito agad.

Kaninang umaga ko lang 'yon nahawakan at nasilayan, hindi ko na agad alam kung nasaan. Kampante pa man din akong ligtas ang pinagtataguan no'n. Hindi ko 'yon pinabayaan. Kung alam ko lang na ganito ang mapapala ko, dapat isinama ko na lang siya sa studio para hindi mawala sa mga mata ko.

Wala ako sa sariling naupo sa sofa. Natagpuan ko ang sarili kong nakatulala sa kawalan habang pilit pinapakalma ang tibok ng puso.

"Akala ko, may ipapakita ka sa akin?" sambit ni Mando sa tabihan ko. Nagtataka siguro siya kung bakit bumalik akong walang dala.

Hindi ko siya sinagot dahil mas pinili kong magtanong. Humarap ako sa kaniya kahit 'di ko siya maaninag. Isang malalim na buntong-hininga muna ang ginawa ko. "Mando, kanina ka pa ba nandito?" may hinahon ang boses ko.

"Hindi naman. Kararating ko lang din. Bakit?" kaswal niyang sagot na halatang nagsasabi siya ng totoo.

"Umakyat ka ba sa kuwarto ko?"

"Hindi pa," segunda niya.

"Hindi na kita tutulungan kung nagsisinungaling ka," panunubok ko sa kaniya sa pag-aakalang may itinatago siya kahit hindi 'yon ang pakiramdaman ko.

"Hindi talaga ako umakyat. Promise. Mamatay man ako." Nakuha niya pang magbiro. Sa huli, kumbinsido naman ako.

Napasinghap muli ako at hinayaan ang sariling mapayuko. Gulong-gulo ang utak ko. Wala akong ideya kung saan napunta 'yong ipapakita ko sa kaniya ngayon. Hindi ako puwedeng magkamali, tandang-tanda ko na doon ko lang 'yon inilagay. Aaminin ko, kalamitan palagi kong iniiwang bukas ang pintuan ng bahay pero para 'yon kay Mando, kung nanaisin niyang minsan ay tumambay rito.

Sa isang sulok ng utak ko, hindi ko sukat maisip kung meron pa bang nanamantalang pumasok pa rito sa loob para kunin 'yong itinago ko? Pero sino? May nakakita ba sa akin bukod kay Elmo na muntik na akong mahuli sa akto kaninang umaga?

Lagot ako nito. Hindi ko talaga alam kung ano ang nangyari. Hindi manlang ako binagbigyan ng pagkakataon na ipakita at ibigay ito kay Mando.

"Bakit? May problema ba?" Sa gitna ng pag-iisip, narinig ko ang malambot na pagtatanong ni Mando pero nanatili pa rin akong nakayuko. Ayaw akong lisanin ng kaba.

"Wala." Napakagat ako ng ibabang labi.

"Nakakapanibago ka kasi. Parang ang saya-saya mo lang kanina pero ngayon . . ." ginaya niya 'yong tunog ng 'booosssh'. " . . . bumubulusok pababa 'yong energy mo. Bakit? Hindi ka na agad masaya? Anong nangyari?"

Aaminin ko na ba?

Ibubuka ko na sana ang bibig ko pero tinikom ko rin ito agad. Sa pagkakataon na 'yon, natagalan akong tumugon. "Pagod ako. Pati sa mga susunod na araw, mapapagod ulit ako dahil magiging puspos ang pag-eensayo namin. May school works pa ako na . . . parang hindi ako sure kung makaka-graduate pa ako this year kasi ang dami kong absent at missing. Lulubog at lilitaw lang ako kapag napag-trip-an kong pumasok ng klase. Ewan," nasabi ko na lang, sinubukan kong huwag magtunog na nagsisinungaling. Ngunit sa isang banda, totoong iniisip ko rin 'yong tungkol sa pag-graduate ko pero ang pinagkaibahan nga lang, hindi talaga 'yon ang nasa utak ko ngayon.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon