23. Kapalpakan

256 14 0
                                    

Chapter 23: Kapalpakan

Erin

Itinuro sa akin Jeric kung nasaan si Peter. Nandoon siya sa labas, sa likod ng studio kung saan may mga upuan. Agad ko siyang pinuntahan. Walang ideya ang mga kasamahan ko nang mapansin nila ang pagbabago ng awra ko pero ramdam kong sumunod sila sa akin. Mukhang hindi rin nila alam 'yong tungkol sa entry namin. 'Paraiso' rin ang inaasahan nilang kantang i-sa-submit ni Peter. Umaandar sa dugo ko ang inis. Hindi ko alam kung ano ang sumapi sa utak no'n para ibang kanta ang ilagay.

Naabutan ko siyang mag-isang nakaupo at abala sa paggigitara.

"Peter!" pag-agaw ko sa atensiyon niya. Itinaas niya ang paningin niya sa akin at tumingin na parang nagtatanong kung bakit. Nanglilisik na mga mata ang nasaksihan niya sa akin. Hindi pa ako tuluyang nakakalapit, hindi ko na napigilang sumbatan siya. "Mag-usap nga tayo! Maglinawan tayo rito! Kung may problema ka sa kantang kinompose nating dalawa, sana sinabi mo manlang sa akin nang harap-harapan. Hindi 'yong magsa-submit ka ng ibang kanta sa competition na 'yan na wala kaming kaalam-alam."

Kumunot ang noo niya at nagtatakang idineretso ang tingin sa akin, parang wala siyang alam sa mga sinasabi ko. "Anong ibig mong sabihin?" Tumayo siya at inihiga ang gitarang hawak sa upuan.

Isinarado ko ang kamao ko. Mariin muna akong pumikit at bumuntong-hininga. "Kung hindi ko pa ichecheck 'yong registration form, hindi ko pa malalaman. Huwag mong sayangin 'yong pagod namin dito, Peter. Dapat habang ginagawa natin 'to, sinabi mo sa akin na ayaw mo sa kanta. Tinanong naman kita kung ayos lang, sumang-ayon ka, 'di ba? Ano bang problema mo? Nag-aaksaya lang tayo ng panahon dito, eh. Kung kailan maayos na ang lahat, saka mo sisirain. Kung ayaw mo pala, e 'di sa ibang kanta na lang dapat tayo nagpokus noong palang. Napapangitan ka ba sa ideya ko? Nakokornihan ka ba? Masyado bang walang impact? Sabihin mo!" tuloy-tuloy kong inis na pahayag.

Hindi ko napigilan ang sarili na pagtaasan siya ng boses dala ng emosyon. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ganito ako ngayon. Masyado akong apektado. Kilala ko ang sarili ko kahit papaano, hindi ako ganito. Hindi ko gawain ang sumigaw kapag nagagalit o naiinis, mahinahon ang aking boses at mababa.

Siguro, iniisip ko lang si Mando.

Sa mga lumipas na araw, napapansin na naming apat ang kawalang kagana-gana ni Peter. Parang tinatakasan siya ng enerhiya. Parang hindi na niya sineseryoso ang pagpa-practice namin. Palagi na rin siyang late, hindi tulad noon na siya ang laging nauuna at nagre-remind pa. Hindi namin siya ramdam ngayon, 'yong spirit ng pagkasabik manalo, wala. Palagi rin niyang pinipiling dumistansya sa amin at mag-isang nagmumunimuni. Hinahayaan na lamang namin siya dahil mukhang malalim ang kaniyang iniisip kaya gusto niya ng sariling mundo. Hindi na rin niya ako madalas sinusundo sa bahay, iisiping parang tumigil na siya sa pangliligaw sa akin. 'Yon nga ang gusto ko pero hindi ko gugustuhing maiwang nagtataka kung bakit ganyan ang kinikilos niya. May mali. Hindi ko na siya maintindihan, binalak ko na siyang tanungin kung anong problema niya pero palaging hindi natutuloy. Nahihiya rin ako ngunit alam kong ipapahula niya sa akin 'yon sa simpleng 'wala' na itutugon niya.

Ngayon alam ko na. Hindi ko akalain na tungkol pala sa kanta ang dahilan kung bakit ganyan ang inaakto niya. Kaya pala parang wala siyang kaintere-interesado. Nagagalit ako kasi hindi siya nagsabi.

Humakbang siya nang isa palapit sa akin. Hindi niya inaalis ang tingin sa akin. "Teka nga. Ano bang ikinagagalit mo?"

"Tiningnan ko 'yong sinubmit mong kanta, bakit hindi 'Paraiso' ang entry natin?" kaagad kong sagot. Gusto ko nang marinig mula sa kaniya 'yong dahilan kung bakit niya iyon ginawa. Kung anong mali sa kanta.

Natigilan siya. "Ha? 'Paraiso' 'yong nandoon. Anong sinasabi mo diyan?"

"Hindi! 'Yong lumang kanta 'yong nandoon," pagkontra ko. Nagmamaang-maangan ba siya? Hindi naman ako puwedeng magkamali, kasi ibang kanta talaga 'yong nakita ko.

Napahalukipkip siya. "Ah, nakuha ko na. Hindi kasi 'yong kantang ginawa mo 'yong nai-submit ko? Tama ba? Kaya ganyan ka ngayon?" Hindi ako sumagot pero nagpatuloy siya. "'Yon lang ang ikinagagalit mo?"

Pinigilan kong gumihit sa labi niya ang ngisi dahil agad din akong sumabat. "Gusto mo bang sabihing ang babaw ko? Ganoon ba? Anong 'lang'?" Bakit bigla siyang humirit ng ganoon?

"Wala akong sinasabing ganyan," pagdepensa niya.

Napaawang ako ng bibig. "Akala ko ba mahalaga sa 'yong 'tong banda natin? Bakit parang hindi ka nagseseryoso? Ikaw 'yong nagsabi na gusto mong sumali tayo sa malakihan na competition na 'yan 'tapos aarte kang ganyan? Alam mo naman na kapag hindi natin naipanalo 'to, aalis si Jeric. Mawawatak na 'yong banda natin. Mag-effort ka naman!" Sa gilid ng mga mata ko, nakita kong bahagyang nagtago si Jeric sa likuran ni Vern. Nakatungo rin ito.

Nagtitimpi na ako. Muli akong humugot nang malalim na hininga para pakalmahin ang sarili.

Pero napataas ako ng kilay nang marahan siyang tumawa. Hinawakan niya ang dalawa kong braso at hinimas ito pataas-baba. Nagpaligsahan kami ng titig. Ang amo ng kaniyang mga mata. "Easy ka lang, Erin. Huminahon ka nga. Baka nagkamali lang ako? Tao rin ako. Medyo lutang. Medyo lumilipad ang isip ko kaya baka namali ako ng pindot. Huwag ka naman magalit. Ang dami mo agad sinabi sa akin. Hindi ko 'yon sinasadya, okay?"

Matalim pa rin ang tingin ko sa kaniya pero hindi na ako umimik. Nanatili naman na tahimik lang nanonood sa amin ang tatlo. Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba 'yong sinabi ni Peter. Hindi niya raw iyon sinasadya. Paano? Hindi ko rin naman masisisi kung bakit inuna ko ang galit ko. Importante sa akin ang kanta. Importanteng marinig 'to ng maraming tao dahil importante 'to kay Mando. Doon nga siguro nagmumula ang galit ko. Kay Mando.

"Sige. Hayaan mo, aayusin ko. Huwag kang mag-alala. 'Paraiso' pa rin ang entry dapat natin. Mabuti't na-check mo. Gusto mo ngayon ko na ayusin? Tara, samahan mo pa ako."

Nagulat ako sa sunod niyang ginawa, inakbayan niya ako at sinubukan akong isabay sa paglalakad niya. "Lumayo ka nga!" bulyaw ko. Iniwaksi ko agad ang sarili ko sa akbay niya. Ngiti ang iginanti niya sa akin. Umirap ako. "Siguraduhin mo lang na itatama mo 'yon." Napahalukipkip ako.

"Ito na nga. Papasok na nga ako. Samahan mo kasi ako." Muli niya akong sinubukang akbayan pero hinampas ko ang kamay niya.

"Tumigil ka nga! Puro ka kasi kapalpakan! Mabuti 'yong kapatid mo, hindi pumapalpak sa kahit anong bagay. Maasahan talaga."

Ako ang naunang pumasok sa loob ng studio. Pero nahagip ng mga mata ko ang gulat sa mukha niya, maging ang mga kasamahan ko, nagulat din. Iniwan ko siyang nakabukas ang bibig. Saka ko lang napagtanto kung ano ang binitawan kong salita nang nakalayo na ako sa kanila. Bigla akong nagsisi.

Mali iyon.

Dapat hindi ko sinabi iyon, dahil doon maaaring nagmula kung bakit napagkukumpara niya ang sarili niya sa kapatid niya. Alam ko ang puwedeng tumakbo sa isipan niya.

----

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon